My Duterte Story: Cashier

By: Spencer Elf

Noong 2012-2013 nagtatrabaho ako bilang kahera sa isang sports goods shop sa loob ng mall. Madalas nagtatrabaho ako mula 12:15 ng tanghali hanggang 9:15 ng gabi. Sa pagtitingi (retail), siguradong gusto ng mga malalaking kompanya na maiangat ang kanilang kita sa pagtitiyak nila na ibinibigay ng kanilang mga empleyado ang 100 porsiyento [ng kanilang trabaho].

Nang mga oras na iyon ipinatupad ng aming kompanya ang patakaran na tanggalin ang lahat ng mga upuan sa counter ng kahera, at mahigpit nitong ipinagbawal ang sales associate/clerk na umupo sa selling area may kustomer man o wala habang bukas ang mall. Dahil nagtatrabaho ako sa malaking kompanya na may 80+ na tindahan sa buong bansa, kailangang sundin ito ng lahat ng mga tindahan. Mapalad para sa amin (mga Dabawenyo) na hindi ito maipatutupad sa Lungsod ng Davao.

Kami’y iniligtas ni Mayor Duterte. Kumuha siya ng mga tao mula sa city hall upang libutin ang bawat establisimiyento sa mga mall at sabihin na kakanselahin niya o hindi iparerenew ang Mayor’s Permit ng negosyong hindi magbibigay ng upuan sa mga kahera at dapat payagang makaupo ang mga sales clerk kung walang kustomer sa loob ng tindahan.

Ipinaalam ko sa aking supervisor ang naturang sitwasyon at ipinadala namin ang dokumento sa punong-tanggapan sa Makati. Hindi na inalis ang aking upuan sa counter. Ito’y puwede kong gamitin, pati na ng iba. Bilang tao, imposibleng tumayo nang walo o siyam na oras nang dere-deretso at magtrabaho nang anim na sunud-sunod na mga araw kada linggo.

Maaring balewala ang kuwentong ito sa mga hindi nakaka-relate pero sobrang pasalamat ako na iniisip ng ama ng Lungsod ng Davao ang kalusugan at kaginhawaan ng mga mahihirap…


Translated by: TweetNewscaster

 

Simpleng Mensahe sa mga Tauhan ng AFP at PNP

Sa lahat ng tauhan ng AFP at PNP:

Hindi kayo mananagot sa Pangulo o sa kahit aling opisyal ng pamahalaan. Tungkulin ninyong itaguyod ang ating Saligang Batas na nagpoprotekta sa lahat ng mga tao mula sa banta ng pansariling interes.

Mababago din ang masalimuot ninyong buhay na sa kakarampot na sahod ay mamatay lang nang may dangal pero malulugmok nang malalim sa kahirapan at kawalan ng pag-asa ang inyong mga mahal na pamilya – dahil sa uri ng maruming pulitika na dekada na nating pinagtitiisan.

Dodoblehin o maaring gawing triple ni Digong Duterte ang mga sahod ninyo at unahin ang kapakanan ng inyong pamilya, ang pag-aaral ng inyong mga anak, at libreng pabahay. Ang kapalit lang ay tulungan si Digong Duterte na walisin ang mga tiwali sa gobyerno, mga kasabwat na kriminal, at tuldukan na ang droga na pinagkukunan ng kaban ng mga ganid sa kapangyarihan at salapi.

Sama-sama nating huhulmahin ang ating kapwa at ang ating mahal na bansa tungo sa isang tahimik, mapayapa, at maunlad na bayan na tatawagin nating bagong Republikang Federal ng Pilipinas na bawat sulok at lugar sa bansa ay may pantay pantay na oportunidad sa pag unlad.

Filipino ka. Filipino ako. Filipino tayo – may dangal at may lakas na baguhin ang ating kinabukasan nang sama-sama.


Original Post: From Rody Duterte for President Movement International Facebook group page.


Featured Image Credit: Bicol News website.

 

 

My Duterte Story: Lola

From: Keitaro Kho

Dahil lahat ay nagbabahagi na ng kanilang mga kuwento tungkol sa mapagkumbaba at pusong-mamon na si Mayor Duterte, meron akong simple pero nakakaantig na kuwento tungkol sa aking Lola.

Tanda ko na minsang buhat-buhat ni Lola ang basket ng mga gulay at prutas tuwing Pasko na may ngiti sa kanyang mukha. Nagtaka ako at nagtanong, “Lola, saan po kayo galing?” Sumagot naman siya, “Galing akong City Hall. Humingi ako ng pamasko galing kay Mayor.” Sabi ko, “May binigay ba siyang kahit ano?” Masayang sumagot si Lola: “Nakatanggap ako ng 300 piso sa kanya kaya bumili ako ng ilang prutas at gulay sa Bangkerohan.”

Inusisa ko kung ito nga ba ay programa ng Alkalde tuwing Pasko. Sinabi ni Lola, “Hindi. Nagtungo lang ako sa kanyang tanggapan at humingi. Kumuha siya ng pera sa kanyang pitaka.”

Tumawa ako at ang sabi ko, “Siguro naaawa sa iyo si Digong kasi mukhang payat kayo at nagdadalamhati. Hahaha.” Tumawa din si Lola at ang sabi, “Hahaha. Siguro, pero lagi siyang (Alkalde) naglalaan ng panahon upang makinig sa aking kuwento nang ang iyong Lolo ay campaign spokesman ng kanyang ama (dating Gobernador) noong panahon nila.”

Ipinagmamalaki ko na ang aking Lolo ay naging bahagi ng kasaysayan ng mga Duterte sa Davao. Buhay na buhay niyang ikinuwento ang nangyari sa nakaraan niya at dito ko natanto na ang aking Lola ay magiting na nakaligtas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig na namuhay kasama ang mga sundalong Hapones dito sa Davao noong panahong iyon.

 

Siguro nalibang si Digong sa kanyang mga kuwento sa digmaang iyon at kung paano napadpad siya sa Davao mula sa kanyang tahanan sa Bohol. Ayon sa aking Lola, ito ang kanyang paraan upang mapalapit kay Mayor dahil siya (Lola) ay kanyang tagahanga. Kada taon sasabihin niya na meron siyang natatanggap na regalo mula sa Mayor.

Nangyari ito noong dekada 90 kung kailan masyadong malakas pa ang aking Lola. Lagi niyang minahal si Digong at dahil sa munting alaalang ito ng pagtanggap niya ng regalong pamasko mula sa Alkalde, natanto ko na ang taong ito ay may malambot na puso.

Hindi siya isang Dirty Harry. Siya ay isang makatarungan at mapagmahal na tagapagbantay ng aming lungsod. Minahal siya ng mga seniors at sigurado ako na ang mga sumakabilang-buhay na ay nagmamasid na ngayon kay Digong bilang kanyang mga anghel de la guardia. … Miss ko na ang mga kuwento ni Lola. Basbasan nawa ng Diyos ang kanyang kaluluwa!


Translated by TweetNewscaster