My Duterte Story: Hostage Victim

13015465_568189273349849_935728070004996674_nBy: Ron Amiscua

Narito ang kuwento ng isang bihag na si Ron Amiscua kung paanong naging isang bayani si Mayor Duterte sa nangyaring pagdukot sa kanila:

(Nangyari ito sa Davao Penal Colony at hindi sa Metrodiscom, kung saan naroon si Hamill.)


Si Rodrigo Duterte ang aking bayani!

Oo, tama ang narinig mo!

Ako ang nabubuhay na patunay kung bakit ko siya tinawag na bayani. Ako ay isa sa labintatlong mga bihag sa Davao Penal Colony noong Abril 2, 1989. Merong samahan na kung tawagin ay VIPS (Volunteers in Prison Service) kung saan kasapi doon ang aking ama na nagsilbing host sa isang patimpalak-awitan ng mga nakakulong noong araw na iyon. Bilang isang pamilya, sinusuportahan namin ang naturang patimpalak at kasama kami doon. Ako (na labintatlong taong gulang noon) at ang aking nakakatandang ate ay nandoon upang manood.

Mukhang nagkakasayahan at kalmado ang lahat noong hapong iyon. Tinawag ng emcee ang dalawang kalahok nang biglang sunggaban ng isang inmate ang isang babae at tinutukan ito ng kanyang matalas na kutsilyo at sumigaw, “Hostage ito!” Hindi makapaniwala ang lahat sa nangyari.

Habang ako’y nakaupo at tumitingin sa paligid, napansin ko na kinukuha ng bawat inmate ang mga sibilyan bilang kanilang panangga (human shields).

Sinubukan nilang makalabas at nagdemanda sa isang kawani na buksan ang pintuan. Nakita ko ang aking ama na nagpumiglas sa sahig at sinubukang disarmahan ang dumukot sa kanya at sa wakas ay nagawa niya iyon. Bigla na lamang akong tinulak ng isa, na tinutukan ako ng kutsilyo upang kumilos papalapit sa gate. Matindi ang tensiyon noong hapong iyon. Sumigaw ang hostage taker na kung walang magbubukas ng pintuang iyon, may masasaktan.

Nagdemanda din sila ng sasakyan, at sila’y napagbigyan sa gayong hiling, kaya kami’y sumakay papunta sa lugar na hindi namin alam!

Nakita ko ang mga pulis, sundalo, at palagay ko’y mga opisyal ng gobyerno. Higit sa lahat, si Mayor Rodrigo Duterte na hindi kami iniwan sa buong panahong iyon, na humiling pa na magpabihag sa mga hostage takers para kami ay makalaya.

Kinumbinsi ni Duterte ang mga dumukot na pumunta sa Lungsod ng Davao upang pag-usapan ang kanilang mga kahilingan, pero hindi nagustuhan ng mga inmates ang ganitong ideya.

Kaya ang ginawa ni Mayor Rody Duterte, sumama siya sa amin upang masiguro na ligtas kaming lahat. TALAGANG KAHANGA-HANGA ANG GANITONG GAWI NG MALASAKIT AT KATAPANGAN!

Sa mga oras na ito, nasa Compostela Valley na kami na mukhang malayo at natanto ko na ito na ang ikalawang araw ng pagdukot sa amin.

Sa loob ng bus, walang-tigil si Mayor Rodrigo Duterte sa pakikipag-usap at pagkumbinsi sa mga inmates na bumalik sa Davao City upang pag-usapan ang kanilang mga kahilingan, kung saan matapos ang mahabang oras ng pagsusumamo ay napagkasunduan nila ito sa wakas. Habang papunta kami sa Davao City Hall, ang lider ng mga dumukot (na ang pangalan ay Pugoy) ay nakiusap kay Mayor kung puwede ba siyang magkaroon ng kanyang sapatos, at ibinigay ito ni Mayor Duterte sa kanya. Gabi na nang marating namin ang Davao City Hall. Nang nasa loob na kami ng City Hall, nagsalu-salo kami sa isang hapunan at sumuko na ang ilan sa mga inmates pati na ang isa na bumihag sa akin. Akala ko ay malaya na ako, pero pinalaya ng lider na si Pugoy ang kanyang bihag at ako ang kanyang dinukot. Kami’y pumunta sa isang maliit na opisina kung saan nagdemanda pa siya. Sa ikatlong araw, ibinigay nila ang mga idinemanda ni Pugoy at sa wakas ay sumuko na siya.

Kaya buhay at hindi nasaktan kaming lahat ng labintatlong mga bihag dahil sa katapangan at pagpupursige ni Mayor Rody Duterte sa pagkumbinsi sa mga bumihag na maari siyang pagkatiwalaan sa kanilang mga hinihiling.

Ako ang nabubuhay na patunay na si Mayor Rody Duterte ang Pangulong kailangan natin! Maari natin siyang asahan. Kung gusto natin na maging isang magandang lugar ang ating bansa upang tirhan, piliin natin ang karapat-dapat!


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Elizabeth

By: Rody Duterte: The Real Change and MindaVote2016

Sa kabila ng kanyang punung-puno nang schedule ng kanyang pangangampanya, nagkaroon ng panahon si Duterte na lumipad patungong Cebu upang batiin ng maligayang kaarawan ang kanyang asawa na si Elizabeth Zimmerman. Dumating si Duterte nang alas-3 ng hapon sa kaarawan ng kanyang asawa. Hindi mapigil ng mga bisita ang kanilang hiyawan at tilian nang batiin ni Duterte ang kanyang asawa ng isang halik sa labi.



Sinabi ni Mayor Rodrigo Duterte na lagi siyang magsisilbing asawa kay Elizabeth Zimmerman-Duterte kahit napawalang-bisa na ang kanilang kasal.

Sinabi ni Elizabeth, na nagdiriwang ng kanyang ika-68 kaarawan sa Lungsod ng Cebu, na magsisilbi rin siyang asawa niya.

Nang tanungin kung meron bang “ikalawang pagkakataon” para sa kanilang relasyon, sinabi ni Duterte na ang kanyang pagpunta sa Cebu sa kabila ng kanyang punung-puno nang schedule sa Luzon ay ang kanilang “ikalawang pagkakataon.”


Translated by: TweetNewscaster

From Drug Addict to Anti-Drug Advocate

By: Forum of Women For Action With Rody Duterte

Ito ang kanyang pangalawang buhay.

Kilalanin si Clarisse Le Neindre

Pagmamay-ari ng kanyang pamilya ang kilalang French restaurant sa Lungsod ng Davao.

Noong Marso 18, 2016, binuksan niya ang bagong drug rehab facility sa tulong ng isang kaibigan.

Inspirasyon niya ang mga pagsisikap ni Duterte na tulungang mapabuti ang kalagayan ng mga lulong sa droga.

Siya ay dating adik sa droga na bumuti ang kalagayan sa tulong ni Rody Duterte.

At sumama kami sa kanyang pagsisikap na tumulong sa kampanya laban sa droga.

Tuklasin:

Cradle of Tranquility Wellness Center

#7 Morning Side Heights

Bajada, Davao City

(082) 224-5410

(082) 295-0657

0917 829-1228

0933 050-2376

Panoorin dito ang kanyang buong video.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Taxi Driver

13001285_518621975013137_445811921185817948_n#‎Mydutertestory

‪#‎OurDuterteStory

Enero 1, 2011. Bisperas pa ng Bagong Taon, pero malayo kami sa aming mga pamilya, dahil kami’y nasa internship sa Southern Philippines Medical Center. Sarado ang lahat ng mga tindahan. Ako at ang aking mga kaibigang sina Ermee at Florame ay pumunta sa Matina Town Square upang maghanap ng pagkain, na iniisip na maaring bukas pa iyon. Pabalik na sana kami sa dorm nang biglang umulan. Namalagi kami sa ilalim ng puno habang naghihintay ng masasakyang taxi. Nawalan kami ng pag-asa dahil bagong taon pa naman at ang lahat ay naglalaan ng kanilang oras kasama ang kani-kanilang mga pamilya. Naisip pa naming mag-hiking na lang, pero malayo iyon.

Desperado kami nang biglang tumigil ang isang kotse sa harapan namin. Binuksan ng isang tao ang bintana ng kotse. Isang cap ang suot niya. Binati niya kami, “Maligayang Bagong Taon. Saan kayo?” Nag-aalangan kaming sumagot at naiisip namin na malamang iniisip ng taong ito na kami’y “cheap” at basta-basta na lang makikisakay sa kanya. Saka niya tinanggal ang kanyang sumbrero at nagpakilala, “Ako ito, si Mayor.” Sa katunayan, siya ay vice mayor noong panahong iyon. Si Inday Sara ang alkalde. Hindi ko siya nakikilala nang personal pero namukhaan ko siya dahil nakita ko ang kanyang larawan sa isang poster. Pero hindi naniwala si Ermee sa kanya. Iginiit ko sa kanya na siya (Duterte) talaga si Mayor.

Hindi pa kumbinsido si Ermee kung siya nga ba talaga si Mayor Duterte kasi hindi niya talaga kilala ang taong iyon hanggang tumigil ang kotse sa traffic light. Habang naghihintay sa kulay berdeng ilaw, merong isang ABS-CBN pick-up car, at ang mga tao sa loob nito ang bumabati sa kanya, “Maligayang Bagong Taon, Mayor.” Dito na naging komportable si Ermee, “Siya na talaga si Mayor.”

Tinanong ni Mayor kung bakit kami’y nandoon sa Matina. Nang nalaman niya na naghahanap kami ng makakain, pinatuloy at pinakain kami sa kanyang bahay. Ano ba ang aasahan mo sa isang alkalde sa Lungsod ng Davao sa loob ng 20 taon? Sabik kaming makita ang kanyang mansyon. Pero bigo kami, napakasimple pala ng kanyang bahay. Siya ay isang ordinaryong tao, napakamagiliw [sa mga panauhin]. Binigyan pa nga kami ng mga regalo. Nakipag-picture kami kasama siya, pero noong panahong iyon, nakakalungkot na sobrang malabo ang picture namin kasi low-tech pa ang cellphone namin.

Inihatid niya kami pabalik sa SPMC gamit ang kanyang dilaw na taxi.

Habang nagmamaneho, tinitingnan niya ang kalsada kung merong mga na-stranded na pasahero o kung merong gumagawa ng kalokohan tulad ng paggamit ng paputok na ipinagbabawal sa Lungsod ng Davao.

Limang taon na ang nakalipas mula nang mangyari iyon, pero paano ko makakalimutan si Mayor Dutete? Palagay ko, kahit pa siya maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas, magiging ganoon pa rin siya. Para sa akin, binigyan niya ng tunay na kahulugan ang paglilingkod sa bayan.

‪#‎simplyAmazingPublicServant

‪#‎DU30ElPresidente

Walang taong may malinis na puso tulad nitong lingkod-bayan. Iba talaga pag totoong galing sa masa. ‪#‎TapangAtMalasakit

Sai Tomindug-Pangcoga


Translated by: TweetNewscaster

 

Duterte Serye: Rape Joke

By: Christian Abella, Duterte Dailynews Service, Manny Piñol, Rodrigo Duterte for President National Chapter, and Bruce Rivera

Full video here:

Dalawang serye ng pagdukot na ang ginawa ni Pugoy. Base sa ikinuwento ni Mayor Duterte, si Hamill ay kasama sa ikalawang pagbihag. Pero noong unang pagbihag, gusto ni Mayor Duterte na ipapatay si Pugoy noong mga panahong iyon. Pero sinabi ni Cory Aquino kay Duterte na ayusin ang sitwasyon sa pinakamapayapang paraan at na walang mamamatay. Dahil ang utos ay huwag patayin si Pugoy, wala siyang ginawa kundi sumunod na lang. Saka naman nangyari ang ikalawang pagbihag, kung saan dito humugot si Duterte ng kuwento (o sa paningin ng media, rape joke), kung saan si Hamill at ang iba pang mga misyonaryo ay pinatay ni Pugoy at ng kanyang grupo.

Ang unang pagdukot ay nangyari sa DAPECOL (Davao Penal Colony) sa Panabo, Davao del Norte, na kung tutuusin ay labas na ito sa hurisdiksyon ni Mayor. Nang sumuko na si Pugoy at ang kanyang grupo, inilipat sila sa METRODISCOM sa Lungsod ng Davao. Pagkatapos ng dalawang buwan, may mga misyonaryong nangaral sa loob ng kulungan kasama si Hamill. Dito na nangyari ang pamosong hostage taking. Sa kasong ito may hurisdiksyon na si Mayor sa mga nakakulong.

Ngayon, kung  ang sinasabi ng iba ay papatay lang nang papatay si Mayor, mali sila. Sinabihan ni Mayor ang mga sundalo na patayin ang mga bumihag kapag may nakita na silang dugo na umagos sa kanya. Ibig sabihin kasi nito, pumapalag na sina Pugoy at ang iba pa sa parusang ipinataw ng awtoridad. Kung susuko ulit sila, walang problema. Ililipat naman sila sa iba pang kulungan.


Sa panayam ng mga reporter sa kanyang bahay sa Lungsod ng Davao, sinabi ni Duterte na ang nilalaman ng kanyang pahayag ay ang pagbihag kung saan ang grupo ng mga inmate na pinamunuan ni Felipe Pugoy ay dumukot sa pangkat ng mga misyonerong Kristiyano, kasama na si Jaqueline Hamil, isang Australian.

Nagtapos ang insidente sa pagkamatay ng limang bihag, kasama si Hamil, at labing-anim na preso.


12974430_1005502236198912_1957612948725473642_nMapagkumbabang inamin ng nangungunang kandidato sa pagkapangulo na si Rody Duterte na hindi pa niya natutunan ang pagiging pino na inaasahan sa isang pambansang pulitiko. Humingi siya ngayon ng tawad sa mga nasaktan sa kanyang “magaspang na pagsasalita” na ginamit niya tungkol sa insidente ng panggagahasa na nangyari 27 taon na ang nakalipas.

“Gutter language iyan. Patawad kung hindi nagustuhan ng iba,” ang sinabi ni Duterte na binanggit ng TV5 reporter na si Gem Avanceña sa isang post sa kanyang Facebook page ngayon.

“Luma na iyan, ganoon kami magsalita. Galing ako diyan sa baba, eh. Hindi naman ako anak ng coño.”

Kahit si Duterte ay anak ng dating gobernador ng Lalawigan ng Davao at ng isang guro sa pampublikong paaralan, natutunan niya ang paraan at pagsasalita ng mga taga-kalye dahil sa kanyang pakikisama sa mga kapitbahay na maton.

Bilang isang estudyante sa mataas na paaralan, napatalsik si Duterte sa Ateneo de Davao dahil sa ilang serye ng kalokohan at inamin na natapos niya ang high school sa loob ng pitong taon. Natapos niya ang pag-aaral ng batas sa San Beda College sa Maynila at naging isang matapang na pampamahalaang tagausig na lumalaban sa katiwalian (government anti-graft prosecutor).

Umani ng batikos si Duterte matapos maipakita ng isang video clip (ng kanyang mahabang talumpati sa Amoranto Stadium rally sa Lungsod Quezon noong Abril 12) na nagpapakita ng paggamit niya ng magaspang na pagsasalita tungkol sa panggagahasa at pagpatay sa isang misyonaryong Australian ng mga preso sa Metrodiscom Jail sa Lungsod ng Davao noong 1989, isang taon matapos siyang mahalal bilang alkalde ng lungsod.

Ang misyonaryong Australian at ang 16 pang iba ay binihag ng grupo ng mga preso na pinamumunuan ni Felipe Pugoy, na nakatakas mula sa Davao Penal Colony ilang buwan ang nakakaraan.

Matapos tumakas si Pugoy sa Davao Penal Colony sa Davao Del Norte, ilang kilometro lang ang layo mula sa lungsod, binihag niya ang mga pasahero ng isang bus.

Nakipagnegosasyon si Dutete upang ialay ang sarili kapalit ang pagpapalaya ng mga bihag na tinanggap ni Pugoy pero matapos nito, tinutukan niya ng kutsilyo ang lalamunan ng alkalde.

Maya-maya hinikayat ni Duterte si Pugoy na sumuko na, at ang huli at ang kanyang mga kasama ay dinala sa Metrodiscom Jail.

Makalipas ang ilang buwan binihag niya at ng kapwa niya preso ang mga misyonaryo, na pinatay ang lima sa kanila, kasama ang babaeng misyonaryo na ginahasa.

Personal na pinamunuan ni Duterte ang grupo na pumatay sa mga bumihag at nagligtas sa 12 misyonaryo. Lahat ng bumihag, kasama si Pugoy, ay pinatay ni Duterte at ng grupo ng mga pulis.

Sa ilang pagkakatoan, isinalaysay ni Duterte ang paggahasa at pagpatay sa misyonaryo tulad ng ginawa niya sa Amoranto Stadium pero hindi ito nagdulot dati ng katulad na isyu ngayong siya ay tumatakbo bilang Pangulo.

Nagkaroon ng isyu si Duterte dahil sa kanyang [diumano’y pagmumura sa Santo Papa].

Humingi siya ng tawad sa nangyari at dito nabawasan ang kanyang paggamit ng mura.

Pinayuhan si Duterte ng malalapit niyang mga kaibigan na mag-ingat sa pagpili ng kanyang sasabihin ngayong siya’y tumatakbo sa pinakamataas na posisyon sa bansa.


Sabi ni Duterte:

Totoo iyon. Sinabi ko iyon. Gutter language [ang sabi nila], pero ito’y sinabi ko dala ng matinding galit. Makinig kayo – pati si Mar Roxas. Bago kayo mag-isip ng kung anu-ano, ganito iyan: Noong 1989, nasa simbahan ako, nakikinig ng misa. Tumawag ang security dahil si Cory Aquino, ang Pangulo, ay nasa linya [ng telepono]. Ito ang sinabi niya, “Ano ang nangyayari diyan?”

“Ano, Ma’am?”

“Yung Penal Colony sa Panabo.”

“Nasa Davao ako, Ma’am.

“Hindi ba’t ikaw ang Chairman ng Peace and Order Council?”

“Opo.”

“Eh, bakit wala kang alam?”

“Nitong umaga, walang nagsabi sa akin.”

“Merong binihag kahapon ng hapon. Paalis na ang mga tao. Palabas na sa visiting area ng Davao Penal colony [ang mga bumihag]. Paglabas na, merong pagdukot kung saan kumuha ang 16 convict ng tig-isa nilang bihag. Merong 16 na bihag at 16 na kriminal.”

“Ma’am, titingnan ko iyan.”

“Huwag mo nang tingnan iyan. Pumunta ka doon at alamin mo.”

Sumakay ako ng chopper ng Air Force at nag-ikot muna kami, nag-survey sa lugar, at sumakay sa Sarao [jeepney] na parang mataas, nandoon. Nitong papunta pa lang ako, sinabihan ako na nakipagkasundo ang mga bumihag sa mga awtoridad sa kulungan na palabasin sila at kuhanin ng sasakyan. Sabi ko, harangan ang highway para maabutan ko. Papuntang Agusan na sila. Nandoon na sila sa Agusan. Sabi ko, ibaba ako sa harap ng jeep.

Pagdating ko doon, dalawa kami ni General Estares. Siya ay isang koronel noong panahong iyon. Naghubad ako at ang baril ko ay tinapon ko sa tabi. Sabi ko, “Wala akong baril. Puwede akong makipag-usap sa iyo.” Noong lumapit ako, naaamoy ko na ang mga tao. Lahat ng dumi ng tao ay nandoon, dahil hindi sila pinayagang lahat ng mga bumihag, ng mga kriminal, na lumabas dahil sinusundan sila ng Army, PC (mga pulis), lahat nandoon na. Sabi ko, puwede tayong mag-usap. Puwede ba akong lumapit? Nakita ko ang dumi ng tao ay naghalo na – pati ihi, lahat na. Sa katunayan, habang nakikipagnegosasyon ako, sabi ko, “Bakit naman itong mga inosente, eh kung may hinanakit kayo, eh di pag-usapan natin.” Eh ayaw, ako nakinig lang. Matiyaga akong nakinig.

Maya-maya, lumapit si Estares. Sabi niya, may isang bata diyan na nahostage, hindi nanay niya ang nagkarga. Ang bata na iyan ay tatlong buwang gulang pa lamang. Tiningnan namin, kulay asul, walang gatas. Ang nanay ay nakatakbo, at ang naiwan sa loob ay ang tiyahin – ang kaptid ng nanay. Halos mamamatay na ang bata. Sabi ni Estares, “Mahalaga dito ang oras, inaalala ko ang kapakanan ng bata.” Sabi ko, “Palayain nila ang bata pati ang tita, at ako ang magpapabihag.” Totoo ka? Oo. Sige. Mauna na ako. Tapos walang palaban. Walang exchange. Noong nandoon na kami, isa-isa, kung anu-ano ang kaso nila: kidnapping, murder, lahat na. Eh sabi ko, “Hindi tayo tatagal dito, pati ako mamamatay. Punta na lang tayo sa opisina ko – may banyo doon, makaligo kayo, makapaghugas kayo, makakain kayo.” Napag-usapan namin ang kaso.

Bumalik kami sa Lungsod ng Davao. Ako ang hostage nila. Lahat ng iyon ay nasa mga footages ng lahat ng networks noong mga panahong iyon. Sinabi ko sa mga sundalo na kapag nakita nila akong may dugo, ubusin na nila ang lahat. Pumasok kami doon, at nakipagnegosasyon. Inihatid ang ina ni Pugoy ng Philippine Army at dinala sa Davao at sila’y nag-usap.

Ang iba’y sumuko na, si Pugoy ay ayaw. Sabi ko kay Calida, “Sir, babarilin ko itong tatlo pagbaba.” Kinausap ko ang kapatid ko na isa, sabi ko, babarilin ko ito. Tigdalawa sana kami, pero si Jess Dureza…tumawag kay Cory. Tumawag si Cory at sinabihan ako na lutasin na nang mapayapa ang pagdukot sa mga bihag. Wala akong magawa. Tapos na sana iyon. Si Jess Dureza ang ayaw.

Matapos ang isang buwan, may pumasok na mga prayer warriors, nag-hostage na naman sila ng Australian. Sabi ko, ako ulit ang mag-negotiate. Ayaw nang pumayag ng militar. kasi [sabi nila,] “yayariin ka ng mga iyan.”

Ginawang human shield ang bata, isang babae – yung puti – tapos may dalawang lalaki. Ayaw talaga ng militar, ayaw ko rin. Gusto nila ng jeep, ayaw ko. May mga opisyal na pumayag, sabi ko ayaw ko. Ilalaban nila ito, pumilit sila.

Ang mga sundalo, kinuha ang mga patay.

Sa matindi kong galit, gutter language iyan eh, sabi ko, “Oh ito, ang ganda-ganda pa, mukhang artista, putang ina, naunahan pa ako. Patayin mo lahat [ng mga bumihag].” Sa galit iyon. Hindi ako nagbibiro.

Noong kinukwento ko iyan, sabi ko, “Roxas, panay ang arte mo, magpa-hostage ka lang.”

Galit ako noong mga panahong iyon.

Iyan ang aking paliwanag. Iyan na. Kung hindi ka maniwala diyan, magpapatunay diyan ang mga video. Gutter language iyan. Ganoon ang mga lalaki kung magsalita.

“Putang ina, naunahan mo pa ako, letse ka.”

Patawad kung hindi nagustuhan ng iba.

Pero iyan ang totoo. Iyan ay isang insidente pero merong kuwento sa likod nito.

Iyon ay isang masamang pahayag. Hindi iyon isang masamang biro. Talagang galit ako kaya ko sinabi iyon, “Oh, putang ina, naunahan mo pa ako.” Lipas na iyan. Ganoon talaga, sa buhay ng isang tao, maraming dadating. Pero ako, ang ginagawa ko ay para sa kapwa tao.

Pinapatay ko silang lahat noong panahong iyon. Ako ang nag-utos na patayin silang lahat. Armado sila, at may napatay na silang ilang tao.

At ako ay inimbestigahan ng isang komite sa Kongreso.

Handa akong itaya ang aking pagtakbo bilang Pangulo.

Huwag niyo akong hingan ng patawad sa isang bagay na ginawa ko dahil sa tawag ng pangangailangan nang panahong iyon.

Handa akong mawalan ng [suporta mula sa] Gabriela at lahat. Wala akong pakialam.

Sabi ko sa iyo, hindi ako mamamatay kapag hindi ako naging Pangulo.

Pero ang sigurado, ang prinsipyo ko, panghahawakan ko ang aking puwersa. Nasabi ko iyon dahil sa galit. Kung kayo kaya ang nandoon, sige mga Gabriela, pati si Mar Roxas.

Mabuti, puwede na akong magretiro.

Sa ganitong kaso, ginawa ko eh….Humihingi ako ng patawad sa lahat. Humihingi ako ng tawad sa mga Pilipino. Ito ang aking istilo. Ito ang aking bibig. Nasabi ko iyan dahil sa galit. Pero makinig muna sa kuwento sa likod nito. Huwag kayo basta-basta na lang na paambak-ambak diyan.

BIRO ANG PANGGAGAHASA?

Hindi. Hindi ko ginawa iyan. Isinalaysay ko iyan. Hindi ako ngumiti. Nagsasalita lang ako nang may saysay. Kung ayaw ninyo ng tao na ganitong magsalita, pasensya. Eh di doon kayo sa English spokening, yung mga coño. Doon kayo sa mga magnanakaw na wala namang ginawa. Ano naman ang ginawa ninyo sa katapangan ninyo? Magpabihag ng barbero. Beh, Binay, puro ka lang nakaw diyan. Buti ka pa. Ako dito, nagpapabihag, sinusugal ko ang buhay ko dito. Kayo diyan, nakaw nang nakaw pero wala naman kayong ginawa.


Narito naman ang pahayag ni Bruce Rivera tungkol sa rape joke:

Noon ay 1989. Labing-anim na taong gulang lamang ako nang sinagip ni Duterte ang isang magandang babaeng Australian na ginahasa. Pinaslang ang bata at dito umiyak si Duterte. Totoo, matapos ang maraming taon, natatandaan niya ang karanasang iyon, at sinabi sa mga tagapakinig, napakaganda ng biktima, dapat siyang mauna.

OO, IYON AY ISANG HINDI MAGANDANG BIRO.

Pero sa kuwentong ito, iniligtas niya ang biktima. Bilang alkalde, dapat pinapatnubayan niya lang ito pero naging aktibo siya sa pakikibahagi sa operasyon, higit pa sa tawag ng tungkulin. Malamang, nasabi niya ito sa mga kriminal dahil hindi ito ang unang pagkakataon na narinig ko ang kuwentong iyan. Kaya kasama sa kanyang pag-alala sa nangyari ang isang bagay na mukhang isang biro. Pero tingnan mo ito sa kanyang pananaw.

Nakipagbarilan siya laban sa mga kriminal. Bilang bagong-upong alkalde…sinabi niya iyon sa mga rapist na nandoon… At bilang isa na umamin na siya’y barako, minura niya ang mga kriminal sa pagsasabi na sa di-tuwirang salin sa Tagalog, “Gago kayo, inunahan niyo pa ako.” Iyon ay wika ng mga barumbado at nasabi iyon ng Alkalde. Kailangan niyang gawin iyon upang takutin ang mga kriminal na matitigas ang ulo, at nagawa niya iyon. Iyan ang dahilan kung bakit ligtas ang Lungsod ng Davao. Walang kriminal ang gustong inisin ang isa pang barumbado na nasa awtoridad. Kaya marami sa kanila ang lumisan sa Davao, at heto na – ang Kalakhang Maynila na ang nagsilbi nilang bagong kanlungan. Sila ngayon ang may kontrol dito. Walang barumbado dito na nasa kapangyarihan ngayon. Kaya, nakita natin ang pagdami ng maraming sindikato ng krimen na hinayaang lumago dahil hindi sila tinakot ng mga “disenteng” pulitiko.

Lumipas na ang 28 taon, pero malaking bagay ito para sa ilan sa inyo. Umiiyak kayo na para bang kayo ay biktima. Sinasabi ninyo na hindi katanggap-tanggap para sa inyo ang isang lider gaya ni Duterte dahil dapat may pagkapino siya – na hindi siya magsalita gaya ng isang barumbado. Pero siya ay barumbado – barumbado na may konsensiya na kayang gumawa ng walang-pakundangang birong pang- barumbado pero umiiyak na parang isang Katolikong taong may moralidad sa kawalang-katarungan. Sinasabi ninyo, “Huwag ninyo siyang iboto.” At sinasabi ko sa inyo, eh di huwag ninyo siyang iboto….

Pero tatanungin ko kayong mga mapagkunwari diyan: Ano ang ginagawa ng inyong mga kandidato noong 1989? Malamang na si Mar ay nasa ligtas na mga kalye sa Boston. Nakatira nang ligtas si Grace sa Maynila kasama ang kanyang mga mayaman at sikat na magulang… at abala si Binay sa pagpapayaman dahil masuwerte siya na mahirang bilang OIC sa mayaman nang Makati. Hindi nila kailangang problemahin ang Davao noong 1989.

Kaya ako na ang magmumura: Putang ina niyo din!!! Galing ninyong magmalinis. Kung gusto niyo ng presidente na perpekto, kahit anong bayas at salsal ang gawin niyo, walang ganoon. Pero kung magreact kayo na para bang hindi katanggap-tanggap, eh puke ng ina ninyo!!! At hindi ito isang pahayag. Naiinis na ako.

Nandito na tayo sa sitwasyon kung saan nagkalat ang kriminalidad dahil kayong mga mapagkunwari ay gusto ng pino at edukadong mga lider na binabantayan ang anumang sasabihin nila dahil napakasensitibo ninyo. Iniingatan ninyo na hindi masira ang inyong mga balahibo. At ano ang napala natin? Mga kriminal na malakas ang loob.

Sasabihin ninyo sa buong mundo na ilagay ang ating sarili sa kinalalagyan ng biktima ng panggagahasa. Alam niyo ba na AKO AY BIKTIMA NG PANGGAGAHASA noong pitong gulang pa lang ako? Ako dapat ang maunang masaktan sa naturang biro. Pero hindi. Kasi mas lalo akong nasasaktan sa katotohanang itinatago ng aking pagiging pino at pagiging edukado ang aking sitwasyon. Sana nariyan si Mayor Digong para upakan ang dalawang taong gumawa nito sa akin.

At ang pinakamalala, sinasabi ninyo sa amin na huwag iboto si Duterte gayong ang totoong dahilan kung bakit kailangan siyang ibangon mula sa pagreretiro at pag-iisa sa mapayapang Davao ay dahil bulok ang ginagawang trabaho ng inyong mga kandidato. Kaligtasan man ay hindi nila ito maibigay.

Kaya, tama na ang maruming kampanya. Ganito ang gagawin natin: Kaming boboto kay Duterte, boboto kami kahit anong black propaganda ninyo. Sa inyo na lang din ang undecided. Kung magpapadala sila sa inyo, CONGRATULATIONS!!!

Pagod na ako sa pagtatanggol sa tao na hindi ko dapat ipagtanggol mula sa mga mapagkunwaring gaya ninyo. At kapag natalo siya dahil mas marami ang mga mapagkunwari kaysa sa mga nagpapakatotoo sa ating bansa, eh di tanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa. Sakaling ikaw ay magahasa o kung ang iyong minamahal ay nagahasa, hindi magbibiro ang inyong Pangulo dahil iyon ang sumira sa isang kandidato na dapat sana’y pumigil [o rumesponde] sa naturang panggagahasa. At malaki ang pagkakataong walang gagawin diyan ang inyong Pangulo. Hindi siya barumbado, hindi ba?

Bruce Villafuerte Rivera


Narito naman ang opinyon ng isang netizen tungkol dito:

Hayaan mong sabihin ko ang aking opinyon tungkol sa isyu ng pagbibiro ni Digong.

…Isa itong paliwanag kung ano ang nasa likod ng mga pahayag. Hindi na kailangang pagandahin pa ito dahil ito ay isang hindi magandang pahayag ng isang hindi komedyante sa isang seryosong palabas.

Labingtatlong gulang pa lang ako nang nangyari ang insidenteng iyon sa aking bayang sinilangan na Lungsod ng Davao. Bibigyan ko kayo ng ideya kung ano ang nangyayari sa Davao noong panahong iyon. Nagsisimula pa lang na bumangon ang lungsod dahil nagkalat doon ang mga komunista.

Normal na sa mga panahong iyon na patatahimikin kami ng aming guro habang nagkaklase dahil merong mga NPA na hinahabol ng mga pulis o Alsa Masa. At oo, nakita namin na may isang napatay sa loob ng paaralan. Nakakabaliw, ano?

Halos naging lugar ng patayan ang Davao noong mga panahong iyon at walang kuwenta ang isang araw kung dalawa o tatlo lang ang napapatay sa panig man ng NPA o ng militar.

Ang aking Tatay ay bahagi din ng “Alsa Masa” at isang beses sa isang linggo nagsilbi siya bilang tanod dahil sa bawat barangay, salit-salitan ang pagtatanod ng mga tao sa barangay mula sa mga NPA sa gabi. At sa bawat umaga, hahanapin ko ang kalibre 45 sa aming altar at minsan isang granada. Oo, kailangan mong maging armado para laging handa kung sakali. Bilang isang bata, niyaya ko ang aking mga kaibigan na ilawan ang kalye gabi-gabi gamit ang langis at bunot sa loob ng lata. Lahat ng poste ng ilaw ay napundi dahil laging pinuputol ng mga NPA ang kable o binabasag ang mga lampara.

Buhay na buhay ang bayanihan sa mga panahong iyon. At ang lahat ay nakikibahagi upang maging ligtas ang kanilang lugar. Nakakatakot iyon pero kahit paano ay nasanay kami at nakaligtas kami.

Naintindihan ko nang buo ang mga salitang binitiwan ni Digong sa video na iyan habang ikinukuwento niya iyon. Nang sinabi niyang “Inunahan ninyo pa si Mayor,” ang pahayag na iyon ay para sa mga barumbado. At hindi ito ibig sabihin na “Inunahan pa siya sa paggahasa” kundi ang maka-iskor sa babaeng iyan. Oo, naging chickboy si Digong noon pero hindi siya rapist. …Nakita niya na maganda ang babaeng iyon at galit na galit siya sa paggahasa at pagpatay sa kanya.

Kailangan ninyong intindihin ang mga nangyayari noong panahong iyon upang maintindihan ang kanyang sinasabi. Sanay na siya sa mga salitang pang-kanto habang hinaharap niya ang mga ganitong klaseng tao sa araw-araw. Kailangan mong maintindihan ang ganoong klase ng salita at kultura nila.

Ang sinasabi ko lang, ang doktor na tumitingin sa mga pasyenteng may trangkaso at ubo ay mahahawaan din ng trangkaso at ubo, pero hindi nito mababago ang katotohanang siya’y doktor pa rin.

Si Digong ay isang magaling na lider na hindi maganda ang pagsasalita at pagpapatawa, pero hindi nito mababago ang katotohanang siya’y isang magaling na lider na tinatapos nang maayos ang trabaho.

Huwag siyang husgahan lamang sa kanyang salita o biro kundi sa kanyang gawa at track record. Kung gusto mo ng tao na magaling magsalita, eh di piliin mo siya, pero masasalamin ba nito na siya’y isang magaling na tao o lider?

Tandaan, mas mabuti ang may MAGANDANG GINAWA kaysa sa MAGANDANG SINABI.

Laging pinatutunayan ng GAWA na WALANG LAMAN ang mga salita.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Nurse

12791125_10153998420932299_2970439330198130910_nAko si Teresa Lacsamana-Lising na nagtatrabaho bilang staff nurse sa Jeddah, sa isa sa mga pinakakilalang pinakamalaking dialysis center sa buong mundo, kilala bilang Jeddah Dialysis Center. At ito ang aking kuwento kay Duterte.

Malinaw pa sa aking isip nang makapagtapos ako sa aking pinakahinahangaang kurso – Nursing – at nakapasa sa board exam. Natengga ako sa loob ng halos isang taon nang walang anumang trabaho. Natatandaan ko pa na kinakaladkad ko pa ang sarili ko sa isang kumpanya bilang isang call center agent araw-araw makatulong lang sa aking mga magulang, dahil ang mga nurse noong panahong iyon ay kailangan pang magbayad para sa hospital training makasama lang bilang staff sa isang institusyon. Iyon ay isang nakakaawang sitwasyon hindi lang para sa akin kundi pati na rin sa aking mga guardian na nagpaaral sa akin sa isang mahal na apat na taong kurso (kasama na ang summer classes nito!). Pero salamat sa Diyos, hindi bingi ang tanggapan ng alkalde sa mga hinaing ng mga nurse sa Lungsod ng Davao, o sa mga nurse sa Mindanao sa kabuuan.

Anim na taon na ang nakalipas nang buksan ng tanggapan ng alkalde ang isang programa para sa mga nurse ng lungsod. Siyempre, handa na ang aking application at resume. Pero siguro, isa ako sa daan-daan o libu-libong mga aplikante, kaya dumating sa punto na naghintay ako. Kaya sinabi ko ang bagay na iyon sa aking mentor, kaya ipinagdasal niya ako.

Subalit nalaman ko ang tungkol sa “Oras Niya Para Sa Masa” ng Alkalde, at dito na ako pumila. Nang maabot ko ang kanyang mesa, napaisip po talaga ako: Napakamalas ko namang makaharap ko ang pinakamagaling na mayor dito sa Davao. Saka ko iniabot sa kanya ang aking application letter at resume. Wala mang salita na lumabas sa bibig ko, sinabi niya, “Sige, magsimula ka na sa Lunes!” Sa simula, hindi ako nakapagsalita. Nasa isip ko, “Panginoon, ikaw itong nag-aayos ng lahat para sa iyong lingkod. Ang nasabi ko lang, “Salamat talaga, Mayor.” Si Mayor Rodrigo Duterte talaga ang sagot sa aking dasal.

Inihanda ako ng naturang regional hospital upang maging isang nurse: mula sa pagiging isang neurosurgery nurse hanggang sa ICU nurse, saka lahat ng aking aplikasyon sa iba pang institusyon ay sinang-ayunan na. Ano pa ba ang maipagpapasalamat ko pa sa Diyos? Subalit sa pagkakaroon ng isang alkalde na makapangyarihang ginamit ng Diyos upang maging sensitibo sa pangangailangan ng mga tao… salamat Panginoon [sa pagbibigay ninyo ng isang instrumento – ] Mayor Rodrigo Duterte.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Is Davao a Singapore?

7687_10153992640362179_4056414013342945811_nAko ay isang Dabawenyo, namumuhay at nagtatrabaho dito ngayon sa Singapore bilang guro sa loob ng walong taon.

Tulad din ng iba pang mga OFW, meron din akong sariling paraan ng pag-adjust sa pamumuhay sa ibang bayan. Subalit, ang pag-adjust ay hindi talaga tungkol sa kaligtasan at kapanatagan, at hindi sa pakikihalubilo sa ibang tao mula sa iba’t ibang kultura, lahi, at relihiyon. Bakit? Dahil ito ay parang “Davao” para sa akin.

Para talaga itong Davao dahil:

  1. Maari akong lumabas kahit anong oras (literal na kahit anong oras, kahit dis-oras pa ng gabi) dahil alam kong ligtas dito. Naiilawan nang maayos ang bawat kanto at kalye.
  2. Maari akong sumakay nang mapayapa sa taxi anupa’t dadalhin ako ng drayber nang ligtas sa aking pupuntahan, bibigyan ako ng resibo, walang nakatagong singil (hidden charges), at sinusuklian ako kung meron. Oo, ibibigay nila sa akin ang sukli kahit pa sampung sentimo iyan. Para itong Davao kasi ibibigay ng manong drayber ang sukli miski sinsilyo.
  3. Maari akong maglakad sa parke, dalampasigan, at sa iba pang pampublikong lugar nang hindi nag-aalala sa nilalanghap na hangin o sa anumang kalat sa kalye. Maayos at malinis dito. Napapanatili nang maayos ang kapaligiran dito. Hindi na kailangan pang banggitin ang No Smoking Policy sa mga pampublikong lugar.
  4. Maari akong umuwi sa aking tinutuluyan anumang oras, nang hindi nag-aalala na kukunin ng sinuman ang aking kalupi (purse) o ang aking phone. Para itong Davao dahil hindi na kailangan pang mag-alala sa mga snatcher.

Iginagalang ng mga tao dito sa Singapore ang awtoridad. Ganoon din sa Davao, sinusunod namin at iginagalang namin si Mayor Duterte, kaya takot ang mga tao na gumawa ng labag sa batas.

Hindi naging diktador si Mayor Duterte sa amin sa Davao. Ginagawa lang niya kung anong sinasabi niya at ipinatutupad niya ang batas para sa ikabubuti ng kanyang mamamayan. Bilang Dabawenyo, hindi ko naramdaman ang “takot” habang nakikita si Mayor kundi lagi kong ninanais na makita siya nang may paggalang at pasasalamat dahil ipinakita niya kung ano dapat ang mabuting palakad.

Nang mapanood ko ang video na ito tungkol sa “Makabayan Songs” noong isang rally sa Davao, ipinaalala nito ang aking dasal nang una akong dumating dito sa Singapore. Natatandaan ko noong mga unang buwan ko dito noong 2008, nagsasanay ang mga bata sa paraalan na awitin ang isang kanta tungkol sa Singapore bilang paghahanda sa kanilang Pambansang Araw. Naluha ako nang mapanood ko ang kanilang mga lumang video: Kung paanong naging isang magulong bansa noon ang Singapore at kung paano sila nagtulung-tulong upang maging [isa sa mga mauunlad na bansa sa Asya]. Ito ang sandaling nagbigay ng inspirasyon para sa akin anupa’t nagdasal ako, “Panginoon, sana maging katulad ng Singapore ang Pilipinas.”

At ang kanilang slogan dito sa Singapore, “Kapag mababa ang krimen, hindi ibig sabihin nito’y walang krimen.” Hindi kayang gawin ito ng ating Mayor nang mag-isa. Ang kaayusan at kapayapaan ay hindi lamang nakasalalay sa mga kamay ng mga nasa awtoridad kundi pati na rin sa bawat isa sa atin. Lahat ay may papel – pulis at mga sibilyan. Gawin natin ang ating tungkulin. Maging mapagbantay. Sama-sama nating paunlarin ang ating bansa.

Sa awa ng Diyos, magagawa natin ito. Kapit-kamay, maari nating maabot kung ano ang gusto natin sa ating bansa. Gawin natin ang pagbabago. Hindi pa huli ang lahat, Pilipinas.

Ako ay si Wendy Solis Reyes, OFW, isang guro, isang asawa, ang magiging ina ng dalawa, proud Dabawenyo, proud Filipino

Ito ang aking kuwento ng kaayusan at kapayapaan, ng kaunlaran, at kapayapaan ng isip.

Pagpalain nawa ng Diyos ang Pilipinas!


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Gikan sa Masa Part 2

1914541_960909773964790_958035034980285030_nBy: Monching Lumantas

GMPM, Disyembre 27, 2015

“Kapag ako’y naging Pangulo, gagamitin ko ang extra-judicial powers upang pigilan ang krimen at katiwalian sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.”

“Irerekomenda ko sa Kongreso ang pagbuhay muli sa parusang bitay sa pamamagitan ng ‘pagbitin’ (‘hanging’).”

“Dapat magkaroon ng curfew sa mga menor de edad na nasa labing-anim na taong gulang pababa. Dapat nang alisin ang Pangilinan Law dahil nililikha nito ang bagong uri ng mga kriminal.”

“Ipapatupad ko sa lahat ng kagawaran sa buong bansa ang animnapung araw na deadline at limang pirma lamang sa lahat ng business applications at mga prangkisa.”

Tungkol sa mga survey ng SWS: “Kalimutan niyo ako. Hindi ako mamamatay kapag hindi ako naging Pangulo. Ako’y nasa takipsilim na ng aking buhay, alalahanin ninyo ako sa mga huling araw ng kampanya. Kung mahal ninyo ako, eh di mamahalin ko rin kayo.”

Sa kanyang pagbisita sa Sorsogon at Mindoro: “Napagdesisyunan ko na ang mga mamamayan ng Davao ay dapat makiramay sa kalungkutan at hinagpis ng mga biktima. Labing-siyam sa dalawampu’t dalawang bayan na ang nakatanggap ng pera bilang tulong [sa kanila].

Mensahe sa Bagong Taon: “Ito na ang huli kong pagbati sa inyo bilang Alkalde. Magkakaroon na ng pagbabago sa aking buhay. Kung matalo ako, mananatili ako [sa Lungsod] pero bilang retirado [sa pulitika]. Kung manalo ako bilang Pangulo, kailangan kong magtrabaho dahil merong mga pangakong kailangang tuparin.


GMPM, Disyembre 20, 2015

“Kung ako’y magiging Pangulo, pipigilan ko ang krimen at katiwalian.”

“Manunumpa ako HINDI sa Luneta kundi sa aking opisina sa Malacañang upang maiwasan ang pagsikip sa daloy ng trapiko. Walang marangyang kainan. Kailangang kumain muna ang mga imbitadong bisita. Ihahain lamang ang tubig at soft drinks.”

“Ang aking unang utos sa araw na ito ay hulihin ng mga pulis ang lahat ng sindikato ng krimen at droga. Dodoblehin ko ang suweldo nila sa una at ikatlong quarter ng taon. Para sa mga pulis na namatay sa naturang tungkulin, itutuloy ko ang kanilang suweldo sa loob ng tatlo hanggang limang taon.”

“Upang labanan ang terorismo, magdadagdag ako ng tig-dalawang dibisyon sa Army at PNP. Walang palakasan. Lahat ng promosyon ay dapat nakabase sa kakayahan.”

“Walang kontraktwalisasyon. Wala akong pakialam kung matatakot at magagalit sa akin ang mga negosyante. Nandito ako upang paglingkuran ang aking mga kababayan, hindi ang kanilang [pang-negosyong] interes. Pagkatapos ng isang taon, dapat nang maging permanente ang isang manggagawa.”

“Ipatutupad ko ang Zero Casualty sa Pasko at Bagong Taon. Magkakaroon ng firecracker, gun, at liquor ban sa buong bansa.”

Mensahe sa Pasko: “Iniimbitahan ko ang mga Moro at mga Lumad na magdiwang ng Pasko dito sa Lungsod ng Davao. Muli, humihingi ako ng tawad kay Papa Francisco, ligaw na bala lang ang nasabi ko. Ang lahat ng iyon ay tungkol sa matinding trapiko.”


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Self-Discipline

12936657_1715745852014594_2860214455435269505_nBy: Viva Viva

Gusto ko lang ibahagi ang aking karanasan.

Noong Abril 8, 2016, Biyernes, nahuli ako sa pag-uwi galing sa sortie ng Duterte-Cayetano sa Alabang. Suot ko ang aking Duterte Shirt (proud to be, hehehe). Biruin mo, nakakapagod ang araw na iyon, na nakatayo ka mula alas-3 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi? Talagang mahirap iyon para sa akin, pero naghintay ako. Gusto kong marinig kung ano ang iaalok ni Senador Cayetano at ni Mayor Duterte. Hindi ko na gustong mapanood lang ang kanyang video at tumingin sa mga larawang nakikita ko sa Internet. Gusto ko [ang ginagawa kong ito] para sa sarili ko.

Halos maiyak ako sa aking narinig sa mga sinabi ni Duterte. Wala siyang mga pangakong binitawan. Sinabi lang niya kung gaano siya galit sa gobyerno na inaapi ang mga tao, kung paanong kinukurakot ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga bagay na dapat makuha ng tao, kung paanong galit siyang makita ang mga krimen na umaangat sa balita. Lahat ng mga ito at iba pa [ang nagpaiyak sa akin]. Nararamdaman ko ang kanyang hangaring paglingkuran ang kanyang mamamayan. Nararamdaman ko ang kanyang willpower upang gawin ang lahat ng ito.

Humanga din ako sa libu-libong mga tao na dumating. Nariyan ang mga iba’t ibang tao. Nakita ko ang mga mayayaman at edukado, ang ilan na aakalain mo ay kakagaling lang sa trabaho, ang ilan na mukhang galing sa slum areas. Nariyan ang Triskelion, nariyan ang AKRO, nariyan ang APO, at iba’t ibang mga fraternity ang nariyan. Nakuha ko pang makipag-usap sa isa sa mga grupo at nalaman kong sila’y mga construction workers na nagpatatak ng kanilang t-shirt ng DUTERTE mula sa kanilang sariling bulsa!

Sa aking paglalakad pauwi, tatawid sana ako sa kalsada at kumbinsido ako na magje-jaywalking ako dahil halos mamatay na ako sa pagod at hindi ko na kayang umakyat pa sa overpass. Saka ko nakita ang aking sarili na nagsusuot ng Duterte Shirt. Nahihiya ako sa aking sarili. Naisip ko na kung gusto ko ng pagbabago, kailangan kong gawin ang pagbabago! Sa halip na tumawid pa ng kalsada, nakayanan kong gamitin ang overpass.

Tingnan ninyo, kung gusto nating lahat ng pagbabago sa ating bayan, ang pagbabago ay dapat magsimula sa atin, sa ating mga sarili. Nakita ko na hindi si Duterte ang kinatatakutan natin, kundi ang disiplina. Namumuhay tayo na hindi tayo sumusunod sa batas. Kitang-kita tayo at nasanay na tayo na hindi sumusunod sa batas kahit na merong batas na kailangang sundin. Ang mga pinakasimpleng bagay tulad ng paggamit ng pedestrian lanes, footbridge, pagkakalat, mga batas sa trapiko, at iba pa ay binabalewala na lamang.

Higit sa lahat, hinihikayat ko kayong lahat na kilatisin ang ating sarili. Tingan mo sa iyong sarili kung magagawa mo ba ang pagbabago. Simulan mo sa sarili mo, sa bahay mo, sa opisina mo… 😉

Pahabol: Naalala ko ang ripple effect sa tubig. Kahit na ang isang isang maliit na patak ng tubig (sa tahimik na anyo nito) ay maaring magbigay ng pagbabago. Simulan natin ito sa maliit – sa ating sarili! Kung magagawa nating lahat ito, hindi tayo aabutin ng tatlo hanggang anim na buwan upang makamit ang pagbabagong gusto natin. Kaya natin iyang matamo nang isang buwan!


Translated by: TweetNewscaster


Featured Image Credit: Viva Viva wearing a Duterte shirt.