My Duterte Story: Maria

13040865_1774611492766886_1797392788009098097_o

By: Editha Zaragosa Caduaya

Si Maria, isang ina sa anim na anak, isang magandang batang ina, ay napilitang mangibang-bayan dahil sa kahirapan, tulad ng iba pang OFWs sa buong mundo ngayon.

Nangibang-bayan siya upang magtrabaho, pero umuwi nang bangkay. Ginahasa siya at brutal na pinatay sa Gitnang Silangan noong Setyembre 23, 1993. Naipabatid sa pamilya ang tatlong iba-ibang bersiyon ng kanyang kamatayan, pero itinago ng pamahalaan ang totoong dahilan ng kanyang pagkamatay.

Ipinaalam lang ng Pasuguan ng Pilipinas sa pamilya ni Maria ang balita noong Oktubre 4 sa di-malamang dahilan.

Mula sa Hilagang Cotabato, humingi ng tulong ang pamilya sa Kalihim ng Kagawaran ng Paggawa, sa Kalihim ng Transportasyon, at maging sa iba’t ibang grupong pangkababaihan, kasama na ang militanteng Gabriela sa Maynila, para tulungan sila at kahit paano ay maisaayos ang paglipat ng kanyang kabaong mula sa isang pandaigdigang paliparan sa Maynila papuntang Lungsod ng Davao, pero bigo sila. Ang mas malala pa ay binitin sila.

Tinawagan ng pinakabatang kapatid ni Maria, na noon ay correspondent ng isang kilalang pambansang pahayagan, ang ilang grupong pangkababaihan sa Maynila para tumulong dahil wala ni isa sa pamilya ang nariyan para mag-asikaso ng paglipat sa kabaong. Sinisikap ng pamilya na makaipon ng pondo upang bayaran ang kabaong, at sinabihan sila na ang pamasahe mula Maynila papuntang Davao ay mahal.

Walang-tigil ang tawag mula Oktubre 4 hanggang Oktubre 20, pero INUTIL ang gobyerno at wala sa mga tinatawag na women’s groups…ang dumating upang saklolohan sila.

Noong Oktubre 19, eksaktong alas-dose ng madaling araw, binisita ng isang di-kilalang tao ang kapatid ni Maria sa kanyang bahay sa Davao, isang tao na nagpakilala bilang isang staff ni Mayor Rodrigo Duterte. Ipinaalam niya sa pamilya na ang paglipat ng kabaong at pagbabayad para dito ay nangyayari na, at hindi na kailangang mag-alala ang pamilya sa gagastusin nila dahil nagpadala si Duterte ng isang staff sa Maynila upang maasikaso ang paglipat at pagbabayad.

Sinabi ng staff sa pamilya, “Tama na ang iyak. Mamayang umaga, dadating na ang katawan dito sa Davao.”

Ilang segunod matapos sabihin niya ito sa kapatid ni Maria, may tumawag sa kanyang hand-held radio at sinabi ng staff sa kapatid nito, gusto ni Duterte na makausap siya.

Sa pagitan ng kanyang mga hikbi, kinausap niya si Duterte sa radyo. Narinig niya ang sabi ni Duterte, “Huwag ka nang mag-alala. Tutulungan ko ang iyong pamilya. Sabihin mo lang kapag kailangan mo pa ng tulong para madala ang kabaong sa iyong pamilya sa Hilagang Cotabato.”

Ang hindi alam ng pamilya, sinusubaybayan ni Duterte ang pagdating ng aircraft kinabukasan ng umaga.

Nang mabuksan ang kabaong sa loob ng punerarya sa F. Torres St. sa Davao, hindi makapaniwala ang mga miyembro ng pamilya. Natakot ang pinakabatang kapatid pero dinamayan siya ng isang tao at sinabihan, “Magpalakas ka. Magdasal. Naiinitindihan ko ang sakit [na nararamdaman mo].”

Hindi niya alam na humahagulgol siya sa mga bisig ni Duterte.

Sa loob ng kuwarto, dinamayan ni Duterte ang pamilya. Umiiyak siya kasama nila habang sumisigaw ang pamilya ng katarungan.

Nang tahimik na ang lahat, tumayo si Duterte at ang sinabi niya sa pamilya, “May problema tayo dito, walang kasunduang bilateral sa paggawa (bilateral labor agreement) ang Pilipinas sa maraming bansa, at KAHIT NA LALABAN TAYO NGAYON, MAGIGING MAHIRAP ANG LABANG ITO.”

Nagpunta pa si Duterte sa Hilagang Cotabato sakay ng kanyang motorsiklo isang araw bago inihatid si Maria sa huling hantungan.

Lumitaw na ngayon ang pamilya, dahil alam nila sa kanilang puso, SA LIKOD NG MASAMANG BIBIG NI DUTERTE, NAKATAGO ANG MALAMBOT NIYANG PUSO – HANDANG PROTEKTAHAN ANG SINUMAN LALO NA ANG MGA NANGANGAILANGAN AT MGA PAMILYA NG MGA MAHIHIRAP NA BIKTIMA NG PANGGAGAHASA.

ITO ANG AKING KUWENTO. Inabot ako ng dalawang araw upang isulat ang kuwentong ito, dahil hindi ko itinuloy ang pagsusulat – umiiyak habang inaalala ang trahedya  kung paanong brutal na pinaslang ang aking kapatid at kung paanong ang isang estranghero – RODRIGO DUTERTE – ay dumating upang saklolohan kami.

Masakit para sa akin na marinig ang mga tao na inaapi si Duterte gayong kailangan pa nilang subukan ang ganitong uri ng pamamalakad. Hindi nila talaga kilala si Duterte.

Ako si Editha Zaragosa Caduaya, pinakabatang kapatid ni Maria.

Ang babae sa kaliwang bahagi ng larawan.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Branch Manager

By: Dan Taytay

Ilang taon na ang nakalipas, iniulat ng branch manager ng aking kliyente sa Davao na siya’y nadukot at ang 3M na dala-dala niya at dapat sana’y idedeliver niya sa isang supplier ay ninakaw sa kanya ng apat na nakakubli ang mukha at armadong kalalakihan sa SM Davao. Siya diumano ay pinalaya 36 oras ang lumipas sa di-mataong kalsada at ang kanyang service car ay natagpuan na abandonado sa isang gas station sa naturang highway ilang kilometro lang ang layo. Mukhang may hindi tama sa kanyang kuwento kaya ipinadala ako ng aking kliyente sa Davao upang ipaimbestiga sa pulisya ang insidente.

Nagpunta ako sa pulisya ng Lungsod ng Davao at isinalaysay ko ang kuwento ng aming branch manager. Hindi maitago ng mga pulis ang kanilang tawanan. Nang tanungin ko sila kung ano ang nakakatawa, sinabi nila na ang apat na taong iyon na dudukutin ang sinuman sa SM Davao ay hindi makakalabas sa lungsod nang hindi nakikita ng mga awtoridad. Pero nangako sila na iimbestigahan iyon.

Dahil ako’y isang Manilenyong abogado, iniabot ko ang pera sa pulisya bilang pampadulas. Alam kong hindi sila kikilos kung walang pera. Tinanggihan ng mga pulis ang pera at mukhang totoong nainsulto sila. Sinabi po nila sa akin, “IBA PO ANG DAVAO SA MAYNILA.” Ito na ang unang pagkakataon para sa akin na totoong tinatanggihan ng mga pulis ang naturang pampadulas.

Umuwi ako na inaasahang walang anumang mangyayari. Nasiyahan at nagulat ako nang isang linggo ang lumipas nang tawagan ako ng isang pulis at sinabing nalutas na nila ang kaso. Nakakita sila ng mga saksi sa gas station kung saan inabandona ang kotse. Sinabi nila na ang branch manager ang nang-iwan diyan ng sasakyan, at hindi ang apat na armadong kalalakihan. Natuklasan din ng mga pulis na ang aming branch manager ay nakailang beses nang bumili (unauthorized purchases), kasama na ang pick-up truck na kanyang sinusubukang itago sa bahay ng kanyang kamag-anak. Ito ay isang kaso ng “hold-up me”. Talagang alam ng mga pulis kung paano mag-imbestiga. Hindi sila barumbado na ang alam lang ay takutin at patayin ang mga suspek.

Kaya naghain na ako ng kaso sa piskalya ng Davao at dahil ako’y isang Manilenyong abogado, nagbigay ako ng “pampadulas” sa piskal upang masiguro na hindi maibabasura ang aking kaso. Pinagsabihan ako ng piskalya dahil sinubukan kong suhulan siya. Muli, sinabihan ako, “IBA ANG DAVAO SA MAYNILA.” Sa loob lang ng ilang linggo, nalutas ang aking kaso at ang branch manager ng aking kliyente ay sinampahan na ng kaso sa korte.

Ang pulis at mga piskal ay HINDI nasa ilalim ng tanggapan ng alkalde pero ang political will ni Mayor Duterte ay may epekto sa maraming lingkod-bayan sa Davao. Ang aking paglalakbay sa Davao ay ang una kong pagkakataong makakita ng “No Lunch Break” sa mga tanggapan ng gobyerno!

Si Duterte ay parang si Bugs Bunny sa Space Jam, nagbibigay ng tubig sa kanyang mga ka-team mates, sinasabing ito ang sikretong bagay ni Michael Jordan at agad-agad sila’y naging mas mabuting manlalaro.

Ito ang dahilan kung bakit ko iboboto si Duterte. Una, siya ay may POLITICAL WILL. Wala ni isang presidente mula kay Marcos ang may political will. Ikalawa, siya ay may karisma at umaasa ako na ang kanyang sigasig sa paglilingkod sa bayan at ang kanyang pagmamalaki dito ay may epekto sa bawat lingkod-bayan at mamamayan upang palitan ang kawalang pag-asa na nararanasan ngayon ng ating mga kababayan sa ating bansa. Hindi kayang baguhin ni Duterte ang bansa nang mag-isa. Kailangan natin siyang tulungan. Pero siya lang ang kandidato na kayang magbigay ng inspirasyon o tatakutin tayo upang baguhin [ang ating bayan] sa ikabubuti.

Parating na nag pagbabago. Huwag labanan ito. Yakapin ito.

Iboto si DUTERTE PARA PANGULO.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Interview

By: Erica Jean Palmera

12512639_545333385636499_1864932322950814426_nHindi naman “ganoong” kahirap na humingi ng isang tatlumpung minutong panayam sa kanya. Ipinadala namin angunang apat na kabanata sa tesis dalawang buwanpa ang nakalipas, na nangangahulugang kailangang tapusin ang tesis nang napakaaga sa aming klase. Ipinadala namin ang aming profiles para sa background check dahil alam namin kung gaano kahigpit ang seguridad doon. Una na kaming tinanggihan ng kanyang kalihim na sinabing hindi niya ito maipapadala dahil ang itinakdang petsa ay isang linggo bago mag-Pasko. Nakiusap kami na ipadala pa rin niya ito kay Mayor at hayaan siyang magdesisyon. Nakuha namin ang kanyang oo!

Naisingit kami sa pagitan ng isang pulong sa isang gobernador at ang kanyang pagdalo sa AFP/PNP Christmas Party, pero pinalugitan niya ang 30-minutong panayam sa isang oras, at ito ang aming natutunan sa ganoong karanasan:

  1. Siya ang unang alkaldeng Bisaya ng Lungsod ng Davao. Ang lungsod ay minsang pinamahalaan ng mga panginoong maylupa mula sa Luzon na walang interes sa kapakanan ng mga mamamayan.
  2. Halos kalahati sa kanyang mga apo ay mga Muslim. Hindi na kataka-taka kung bakit siya lamang sa mga tumatakbong pangulo ang nakakaintindi sa problema ng mga Moro.
  3. “Minsan, pinapasama nila ang pagtingin ng media sa akin.” Ayon kay Mayor, kinapanayaman siya ni Zabriskie, isang manunulat na nagsimulang tawagin siyang “The Punisher”, para sa isang artikulo sa Mindanao bilang isang magulong lupain. Nagulat (si Duterte) nang karamihan sa naturang artikulo ay patungkol sa kanya. Meron bang media ethics?
  4. Merong konsepto ng paghahati sa bangketa sa Lungsod ng Davao: 1/3 para sa mga vendors, 2/3 para sa mga naglalakad.
  5. Karamihan sa mga ordinansa na “dito lang sa Davao” na ipinatutupad ay buhat sa house rules ng kanyang ina.
  6. Smoking ban
  7. Firecracker ban
  8. Midnight curfew para sa mga nightclubs at bars (“Sabi ng nanay ko, mag-inom tayo pero matulog tayo nang maaga.”) 😀
  9. Biro lang ang pagkakaroon niya ng mga “syota”. “Biro lang iyon. Hayaan mong magbiro ako kahit kaunti.” Nangyari ang lahat ng ito bago pa tumakbo bilang Pangulo.

May maidadagdag ako sa listahang ito upang ipakita sa inyo na siya’y katulad natin, o higit pa. Nang tanungin kung bakit siya naiiba sa lahat, hindi niya sinabing “walang rape, walang massacre, at iba pa” (tulad ng sinasabi ng kanyang mga panatiko) pero sinabi lang niya na “Sineseryoso ko ang aking panunumpa. Hindi ko ginagamit ang salitang “official”. Ako ay isa lamang kawani ng pamahalaan na ginagawa ang dapat gawin – protektahan ang interes ng lahat, panatilihin ang kaayusan.”

Ikaw? Gaano katotoo ang iyong pangulo?

Bonus: Ang kanyang paboritong artista ay si Demi Moore. 🙂

P.S. Meron silang video clips upang suportahan ang mga nabanggit. Hingin kay Erica Jean Palmera kung gusto.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Returned Wallets

By: Naprey Almario

Ito ay dapat ibahagi at ito ang aking sagot sa pagsasabi ni Mr. Trillanes na hindi ligtas ang Davao.

Nawala ang wallet ng aking dalawang kaibigan at ngayon ay nai-post nila sa Facebook na naibalik ito sa kanila. Hindi ito bago sa Lungsod ng Davao. Madalas, ibinabalik talaga ng mga taxi drivers kung ano man ang maiwan sa taxi nila. Dito lamang sa Davao.

13001264_10209099085665436_5954620540722504800_n


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Barista

By: Maan Roldan Tiburcio

Hindi na mahalaga ang aking opinyon, pero gusto kong ibahagi ito. Hindi na talaga ako matahimik. Ipinanganak ako at lumaki sa Maynila. Nag-aral ako sa eksklusibong girls’ school sa Lungsod Quezon at saka nag-aral sa isang pamantasan sa Maynila sa kolehiyo. Nang mga panahong iyon, ako ay isa ring working student na magtatrabaho ng closing shifts sa isang food chain hanggang sa nagtrabaho ako bilang isang barista sa Makati, nang ako ay estudyante pa, isang intern. Ang aking araw ay parang rutang La Loma, Q.C.èP. Faura/TaftèBuendia/AyalaèEDSAèQuezon Avenue. Nang ako ay naging isang intern, dagdagan mo pa ang Mandaluyong, Caloocan, Montalban, kahit saan sa rutang iyon. Kung ikaw ay galing ng Maynila, alam mo kung ano ang nararamdaman mo habang namamasahe.

Minsan na akong nahold-up, ninakawan nang mga tatlong beses, at nadukutan nang mga anim na beses. Ito ay sa kabila ng pagiging mapagbantay at oo, pagiging alerto sa aking paligid. Nasubukan ko na ring maglakad sa bahay mula sa Taft Avenue dahil hindi gumagalaw ang traffic at kailangan kong umuwi nang nasa oras. Araw-araw, isiniksik ko ang aking sarili sa masikip nang LRT/MRT train na ikinataka ko kung lalaki ba ito kahit paano. Nakatayo ako sa mga bus na may cooking pans, mga parol, at mga buto at utak ng tao, na hindi namamalayan ng mga kasama ko sa bus. Huwag kang mag-alala, ang mga bagay na ito ay hindi na naghahalu-halo. Makakaintindi niyan ang isang OT intern.

Ang gantimpala o sumpa ng pag-aaral sa UP Manila, anuman ang iyong pagtingin diyan, ay madaling lapitan ang mga lugar para gumimik. Alam kong wala na sa bokabularyo ko ang “gimik,” ako’y 35 taong gulang na, huwag naman kayong manghusga. 🙂 Minsan ginagabi ako hanggang madaling-araw at kahit na anong antok ko, kailangan kong siguraduhin na ako’y gising 110 porsiyento sa oras na nasa loob na ako ng taxi. Iyan ang itinuro sa akin ng mga dati kong karanasan sa pagsakay sa taxi.

…Nakita ko ang aking sarili sa Davao noong 2004. Sawa ako. Sawang-sawa na ako. Walang gumaganang SM, walang Ayala Malls, walang Starbucks! Para akong nalulunod sa pagkasawa sa kawalan. Pero namalagi ako dahil nakakaintrigang saksihan ito na magbagong-anyo bilang isang metropolis. Meron akong beach sampung minuto lang ang layo, at paanan ng bundok mga 45 minuto lang ang layo. Wala kaming stoplights at puwede kang literal na maglibot sa loob ng lungsod ng 15 minuto. Hindi pa rin ako sigurado kung makikibagay ako sa lungsod.

Nakita ko ang aking sarili na palaging “umuuwi” sa Maynila, na nabibighani ulit sa mga ilaw at tunog nito. Pero natanto ko na ako’y nagrereklamo sa tuwing gagawin ko iyan, at hindi na ako makapaghintay na bumalik ulit sa Davao. Ugali ko na ang makipag-away sa tuwing ako’y nasa Maynila. Nakikitawad ako sa taxi driver at nagmumura ako sa trapiko na kasimbagal ng suso kung umusad. Lahat ng lakas ko ay naubos na sa panahong nasa destinasyon ako. Mas malala akong bersiyon ng aking sarili kapag ako’y nasa Maynila. Kailangan kong maging ganoon, upang mabuhay.

Natatandaan ko na noong isang araw, ako at ang aking asawa ay namasyal sa Davao. Nakapunta na kami sa lahat ng mga mall sa Davao sa loob lang ng isang araw na may natitira pang lakas sa huling bahagi ng araw, sapat na para tapusin ang isang video game. Victoria Plaza-GMall-JS Gaisano-Chimes-SM Ecoland-NCCC Mall. Posible pa rin iyan noon, mukhang posible pa rin iyan ngayon pero kailangan mong limitahan iyon sa tatlong mall. Nag-commute din kami. Subukan mong gawin iyan sa Maynila.

Nabasa ko pa nga na pang-apat ang Davao sa crime index sa buong bansa. Tumingin ka sa aking ikalawang talata: sampung krimen na hindi ko isinumbong sa pulisya: robbery, snatching, at pickpocketing…. Kahit na ako ang biktima, hindi ko isinumbong iyan. Hindi ito iniulat ng mga mamamahayag. Kasi naramdaman ko na aksaya lang ito sa oras kasi hindi nila malulutas ang krimeng ito, at palaging may takot na baka sa huli ay magbayad sa isang officer para asikasuhin ang aking pangangailangan. Dito sa Davao, kinailangan ko nang dalawang beses ang pulis sa nakalipas na sampung taon, at sa parehong pagkakataon ay hindi ako nagdalawang-isip na tawagan ang 911. Sa parehong pagkakataon, dumating sila sa oras at sa parehong pagkakataon, naramdaman ko na ligtas ako. Tuwing maglalakad ako at makakita ng isang pulis na nakatayo sa sulok ng kalye, maglalakad pa rin ako nang may ngiti at hindi ako nahiyang mag-text habang ngumingit kasi pakiramdam ko ay ligtas ako. Ilagay mo ako sa Maynila, at ang una kong gagawin ay hawakan ang aking kalupi nang mahigpit, titingin sa baba, at maglalakad nang mabilis, kasi ramdam ko na hindi ako ligtas diyan. Hindi ko sinasabi na hindi sila magaling, sinasabi ko lang na hindi ako ligtas diyan.

2006 na nang nagdesisyon akong ilipat ang aking pamilya galing Maynila at dalhin dito sa Davao at masasabi ko na ito at mukhang ito pa rin ang isa sa mga pinakamabuting desisyon na ginawa ko para sa aking sarili, at sa aking mga anak. Si Duterte ang aking alkalde dahil ang kanyang anyo ng pamamalakad ay isang anyo na nagbibigay kaligtasan sa akin. Isa na nagtutulak sa akin na sumunod sa mga batas, ordinansa, at patakaran. Isa na magbibigay sa akin ng pakiramdam na ito ang uri ng lipunan kung saan dito ko gustong palakihin ang aking mga anak. Para sa akin, siya ang uri ng lider na laging makukuha ang aking respeto. Kung hindi ka pa handa sa naturang pamumunong iyan, sa lahat ng pagkakataon ay huwag mo siyang iboto. Masaya naming aangkinin ang alkalde para sa aming sarili….

Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Love Across the Oceans

By: Kristoffer Escleto

Ayaw niyang gamitin sa propaganda ang mga batang ito. Hindi ko nagustuhan ang paraan niya ng pagkakamit ng katarungan. Hindi ako sang-ayon sa mga grupong vigilante. Pero nagbago ang aking isip.

Ito ang aking kuwento. Hindi ako tubong Lungsod ng Davao. Ipinanganak ako sa Lungsod ng Cotabato, kung saan hindi maitatanggi na hindi normal ang kapayapaan at seguridad dito. Nang ako ay labinlimang taong gulang, lumipat ang aking buong pamilya sa Davao. Iniwan namin ang maraming luho, bagay, at mga tao kapalit ng mas mapayapang buhay.

Nang nagsisimula pa lang akong makibagay sa aking bagong tahanan, natanto ko ang mga pakinabang sa pagkakaroon ng mapayapang lungsod. Maari akong umuwi nang late sa bahay ng aking kaklase habang gumagawa ng mga proyekto nang hindi nag-aalala ang aking mga magulang. Maari kong gamitin ang aking cellphone kahit saan kung gusto ko. Sa totoo lamang, sa simula ay hindi ako sigurado kung totoo ang mga ito pero sa paglipas ng mga taon, napatunayan ko na totoo ang mga ito. Pagkatapos ng lahat ng ito, hindi pa rin ako nakumbinsi na makatuwiran ang kanyang paraan. Hindi kasi maikakatuwiran ng kanyang layunin ang mga paraang ginamit.

Tinutukso pa ako nang sinabi ko ang aking pag-aalala at hindi pagsang-ayon sa kanya sa isang pulong sa kolehiyo. Hindi ko maintindihan kung bakit ang aking mga kaibigan na tubong Davao ay napakasigasig sa pagtatanggol sa kanya.

Nakatapos ako at naging isang nars. Naglingkod ako sa Southern Philippines Medical Center (at tingnan mo, ito rin ang ipinagmamalaki ng Davao), ang pangunahing pagamutan ng pamahalaan sa lungsod. Doon ko nakilala ang naiibang pagkatao niya.

Naitalaga ako sa pediatric PhilHealth ward kung saan sinasalinan ng dugo ang isa sa mga batang pasyenteng may cancer. Masaya ang kanyang ina kasi ayon sa kanya, ibinigay ni Mayor sa kanila ang groceries at ilang pera, lahat sila na namamalagi sa Bahay ng Pag-asa. Pero nilinaw ko sa kanya na sila’y hindi taga-Davao, base sa nabasa ko sa kanilang chart. Sinabi niya na hindi ito mahalaga sa kanya, dahil hindi siya nagtatangi sa kung saan ka galing, at higit sa lahat, maingat niya itong ginagawa. Nagulat ako. Hindi ko maintindihan kung ano ang kanyang motibo. Ang mga taong ito ay hindi naman boboto sa kanya, ni hindi niya kailangang magpasikat kasi noong mga panahong iyon, maari siyang tumakbo nang paulit-ulit bilang Alkalde, at walang magiging karibal [sa pagtakbo].

Iba na ang pagtingin ko sa kanya. Hindi bilang isang kinatatakutang lider kundi isang taong may puso. Pero, sa isip ko, paano naman ang mga mahihirap na tao, mga biktima ng kahirapan na nalulong sa droga. Hindi pa rin sila dapat mamatay.

Pagkaraan ng ilang buwan, muli akong naitalaga sa ophthalmology clinic. Isang araw, sinamahan ng isang babae (na suot ang dilaw na polo na may sagisag ng lungsod sa kanyang kaliwang bulsa) ang lalaki na suot ang dilaw na damit. Nakita ko na mapula ang kaliwang mata ng batang lalaki. sinimulan ko siyang tanungin kung ano ang nangyari at ipinaliwanag niya na nasiko ang kanyang mata sa isang laro sa basketball.

Matapos ang paunang pagsusuri, handa na ang doktor na suriin siya, na nagbigay sa akin ng panahon para kausapin ang babaeng umalalay sa kanya. Tinanong ko sa ale kung saang ahensiya ng pamahalaan siya galing. Galing siya sa rehab center. Medyo nagulat ako. Nakatira ako sa lungsod sa loob ng mahigit isang dekada at hindi ko narinig ang naturang rehab center ng gobyerno. Pabiro ko siyang tinanong sa Bisaya, “Hindi ba sila basta-basta pinapatay…?” Ngumiti siya at sinabing binibigyan sila ng maraming pagkakataon.

Ipinakita niya sa akin ang ilang larawan ng center, at nagulat ako na ito talaga ay isang rehab facility. Sinabi niya na ito ay nasa Mintal. Ngayon, kung ikaw ay galing ng Davao, alam mo ba na ang distansya sa pagitan ng Mintal at SPMC ay kasinghaba ng distansya mula Makati hanggang Parañaque? Wala pa ring ideya? Napakalayo nito. Malaki ang aming lungsod. Natanto ko na dinala nila ang lalaking ito dahil lang sa munting insidenteng iyon. tinanong ko kung bakit hindi madalas alam ng kahit mga residente ng Davao ang rehab center na iyon. Sinabi ng ale na gusto ng Mayor na ganoon ang mangyayari.

Ilang araw matapos nito, nakatagpo ko naman ang isang ale na nakasuot ng dilaw, sa pagkakataong ito kasama niya ang ilang matatanda. Kabilang siya sa City Home For The Aged Center, na hindi ko rin alam. Nagsimula na akong magpalagay na ako lang ang hindi nakakaalam tungkol diyan kaya tinanong ko ang ibang tao. Mukhang hindi alam ng maraming tao ang tungkol sa mga naturang pasilidad ng gobyerno. Pero nalaman ko na gumagana nang maayos ang mga pasilidad na iyon. Siguro, iyon ay dahil walang pangalan ng mga pulitiko ang nakadikit sa mga proyektong iyon. Siguro, ang mga rehab center, day care center, home for the aged, at iba pa ay hindi napapansin dahil hindi ibinabalandra ng pamunuan ang bawat serbisyo nito.

Iba ang pagtingin ko sa kanya. Natanto ko na mas mabuting siya’y kinatatakutan at tinitingnan ng marami bilang magaspang at mayabang kaysa ipagtanggol ang sarili sa pamamagitan ng mga nagawa niya. Narinig at nakita ko ang maraming ebidensya na sapat para kumbinsihin ako. Ngayon, ako na ay isang masigasig na tagasuporta. Wala akong pakialam kung tawagin man akong Dutertard. Ito ang taong naglilingkod sa kanyang mamamayan, isang tao na mahal ang kanyang bayan. At nagtataka ang mga naninira sa kanya kung bakit matindi ang sigasig ng mga tagasuporta sa pagtatanggol sa kanya. Hindi lang siya ang aming Alkalde. Itinuturing ng mga mamamayan ng Davao si Duterte bilang kanilang ama, at huwag kang magbabato ng putik at isiping kaya mong takasan ang ginawa mo. Manalo o matalo, meron siyang tahanan, isang pamilya, isang lungsod na matindi ang pagmamahal sa kanya. At ngayong halalan na, alam niya na ang pagmamahal na iyon ay hanggang sa labas ng Lungsod ng Davao, kahit pa ang pagmamahal ay tawid-dagat. Ito ang aking kuwento.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Lumads at Christmas

By: Sykes king john

12990960_1002156609874185_8537767490692206336_n

Kung sa ibang lugar sila ay inaayawan at nilalayuan sa pinakapaboritong araw ng mga Kristiyano, alam ng mga katutubo na sila ay may tahanan sa Lungsod ng Davao sa pamumuno ni Mayor Rodrigo Duterte.

“May utos si Mayor na pabantayan ang mga Lumad, para hindi sila saktan,” sabi ni Omilis Laraze, isang miyembro ng tribong Matigsalog.

Si Laraze, 50 taong gulang, ay residente ng Sitio Patag, Salumay, distrito ng Marilog. Ang dating kagawad ng barangay ay hinirang na pinuno ng iba’t ibang tribo na tinuring na tahanan ang Mintal gym ngayong Kapaskuhan.

12993442_1002156619874184_7168289621674856142_n

Ibinunyag niya na unang sumali siya sa grupo na dumayo sa Davao noong 2006 matapos lisanin ang Bukidnon.

“Napansin ko nga na nandito sila upang humingi ng pamasko at pagbalik ay meron na silang dalang bigas,” dagdag pa niya.

Sang-ayon dito si Pacita Tinampon.

Pakiramdam ni Marilog, 56 na taong gulang na residente ng Sumilop, na sila’y komportable sa lungsod.

“Kada hapon, binibigyan kami ng dalawang kilo ng bigas,” sabi niya.

Ipinagmalaki ni Tinampon, na kasapi ng tribong Manobo, na kada tao ay nabibigya din ng dalawang piraso ng de lata at tatlong pakete ng noodles.

13055323_1002156646540848_224371076266655195_n

Pagdating sa gym, bawat isa ay binibigyan ng meal tickets para makakuha ng rasyon ng pagkain para sa buong panahon ng kanilang pananatili doon.

“Alam namin na hindi kami magugutom,” sabi pa niya sa wikang Cebuano.

Sinabi ni Laraze na meron pang sapat na pagkain para ibahagi sa kanilang pamilya sa kanilang pag-uwi sa Disyembre 26.

Sinabi ni Eilin Macla, 50 taong gulang at isang Matigsalog tulad ni Laraze, na dinadala ng karamihan sa mga dumayo dito ang kanilang pamilya, pati na ang mga maliliit na bata.

“Nabibigyan kami ng atensyong medikal ng mga health workers na laging nagbabantay sa amin,” dagdag niya.

Sinabi ng tatlo na ang Mintal, na labinlimang kilometro ang layo sa kabayanan, ay ang kanilang paboritong tahanan sa kanilang paglalakbay sa lungsod tuwing Pasko. Kinilala nila si Barangay Capt. Ramon Bargamento II sa pagbibigay ng espesyal na atensyon sa kanila.

Subalit tumanggi si Bargamento na tanggapin ang lahat ng papuri sa kanya, na sinabing tulad ng iba pang kapitan ng barangay na kumakanlong sa mga Lumad, sumusunod lang siya sa utos ni Duterte.

13015370_1002156659874180_5548178763809173219_n

Sinabi ni Bargamento, na nagsilbing deputy mayor bago maging kapitan ng barangay mula noong 2007, na nagbigay si Duterte ng mga detalyadong utos sa pag-alaga sa mga Lumad sa tuwing sila’y dadayo sa mga espesyal na araw.

Ibinunyag ni Laraze na ang mga dumayo ay hindi lamang galing sa Davao. Marami ang galing sa Bukidnon, Hilagang Cotabato, at iba pang malalayong mga lalawigan.

Napansin ni Bargamento ang pagdami nila nitong taon kaya kinailangang tanggihan ang marami pang dayo matapos sabihin ng mga health workers na umabot sila sa 3,800.

“Habang sila’y nandito, hindi lang namin sila pinakakain at inaasikaso ang kanilang kalusugan kundi sinusubukan namin na maging komportable sila hangga’t maari,” dagdag niya.

Upang gawin ito, sinabi ni Bargamento na maraming ahensiya ang kinuha kasama na ang health, social welfare, pulisya, fire,at environment.

Isang makeshift tent ang itinayo kung saan ang mga bata ay makakapaglaro, makikinig sa mga kuwento sa araw, at manood ng mga palabas sa video sa gabi.

Hawak ng ikatlong distrito ng Davao ang pinakamalaking populasyon ng mga Lumad kumpara sa naunang dalawang distrito.

Ipinaliwanag ni Rep. Isidro Ungab na silang lahat ay nagmula sa tribong Bagobo na nagluwal sa mga maliliit na tribo tulad ng Matigsalog, Tagabawa, Obu Manobo, Clata, at Aetas.

Siguradong hindi lahat sa kanila ang dadayo sa Davao tuwing Pasko. Pero sa mga dadayo, alam nilang may tahanang naghihintay sa kanila.

Malayo ito sa sosyal na bakasyon – iaabot ang kanilang mga palad sa mga di-kakilala, umaasa ng pusong mamon na magbibigay ng ilang piraso ng barya bago magkulay-berde ang ilaw ng trapiko sa intersection.

Kung masuwerte sila, merong pintuang bukas na magbibigay ng damit at pagkain nang may ngiti at matamis na salita.

Nang tanungin sa mga insulto at diskriminasyong naranasan nila sa iba na nag-iisip na sila’y nakakataas, tumugon si Laraze, “Hindi kami nag-aalala diyan.”

Para sa mga Lumad na dumadayo sa Lungsod ng Davao mula nang maupo si Mayor Duterte, alam nilang laging may silid para sa kanila.

Hindi na kataka-taka kung sabik sina Laraze, Tinampon, Macla, at iba pa nilang kapwa Lumad sa mangyayari kapag naging Pangulo si Duterte.

Hindi mahirap pagkatiwalaan ang isa na pinatunayan ang kanyang sarili.


Translated by: TweetNewscaster

Ayoko Nang Maging Supporter Ni Duterte!

By: Russell Aguila

Ilang araw na lang, at maipapakita natin na talagang sinusuportahan natin siya sa pamamagitan ng pagboto sa kanya. Sa dami ng isyung ibinabato sa kanya, naiisip mo ba na minsan ay gusto mo nang sumuko? Kung oo, ang sanaysay na ito ang magbibigay sa iyo ng paninindigan na susuportahan natin siya hanggang sa dulo:


Ito yung pumasok sa isip ko kasi nga parang lulubog na ang bangka ni Mayor Digong noong pumasok ang “Rape Joke” Issue sa kanya.

Lahat ng media nakatutok sa kanya, lahat ng kalaban niya ay unti-unti nang naghuhukay ng libingan ng pangarap namin para kay Mayor Digong.

Kahit na anong pagtatangol mo, minsan aabot sa puntong susuko ka nalang.

Pero napaisip ako, sino ang susuportahan ko kung sakaling umalis ako sa poder ni Mayor?

Yung Presidentiable ba na maraming record ng kapalpakan?

Yung Presidentiable ba na maraming record ng corruption?

Yung Presidentiable ba na may puso ngunit sa mga bilyonaryong negosyante lang susunod?

Yung Presidentiable ba na okay na sana pero pumili pa ng ka-tandem na magnanakaw saka ayoko na rin siyang magtrabaho dahil may sakit na?

Wala akong ibang masuportahan dahil ikaw lang talaga ang may karapatan na maging susunod na Presidente!

Hindi ko alam, dahil lang ba sa maliit na issue na ito na ginagawang malaki ng mga media ay mawawala na ang lahat ng pinaghirapan namin?

Gusto kitang sisihin Mayor Duterte dahil sa pagsasalita mo ng ganoon! Dapat nag-iingat ka! Kaming mga supporters mo ang nahihirapan sa pagtatangol sa iyo!

Pero bakit ba pinagtatangol ka pa rin namin kahit ang tigas-tigas ng ulo mo, Daddy Digong?

Bakit kahit na halos buong mundo at lahat ng elitista ay kalaban namin ay hindi parin ako umaalis sa poder mo?

Ganoon na ba kita ka-idol kaya kahit sa girlfriend ko handa akong makipaghiwalay maipagtanggol ka lang?

Dahil ba sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na handang pumatay ng libo-libong rapist para lang protektahan kayong mga kababaihan?

Dahil ba sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na handang hulihin at banggain lahat ng drug lord at sindikato, kahit ang kapalit pa nito ay buhay niya?

Dahil na sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na tapusin ang kurapsyon sa gobyerno?

Mapapaiyak ka nalang minsan kapag inaalala mo na kinukutya ang sinusuportahan mo dahil sa isang video na pinutol para siraan ang isang taong may tunay na malasakit sa bayan.

Ngayon alam ko na kung bakit hindi naangat ang Pilipinas, dahil lahat ng utak natin ay kinokontrol ng media at ng mayayaman.

Ngayon talaga hindi na ako isang supporter ni Mayor Duterte, isa na akong anak niya na ipagtatangol ko parin manalo o matalo siya sa eleksyon.

Sana makarating sa iyo ito Mayor, wag nang matigas ang ulo, behave na tayo dahil nahihirapan kaming kontrolin ang mga taong sensitibo at nagmamalinis na gusto kang pabagsakin.

My Duterte Story: Jun Evasco

13012836_962373823878672_9163110751558680737_nBy: Pompee La Viña Duterte 2016

Marami pa rin ang hindi nakakaalam sa ugali at pagkatao ng kandidato at Alkalde ng Lungsod ng Davao na si Mayor Rodrigo Duterte. Sa likod ng kanyang matapang at matatag na persona na nakikita ng publiko ay isang taong may malasakit, tapat, at may prinsipyo.

Mukhang kilala ko na si Mayor Duterte bilang isang lingkod-bayan nang higit sa lahat, na naglingkod bilang chief of staff nang siya ay napili bilang vice mayor noong 1986 – tatlumpung taon na ang nakalipas. Idagdag mo pa ang isa o dalawang taon ng kanyang pagiging prosecutor na sinubukang ikulong ako noong panahon ng Martial Law dahil sumali ako sa sama-samang kilusan laban sa mga Marcos.

Nakita ko na itinataya niya ang kanyang sarili at tinatahak ang daang makipot sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa bayan. Sumusumpa ako sa Diyos – kung paanong sumumpa ako noong panahon ng aking pagpapari – na hindi niya sinamantala ang pagkakaroon ng posisyon upang payamanin ang sarili o ang kanyang pamilya. Bawat sentimo ng pera ng mga tao sa Lungsod ng Davao ay nagagamit nang maayos, at bawat yaman ay naipapamahagi at nagagamit nang tama.

Isang bagay na ayaw niya ay ang mga taong paulit-ulit na lumalabag sa batas at mga kriminal. Galit siya sa kanila.

Galit siya, lalo na sa mga tao na nagtatangi, nagsasamantala, at nananakit sa mga mahihinang sektor ng ating lipunan: mga Lumad, mga minorya, mga may kapansanan, mga taong iba ang piniling kasarian, at lalo na ang mga kababaihan.

Kahit madalas magsalita sa pagiging babaero niya, meron siyang malambot na puso sa mga babaeng sinasaktan, ginagahasa, at pinapatay. Ipapabilang ko pa sa iyo ang maraming kaso ng panggagahasa na personal niyang inasikaso nang may matinding sigasig.

Ang pagkakilala sa kanya bilang isang probinsyano, na walang-pakundangan at biglaan ang pag-uugali ay maaring makainsulto sa mga taong tinuruan kung paano dapat kumilos at magsalita ang ating mga pambansang lider. Maaring bastos, magaspang, at nakakadiri ang pagtingin sa kanya. Iyan ay dahil gusto ng mga coño na igiit ang kanilang makitid na patakaran sa ating lahat. Si Duterte ay hindi coño at siguradong kakaiba siya. Pero sa paningin ng Diyos, siya ay pinakatapat at pinakasimpleng lider na nakatrabaho ko.

Nagbibigay siya ng inspirasyon sa mga taong nakakilala sa kanya nang lubos.

Dahil diyan, hindi ko siya ipagpapalit sa kahit sino sa bansang ito. Hinihikayat ko ang mga sumusuporta at naniniwala sa kanya na kumapit pa sa kabila ng mga bagong pagsubok na hinaharap niya at hinaharap natin. Manalig tayo sa tao na napatunayang ilalagay niya ang kapakanan ng bayan bago ang sarili, kahit pa malagay sa alanganin ang kanyang buhay. Sa loob ng tatlong linggo, magdedesisyon tayo kung karapat-dapat bang suklian ang katapatan ni Mayor Duterte. Hinihikayat ko kayo na suportahan siya, iboto siya, at bantayan ang mga boto. Ang boto para sa kanya ay boto para sa kinabukasan at sa kinabukasan ng inyong mga anak at ng ating susunod na henerasyon.

(Sa larawan makikita si Mayor Jun Evasco na ipinakita ang kanyang buhay bilang bilanggo sa ilalim ng Martial Law. Ang tagausig ng kaso laban sa kanya noon ay si Rody Duterte. Si Mayor Evasco ang campaign manager ni Duterte ngayong 2016.)


Translated by: TweetNewscaster