My Duterte Story: Tacloban

Ni: Cristina San Pedro

Ako ay isang volunteer at nasanay akong pamunuan ang maraming rescue at relief operations ng aking samahan na tumutulong sa mga biktima ng kalamidad na tumatama sa ating bansa. Noong mangyari ang Yolanda, halos mamatay kami sa pag-aalala sa mga mahal namin sa Tacloban dahil may tahanan kami doon para sa mga bata. Nawalan kami ng komunikasyon sa kanila at di pa namin alam ang kanilang kalagayan pagkatapos dumaan ang bagyo, kaya ang ginawa namin ay magpadala ng mga volunteer sa lahat ng maaring mapasukan para malaman kung anong nangyari sa kanila at kung anong tulong ang puwedeng gawin ng organisasyon namin sa Tacloban.

Nasa Makati ako nang mga panahong iyon. Kinabukasan, nagtungo noong umaga ang aming pangkat sa Lungsod ng Cebu. Dahil malaki ang pinsala ng bagyo, nagpasya ang aming grupo na maghiwalay. Naisip ko na baka mahirapan kaming magbiyahe sa Tacloban kung tatlo kami, at motorsiklo lang ang maari naming gamitin. Kaya bilang lider ng grupo, at bilang isa na may kakayahang gumawa ng dokumentaryo, nagdesisyon ako na pupunta sa Tacloban nang mag-isa at ang reporter at cameraman na kasama ko ay pupunta na sa Hilagang Cebu. Nakipila ako sa mahabang pila ng barge papuntang Lungsod ng Ormoc buong araw.

Madilim na nang dumating ako sa Ormoc, at nang nakita ko ang pinsalang iniwan ni Yolanda sa Ormoc pa lang, nagsisi ako sa desisyon kong pumunta doon nang mag-isa. Madilim na, at wala akong kasama. Walang bubong ang mga daungan, nakabagsak lahat ng kuryente, sira lahat ng bahay. Isa-isa kong inaaninag ang mga mananakay ng motor na namamasada kung sino ang mukhang mabait. Nasiyahan ako nang makahanap ako ng isa na hinatid ako sa bahay ng kaibigan sa Ormoc. Nagpalipas ako ng gabi, na iniisip kung ano’ng naghihintay sa akin sa Tacloban.

Nang sumunod na araw, masuwerte ako na nakasakay sa van kasama ang CCTV News crew galing Tsina. Halosmaghapon kaming bumiyahe dahil dumaan kami sa mahabang ruta na madadaanan. Matagal ang biyahe pero madadaanan naman ang kalsada. May mga kasabay kaming 10-wheeler trucks na may kargang motor. Sa loob-loob ko, dapat hindi motor, kundi pagkain ang sakay nito, puwede naman palang dumaan ang truck. Masikip ang daan dahil ang may mga kamag-anak, gustong makapasok sa Tacloban at ang mga nandoon naman na nakaligtas ay gustong makalabas.

Dapit-hapon na nang dumating kami doon. Sa Palo pa lang, nakahilera na ang di-mabilang na walang-buhay sa kalsada. Nang dumating kami sa Tacloban mismo, sa buong buhay ko nang pagsisilbi bilang volunteer, iyon na yata ang pinakamalalang eksena na hindi ko kinaya. Naglalakad ang mga tao na wala sa sarili, kinakatok ang salamin ng van namin, tumutulo ang luha, nagmamakaawa na isakay sila. Hindi ko sila matingnan dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sa unang pagkakataon, nasabi ko sa sarili ko na hindi ko ito kaya. Nabuhayan ako ng pag-asa nang malaman kong ligtas ang lahat ng bata na nasa tahanan at hindi nasira ang bahay nila, naging tahanan pa ito ng maraming tao sa gitna ng bangis ni Yolanda. Kaya doon na ako namalagi.

Gutom na ang mga tao at nandarambong sila kahit saan. Nang sumunod na araw, nasa dome ako, at niyayakap ang mga tao na umiiyak, na ang sabi, “Ma’am, totoo ba na i-sha-shutdown ang city namin, na ang lahat ng mga buhay kasama ng mga patay papabayaan na, at dito na kaming lahat mabubulok?” Pinipigil ko ang luha ko, dahil kailangang maging malakas para sa kanila. Ang ginawa ko lang ay manatili doon at yakapin ang mga tao at bigyan sila ng kasiguraduhan na darating ang tulong. Nagsinungaling ako nang labag sa loob at sinasabing “Hindi po totoo iyan, hindi po kasi madaanan ang mga kalsada, konting tiis na lang po, paparating na ho sila.”Galit na ang nasa loob-loob ko – galit sa mga “inutil” na mga tao sa gobyerno. Kung nakadaan ang ten-wheeler truck na nagbiyahe kasama namin, hindi maintindihan ng isip ko kung bakit hindi makapagdala [ang pamahalaan] ng tulong doon kaagad. Naroon ako, at alam kong posible iyon.

Sinabi nila na nariyan si PNoy para tingnan at alamin kung ano ang nangyari. Dumating din si Mayor Duterte lulan ng chopper at nakidalamhati siya sa mga tao. Nang sumunod na araw na nasa Dome ako, nakita ko ang convoy ng Davao City 911. Ako’y taga-Bulacan, pero sa Davao na ako nakatira ngayon. Sa gitna ng delubyo, nakadama ako ng pagmamalaki na nauna ang 911 ng lungsod “namin.” Ipinagmamalaki kong sabihing, “Taga-Davao din po ako!”

Saka na dumating ang Médecins Sans Frontières (MSF) Doctors Without Borders. Magkasunod sila ng Davao City 911 nang araw na iyon. Nakakahiya na nauna pa ang presensya ng mga dayuhan kaysa sa Malacañang. Mahaba ang pila ng mga sugatan, at habang dinadamayan ko ang mga tao, nagtaka ako kung bakit ilang oras na ang nakakaraan pero hindi pa nag-uumpisa ang MSF.Wala pala sila kasing translator. Nag-volunteer ako na maging translator sa mga pasyente at mga doktor, at bago nila sabihin kung ano ang sakit ng katawan nila, nakikinig muna ako sa kung ano’ng nakakasakit sa kanilang puso’t kaluluwa. Malalaki at nakanganga ang mga sugat. Kalimitan, walang dalang sapat na gamot ang MSF at kalimitan ang mga pasyente ay inirerefer nila sa Davao City 911. Kumpleto ang dala ng 911. Buong araw at gabi sa loob ng matagal na panahon, nandoon sila, nandoon ang presensya ng Davao. Nandoon ang presensya ni Mayor Duterte. Ipinagmamalaki ko na maging taga-Davao. Habang nakikita ko sila doon araw-araw, di ako nagsasawang sabihin na “Taga-Davao din po ako. Salamat po’t kayo’y nandito na.”

Dumating ang pang-anim na araw, ang mga pagbatikos lang ni Anderson Cooper ang nakatinag sa Malacañang. Nakikita ko sila doon araw-araw, local media, international media, nandoon ako mula Day 3 hanggang Pasko, pero ni minsan, si Mar na inatasan ni PNoy na manguna ay hindi ko nakita nang personal sa Tacloban, ni naramdaman man ang presensya niya. Nalasahan ko ang mapait na pulot ng pulitika: Sinong tao ang matigas ang puso na sa kabila ng nangyari doon, dahil hindi niya balwarte sa botohan ay hindi niya tutulungan?Meron akong galit na nasa aking puso laban sa kawalang-kakayahan ng kasalukuyang pangulo. Kung hindi man posible na maghatid ng tulong, ang presensya nila na makapagbibigay ng ginhawa sa tao ay malaking bagay. Naroon kami, at nagawa na namin iyon. Nagawa na iyan ni Mayor Duterte.Nakagawa siya ng paraan kung paano rumesponde.

Kilala ko siya nang personal. Alam ko kung paano siya umiyak tuwing pumupunta siya sa “Balay Dangupan” (tahanan ng Davao sa mga inaabusong bata at kababaihan.) Hindi lang siya umiiyak sa kawalang-katarungang ginawa laban sa kanila kundi sinisigurado niya na nabibigyan sila ng katarungan, na kumukuha ang lungsod ng mga abugado para sa kanila at binibigyan sila ng proteksyon hanggang sa mapakulong ang mga maysala at maari na silang mabuhay ulit nang walang nararamdamang takot. Madalas akong naroon sa Balay Dangupan at ang mga volunteers na nagpapatakbo nito ay may mataas ang respeto sa kanya.

Ang pagkakataong makapili ng taong may kakayahan sa pagkapangulo ay hindi dumadating nang madalas. Pambihirang pagkakataon ito, at bilang isang volunteer, hindi ko hinihiling na magkaroon ulit dito ng kalamidad, pero naiisip ko kung paano lulutasin ni Mayor Rody Duterte ang anumang krisis kung bibigyan siya ng pagkakataon.


Translated by TweetNewscaster.


Featured Image Credit: Duterte cried when he saw Yolanda’s devastation in Tacloban. Photo credit from Duterte 4 President’s Twitter page.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s