My Duterte Story: Pro-Duterte

By: Teetin Villanueva.

Tuwing makakasalubong ko ang sinumang tao at nalamang ako’y mula sa Lungsod ng Davao, iniisip nila agad na ako’y maka-Duterte, kung saan siyento porsiyento akong sumasang-ayon. Sinimulan ng ilan na makipagdebate sa akin, at hindi ko na iginiit ang aking panig dahil ang ilan sa kanila ay gumagawa ng kanilang sariling bersiyon ni Duterte bilang isang pulitiko, kahit na hindi nila talaga naranasang mamuhay [at] lumaki sa aking tahanan sa Mindanao.

Sinabi nila na sinusunod ko ang mga batas dahil sa TAKOT, na ako’y takot sa kung ano ang mangyayari sa akin kapag hindi ako SUMUNOD sa batas.

Gayunman, sasabihin ko ito sa inyo. Wala akong alam sa pulitika noong bata pa ako. Ang aking mga prayoridad ay pumasok sa paaralan, maglaro sa labas, at tapusin ang aking homework. Yun lang. Haha.

Nang ako’y lumaki sa Lungsod ng Davao, isinuot ko ang aking backpack BILANG BACKPACK. Walang sinumang nagsabi sa akin na isuot iyan sa harap ko dahil baka may makabukas niyan at nakawin ang mga gamit sa loob nito. Sumakay ako sa jeep at tricycle nang mag-isa galing sa paaralan at maging sa kabayanan – nang hindi nag-aalala ang aking mga magulang na baka may mangyari sa akin. Naglaro ako sa labas ng aming bahay kasama ang aming mga kapitbahay at naaalala ko ang paglalaro namin ng patintero, tagu-taguan, at tigso sa labas kahit matapos ang hapunan (hanggang magsawaan!).

Naaalala ko ang pagsakay sa bisikleta nang mag-isa at naramdaman kong kampante ako na WALANG mangyayari sa akin. Nakakalakad ako sa kalye nang mag-isa kahit na noong bata pa ako kasi sumusunod ang mga tao sa SIMPLENG PATAKARAN tungkol sa mga tawiran ng tao (pedestrian lanes), stop lights, at mga babala sa trapiko. Nakakasakay ako sa taxi nang hindi na palaging tinetext ang plate number sa aking mga magulang. At lagi akong binibigyan ng mga taxi drivers ng eksaktong sukli hanggang sa huling piso o sentimo.

Meron pa ring mga munting krimen (petty crimes) sa Lungsod ng Davao. Nanakawan na kami ng bisikleta (na iniwan ko sa labas), ng tsinelas at mga orchids (lalo na kapag malapit na ang Araw ng Patay). Pero sa totoo lang, hindi ko maisip kung magiging ganoon din ba ang aking buhay bilang isang bata kung nakatira kami sa ibang lugar.

Nang ako’y nasa kolehiyo, lumipat ako sa Maynila, at dito nagkaroon ako ng culture shock. Sa buong buhay ko, naranasan kong maging praning, at pakiramdam ko’y hindi ako ligtas. Patawad, pero totoo ito. Sa isang kalye sa Lungsod Quezon kung saan ako nakatira, di-mabilang na mga tao ang nabibiktima*. Naging praning ako kahit na sa paglalakad ko sa gabi. Napapahawak ako sa aking gamit tuwing ako’y mamamasahe at lagi akong alerto kapag may biglang lumalapit sa akin. Isa pang isyu ang pagsakay sa taxi. Lagi kong kinukuha ang plate number ng taxi agad-agad at nananalangin ako na sana ang drayber ng taxi ay hindi bahagi ng modus operandi na ang target ay mga kababaihan. Hindi ko rin naiisip na hahayaan kong maglakad sa kalye ang mga bata dahil maraming tao ang hindi sumusunod sa batas. Habang nagmamaneho, muntik na akong tamaan ng isang kotse dahil binalewala nito ang PULANG TRAFFIC LIGHT (habang humaharurot), gayong ang isang traffic light na nasa harapan ko ay nagpakita ng BERDENG ILAW. Nakaengkuwentro ko ang maraming drayber na nagka-counterflow sa kung saan-saan. Nasaan ang disiplina? Sa totoo lang, ang gulo!

Ang aking karanasan sa Lungsod ng Davao ay malaking rason kung bakit ako maka-Duterte. Hindi ako takot at malaya akong nakakagalaw at kampante ako na nakakapunta kung saan-saan. Natatandaan ko pa na umaawit ako para sa kanya bilang kasapi ng children’s choir nang muli siyang mahalal bilang Alkalde maraming taon na ang nakalipas. DAPAT PERSONAL AKONG MAGPASALAMAT SA KANYA. Ako at ang aking pamilya ay nakakapamuhay nang tahimik sa lungsod na kanyang inalagaan at minahal nang lubos.

Isang tanong ang lagi kong ibinabato sa mga kaibigang nakikipagdebate sa akin: Sino ba ang gusto ninyong matakot – Ang mga kriminal o ang mga batang walang kalaban-laban?#


Translated by: TweetNewscaster


* Ang orihinal na sinabi ay “countless people have been held up.” Hindi niya tinukoy dito kung ano ang uri ng krimen. Ipinapalagay sa saling ito na sila’y nabiktima ng alinmang klase ng krimen.

# Emphasis ours.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s