Duterte Serye: Homeless People

By: Jo Barredo

Sana bigyan-kasagutan ng artikulong ito ang isyu ng diumano’y mga taong kontraktuwal ni Mayor Duterte at ng Lungsod ng Davao.


…Inaangkin ng mga naninira kay Duterte na inutos niya ang pagpatay sa lahat ng mga taong walang matirhan sa Lungsod ng Davao, kaya hindi mo makikita ang mga palaboy kahit saan. Sasabihin ng ilan na pinapatay pa mismo ng Alkalde ang mga batang palaboy.

Nakikita ko na nakakatawa ang mga bintang na iyan dahil una, meron pa ring mga palaboy sa lungsod. At ikalawa, merong makatuwirang dahilan kung bakit kakaunti lang sila. Sasagutin ng kuwentong ito kung bakit.

Mahigit isang taon na ang nakalipas nang ako at ang aking mga pinsan ay naghihintay ng iba pa naming kamag-anak sa Rizal Park, Lungsod ng Davao. Pupunta sana kami sa SM Ecoland para sa hapunan ng buong angkan namin. Iyon ay alas-4 na ng hapon at nakaupo kami sa entablado ng Rizal Park, pinapanood ang mga bata na naglalaro at para pakainin din ang mga kalapati na naninirahan mismo sa parke.

Pinapakinis din ng isa sa aking mga tiyo ang kanyang sapatos ilang metro lang mula sa lugar kung saan kami umupo.

Ang buong lugar ay kanlungan para sa mga taong ang kanilang trabaho ay masahista, tagalinis ng sapatos, nagmamanicure/pedicure, manghuhula, at iba pa. Pinapayagan naman sila ni Mayor Duterte na manatili at gamitin ang bahagi ng Osmeña Park at Rizal Park para magkaroon sila ng disenteng kita.

Saka ko napansin ang grupo ng mga tao na dumaan sa aming kinauupuan. Hindi ko intensiyon na pakinggan sila, pero narinig ko kung ano ang sinasabi nila.

“Bay, nakasama ka ba sa mga nabigyan ng kontrata kanina?”

“Oo, ibinigay pa sa amin ang lugaw. Anim na buwan daw. Kung maayos ang trabaho, irerenew agad ni Mayor,” ang tugon naman ng isa.

Nagtaka ako sa napag-usapan nila, kaya tinanong ko ang aking tiyo na isang opisyal ng barangay sa aming bayan. Ipinaliwanag niya na isa sa mga proyekto ng lungsod ay bigyan ng trabaho ang mga talagang nangangailangan nito, lalo na sa mga walang bahay. Pinagtatrabaho sila sa halip na bigyan ng araw-araw na rasyon para alam nila kung paano susuportahan ang kanilang mga sarili.

Saka ko tinanong kung posible bang maging permanente ang kanilang trabaho sa halip na i-renew ang kontrata kada anim na buwan. Simple lang ang sagot ng aking tiyo, pero masakit para sa akin nang maintindihan ko kung bakit.

“Ginagawa ni Mayor Duterte at ng LGU ng Lungsod ng Davao ang lahat ng kanilang makakaya. Ang mga manggagawa na kontraktuwal sa Lungsod ay hindi mabibigyan ng permanenteng trabaho kasi kailangan itong aprubahan ng pambansang pamahalaan para ma-item nang permanente sa gobyerno.”

“Hinihingi din ng maraming permanenteng posisyon ang eligibility sa civil service. Ito ang nagpapahirap sa kanila na makakuha ng permanenteng trabaho lalo na ang mga hindi nakapagtapos ng elementarya at namumuhay sa kalsada. At ang mga hindi sinuwerte ay yaong mga tao na pinakaprayoridad sa mga ganitong kontraktuwal na trabaho.”


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Trip to Korea

By: Joy Barredo and Inday Sara Duterte

Ang paglalakbay na ito ay hindi ibinalita sa media, lokal man o pambansa. Nalaman lang ng ng mga Dabawenyo ang paglalakbay na ito sa programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa,” kung kailan bumalik si Mayor Duterte. Ang dahilan ng kanyang paglalakbay ang nagbigay-kasabikan sa lahat. Nag-inspeksiyon si Mayor Duterte ng isang halimbawa ng train compartment na gagamitin sa pinaplanong LRT ng Lungsod ng Davao (ibabang larawan).

Ito ay isang malaking balita sa lahat. Ibig kong sabihin, sa wakas ay magkakaroon na ang Lungsod ng Davao ng sarili nitong tren. At mukhang napaka-cool ng tren (kahit paano sa aking panlasa). Pero ang higit na espesyal sa pahayag niya ay nang ibinigay ang kaunting impormasyon: Hindi ginamit ni Mayor Duterte ang pera ng lungsod para tustusan ang kanyang paglalakbay. Ginastos niya ang sarili niyang pera.

Nagsaliksik ako matapos ang programang iyon at nalaman ko na hindi gumastos ang lungsod ni isang kusing sa tuwing maglalakbay si Mayor Duterte. Kahit na ito ay opisyal na paglalakbay para sa lungsod, ginamit niya ang kanyang sariling pera, na idineklara ito bilang non-official trip. Sa pagkakaalam ko, ang mga opisyal na paglalakbay ay sagutin na ng lungsod. Pero hindi, ayaw ito ni Mayor Duterte.

Ito rin ang dahilan kung bakit pinapalampas niya ang ilang paglalakbay niya sa tuwing iimbitahan siya sa mga events sa labas ng bansa. Madalas niyang sinasabi, “Wala akong pera para maglakbay.”

Natatandaan ko pa ang isang insidente na gumastos ang grupo ng mga politiko ng milyones para lamang sa isang hapunan. At sa isang bansa kung saan ginagastos ng mga pulitiko ang pera ng bayan para tustusan maging ang kanilang bakasyon, ang pagkakaroon ng isang Mayor Duterte bilang lider ng Lungsod ng Davao ay isang malaking ginhawa.


Narito naman ang ulat mula sa isang fanpage ni Inday Sara:

Nasa South Korea ang Alkalde ng Lungsod ng Davao na si Rodrigo Duterte upang makipagpulong sa mga mamumuhunang Koreano na interesadong maglagak ng puhunan para ipatayo ang mass transportation system sa lungsod.

Pero ang naturang pagbisita ay hindi isang official business trip dahil gumastos ang alkalde ng lungsod ng sariling pera para sa kanyang sariling paglalakbay…

Nakipagkita si Duterte sa mga opisyal ng Korean Engineering Corporation (KEC) na magsasagawa ng feasibility study sa light rail transit (LRT) ng Lungsod ng Davao. Ang feasibility study ay isasagawa hanggang Marso 2015.

Sinabi ng kompanyang Koreano na ikokonsidera nila ang 2013-2020 Zoning Ordinance ng lungsod sa kanilang pagsasagawa ng feasibility study.

Mainit na sinalubong ng mga Koreano si Duterte na nakipagkita din sa iba pang Koreanong mamumuhunan na gustong magnegosyo sa Lungsod ng Davao tulad ng Hanshin PBS at Sindonga General Construction. Dumating siya sa South Korea noong Oktubre 27.

Dalawang ruta ng LRT ang tinukoy ng KEC, lalo na sa ruta mula sa Davao Golf and Country Club sa Toril hanggang sa Francisco Bangoy International Airport.

Ang dalawang ruta ay dadaan sa iba’t ibang iminungkahing istasyon, na ang unang ruta ay may habang labintatlong kilometro at ang ikalawa ay labimpitong kilometro.

Ang buong proyekto ay tinatayang aabot sa ilang bilyong piso at sasailalim sa Build-Operate-Transfer scheme.

Basahin dito: http://bit.ly/1torNdk

Larawan: Subways and Urban Transport South Korea


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: NEDA o NADA?

By: Jo Barredo

Binabasa ko ang mga komento ng nakalipas na serye tungkol sa LRT ng Lungsod ng Davao at sinasabi ng iba na sila’y lilipat na sa Lungsod ng Davao. Palagay ko, dapat ninyong malaman na nagkaroon ng problema ang proyektong ito, at muli ay dahil sa pambansang pamahalaan.

Matapos ang inspeksiyon ni Mayor Duterte sa South Korea, nakahanap na din siya ng isang sponsor na tutustos sa unang tatlong taon ng proyekto. Bilang karagdagang serbisyo, gagawa din ang kompanya ng feasibility study nang walang-bayad. Pero pinaantala ang proyektong ito.

Kung titingnan ninyo ang link ng nakalipas na serye, Nobyembre 2014 ang petsa nang naipost ang larawang iyan. Sinulat ko pa ang seryeng ito nitong Nobyembre 1, 2015. Dapat sana sinimulang pag-aralan ang naturang proyekto noong Enero 2015 pero hindi ito natuloy.

Noong Abril ng 2015, naliwanagan ang mga tao sa Lungsod ng Davao [sa paliwanag ng Alkalde] tungkol sa naturang delay. Nahihirapan ang Koreanong investor na makakuha ng permit para isagawa ang feasibility study. Ayaw kasing aprubahan ng NEDA (National Economic Development Authority) ang feasibility study at [sa halip ay] pinapalibot nito ang investor sa buong NCR. Sinabi ng NEDA:

“Hindi pa kailangan ng Lungsod ng Davao ang LRT.”

Dito nagalit si Mayor Duterte. Totoo na sa ngayon, hindi na kailangan ng Lungsod ng Davao ang mass transportation system. Pero tinataya na sa taong 2020, kailangan na ng lungsod ang LRT upang pagsilbihan ang lumalaking populasyon ng lungsod (dahil marami ang talagang nandarayuhan ngayon sa Lungsod ng Davao.) Sinabi ni Mayor Duterte:

“Alangan namang maghintay tayo kung kailangan nang ituloy ang proyekto.”

“Kailangan ng mga tatlong taon para matapos na ito.”

“Kung maghihintay pa tayo ng taong 2020, tatlong taong maghihirap ang mga tao sa matinding trapik.”

“Mas dadami pa ang tao sa panahong iyon, magmamadali tayo para maisakay sila.”

“Dapat itong NEDA, tawagin na lang NADA, kasi wala tayong makukuha sa kanila.”

Alam ni Mayor Duterte na kailangan ng Lungsod ng Davao na magkaroon ng mass transport system bago pa ang taong 2018. Alangan namang hintayin nating dumating ang problema bago tayo gumawa ng hakbang para dito. Mas mabuti na pigilan kaysa agapan ito.

Mabuti na lamang at ibinigay na ng NEDA ang pahintulot na isagawa ang feasibility study. Nagsimula ito noong isang buwan (o magsisimula sa buwang ito). Tinataya na matatapos ng investor ang proyektong ito sa Disyembre sa taong ito o sa Enero ng 2016. Saka pa sisimulan ang pagtatayo ng LRT ng Lungsod ng Davao sa Hunyo ng 2016. Sana hindi na makialam pa ang NADA.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Helmet

By: Jo Barredo

Sikat ang kuwentong ito sa lahat ng iba pang mga serye, pero palagay ko dapat itong isama upang malaman ng mga hindi pa nakakalam ng kuwentong ito.

Alam ng marami na gusto ni Mayor Duterte ng mga motorsiklo. Madalas niyang ginagamit ang motorsiklo tuwing magpapatrolya sa Lungsod ng Davao. Pero siyempre, bilang isang makina, minsan nasisira din ang kanyang motorsiklo.

Merong insidente kung saan dinala ni Mayor Duterte ang kanyang pinakamamahal na sasakyan sa isa sa mga repair shops sa Lungsod ng davao. Sinabihan siya na aabot ng ilang araw bago pa man ito maipaayos, kaya nagdesisyon ang alkalde na gamitina ang kanyang taxi para magpatrol noong mga panahong iyon.

Noong gabi ng ikalawang araw ng pagkawalay niya sa kanyang sasakyan, nakatanggap si Mayor Duterte ng tawag na maari nang gamitin ang motorsiklo. Naniniwala ako na sabik na siyang sumakay ulit sa motorsiklo anupa’t dali-dali siyang tumungo sa shop. Sa kanyang pagmamadali, nakalimutan niya ang isang bagay, ang kanyang helmet.

Natanto niya na nagkamali siya nang sasakay siya sa motor. Mag-isa din siya noong mga panahong iyon. (Madalas hindi siya naglalakbay kasama ang isang aid o anumang body guards kapag magpapatrolya siya o may gagawin siya sa pribado niyang panahon tulad ng pagsakay sa motor.) Wala siyang nagawa kundi sumakay sa motor para maiuwi ito sa bahay.

Sa kasamaang palad ni Mayor Duterte, isang grupong pantrapiko ang nagpapatrolya sa mga kalye malapit sa shop. Utos ni Mayor Duterte na gawin ito lagi. Lahat ng lalabag ay dapat pagsabihan. At dahil sa utos na iyan, nahuli si Mayor Duterte nang walang suot na helmet.

Hindi pumalag si Mayor Duterte sa mga enforcers na umaresto sa kanya. Natiketan siya at bilang parusa, pinagmulta siya. Nakumpiska ang kanyang lisensya at pinauutos sa kanya na dumalo sa seminar ng batas pantrapiko.

Nang sumunod na araw, pumunta si Mayor Duterte sa tanggapan ng LTO sa Lungsod ng Davao at dumalo sa naturang seminar. Walang media na naroon at nagulat ang lahat nang malamang naaresto ang alkalde. Alam lang ng mga tao sa Lungsod ng Davao na nangyari ito dahil ang mga naroon na dumalo sa seminar kasama siya ay ipinagmalaki na nakasama nila doon ang Alkalde ng Lungsod ng Davao. Ito ang pinakasikat na usapan sa mga drayber.

Matapos ang ilang buwan, sa kanyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa,” tinanong si Mayor Duterte kung totoo ang insidenteng iyon. Ang sagot niya:

“Hindi ko suot ang helmet, kaya nadakip ako.”

“Kasalanan ko ito, at dapat lang na arestuhin ako. Mabubuti itong mga enforcers.”

Ibang-iba siya sa isa pang alkalde na kilala ko (na ngayon ay dating alkalde dahil na-dismiss siya ng Ombudsman noong isang buwan)  kung saan nasisante ang dalawang guwardiya dahil pinigil nila ang alkalde na pumasok sa gate ng isang eksklusibong subdibisyon nang walang pahintulot. Nakunan pa ito ng isang CCTV camera na lumilikha siya ng eksena at iginiit niya na siya ang alkalde ng pinakamayamang lungsod sa Pilipinas (pero ang totoo ay pangalawa sa pinakamayaman dahil mas malaki ang kita ng Quezon City ayon sa datos noong 2014).


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Times Beach

By: Joy Barredo

Palagay ko ito ay nangyari dalawa o tatlong taon na ang nakalipas. Kilala ang Times Beach sa Lungsod ng Davao kung saan maari kang uminom at mag-videoke habang naririnig ang mga alon sa dagat. Isang insidente ang nangyari diyan na maaring maging bahagi ng Duterte Serye na ito.

Isang gabi, may mga ulat na iwinawagayway ng isang lalaki ang isang pistol matapos maging lasing na lasing. Pinagbantaan niya na babarilin niya ang sinuman na lalapit at kakausap sa kanya.

Iniulat ang insidenteng ito sa DCPO (Davao City Police Office) sa 911 at agad ipinadala ang isang team sa lugar na iyon. Nang dumating ang pulis, nalaman na ang lalaking nagwawagayway ng baril ay isa rin palang police officer.

Sinubukan siyang pakalmahin ng kanyang mga kabaro pero mas lalo siyang nataranta. Dito na ipinaalam ang insidenteng iyon kay Mayor Duterte.

Labinlimang minuto matapos matanggap ang naturang ulat, dumating si Mayor Duterte sa lugar na iyon sakay ng kanyang motorsiklo. Bumaba siya at mapayapang naglakad upang lapitan ang lasing na officer.

Nang makita ng lasing na pulis na naglalakad ang alkalde papunta sa kanya, nagsimula na siyang maging kalmado. Ibinaba niya ang kanyang baril. At nang sa wakas ay nasa harapan na niya si Mayor, lumuhod siya at umiyak. Sabi ng ilan na niyakap pa niya ang hita ni Mayor. Saka sinabi ng lalaki: “Patawarin mo ako, Mayor. Iniwan ako ng asawa ko.”


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Why Change?

By: Jo Barredo

Gustong gamitin ng mga grupong nagtutulak para tumakbo si Mayor Duterte ang agaw-atensyon na katagang “Kalma lang, parating na ang pagbabago.” Pero bilang trivia, ito rin ang minsang ginamit noon laban kay Mayor Duterte sa isa sa mga halalan sa Lungsod ng Davao.

Palagay ko ito ay noong 2005 o 2006.* Nakalimutan ko ang eksaktong petsa. Nakakasabik ang lokal na halalan sa Lungsod ng Davao. Sa ikalawang pagkakataon, dalawang malaking pangalan ang tumakbo para labanan si Mayor Duterte. Sila ay sina Ben de Guzman (dating alkalde/bise-alkalde) at Boy Nograles (na “Noggie” ang tawag ng mga Dabawenyo).

Tulad ngayon, nagsimula nang kumalat ang propaganda laban kay Mayor Duterte. Ilan sa mga ito ay ang isyu tungkol sa DDS, at ang basura nang isyu ng overpricing.

Pero isang partikular na propaganda ang nakaagaw ng pansin sa mga Dabawenyo. Ang mga billboards sa lungsod ay napalitan ng mensahe ng “Pagbabagong kailangan natin, pagbabagong dapat nating gawin.” Ipinatalastas din ng mga local channels at istasyon ng radyo ang mensaheng ito. malinaw na maraming pera ang ginastos upang ihatid lang ang mensaheng ito.

Merong usap-usapan sa lungsod kung sino ang gumawa nito dahil walang pangalang nakakabit sa mensaheng iyon. Pero ang nangyari pagkatapos nito ay mas matindi para sa lahat ng sumusuporta kay Mayor Duterte.

Matapos ang dalawang linggo ng pag-ere ng “mensahe ng pagbabago”, dalawang billboard ang nakita. Isa ay nasa timog na bukana ng Downtown area, ang isa naman ay nasa hilaga. Naglalaman ang mga billboard ng mensahe, “Bakit kailangan pang magbago? Meron naman tayong magaling.” At muli, walang pangalan diyan pero naintindihan ng lahat kung ano ang ibig sabihin.

Pansinin na halos walang posters na makikita kay Mayor Duterte noong mga panahong iyon. At nang dumating ang araw ng halalan at inihayag ang mga nanalo, nanalo si Mayor Duterte sa pamamagitan ng landslide.


* Posible na ang tinutukoy niya ay ang 2007 elections.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Tourists in a Taxi

By: Jo Barredo

Bago kumalat ang balitang palihim na pagmamaneho ni Mayor Duterte ng taxi, isang kuwento ang nabanggit ng isang dayuhang turista maraming taon na ang nakalipas tungkol sa kanyang hindi-malilimutang pagsakay sa taxi sa Lungsod ng Davao.

Paalis na ang turista at ang kanyang kinakasama sa Lungsod ng Davao pagkatapos ng kanilang bakasyon. Itinakda nila ang flight sa gabi para kahit paano ay mawili sila sa katahimikan ng gabi sa Lungsod ng Davao sa huling pagkakataon.

Pinara nila ang isang taxi at ang isa na tumigil sa kanilang harapan ay minamaneho ng isang lalaki na nasa mga 50 taong gulang.

Nang magsimula ang biyahe, sinimulang tanungin ng taxi driver ang mga pasahero kung saan sila pupunta. Siyempre, sinabi ng magkasintahan na sila’y papunta sa paliparan. Saka magalang na tinanong ng drayber kung ano ang ginagawa nila sa Lungsod ng Davao.

Ikinuwento ng magsyota ang lahat ng kanilang naranasan nila sa lungsod at kung gaano sila kasaya sa buong panahon ng kanilang bakasyon.

Saka nagkomento ang turista na pinakagusto niya ang kaligtasan sa Lungsod ng Davao. Sinabi ng turista na ang kaligtasan ang nagbibigay-kawilihan sa kanilang mga aktibidad dahil hindi na nila kailangang mag-alala pa.

Maayos ang takbo ng biyahe at hindi napansin ng mga pasahero na nasa paliparan na sila. Nang magbabayad na sila, hindi na ito tinanggap ng drayber. Ang sinabi lang ng drayber, “Masaya ako at nasiyahan kayo sa pananatili sa Lungsod ng Davao.”

Nagtaka ang magkasintahan at iginiit ang bayad, pero mahigpit ang pagtanggi ng drayber na tanggapin ito. Sa wakas ay hindi nila ito itinuloy at nagpasalamat na lang sa drayber.

Matapos bumaba ang magkasintahan sa taxi, lumapit ang guwardiya ng paliparan sa kanila at sinabi, “Masuwerte kayo.”

Saka nagtanong sila, “Bakit?”

Tumugon ang guwardiya, “Ang drayber ng taxi na iyan ay Alkalde ng Lungsod ng Davao.”


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Overpass

By: Jo Barredo

Narinig ko ang kuwentong ito…sa isang local channel sa Lungsod ng Davao. Pero ibubuod ko ito para sa inyo.

Sa isa sa mga serye ng lingguhang talk show ni Mayor Duterte (na hindi pinalalampas ng aking pamilya) na “Gikan Sa Masa, Para Sa Masa,” nakatanggap ng reklamo si Duterte tungkol sa mga vendors na nakaharang sa bangketa sa ilalim ng overpass malapit sa Davao Medical Center (na kasalukuyang Southern Philippines Medical Center).

Nanggaling ang reklamo mula sa isang pedestrian na sinabing nahihirapan ang mga tao na gustong maglakad sa lugar na iyon dahil nakaharang ang mga vendors sa halos buong [ilalim ng overpass], at naiiwan ang maliit na puwang para makadaan.

Sinabi rin ng nagrereklamo na hindi sila umaalis sa daanan kahit na pinakikiusapan sila ng mga pulis.

Saka sinabi ni Duterte sa programa:

“Sa mga in-charge sa lugar na iyan, magpapadala tayo ng isang malaking kaldero, yung ginagamit sa pagluluto ng lugaw para sa feeding program.”

“Pakuluan ninyo ang tubig, saka dalhin sa ibabaw ng overpass.”

“Saka bilangin sila ng sampu. Sabihin sa mga vendors na pinasugo ko [ang aking mga tauhan] na buhusan ang mga vendors ng tubig.”

Isang araw matapos ang naturang programa, isang news follow-up ang ginawa. Wala nang vendors na nakaharang sa bangketa at silang lahat ay sumusunod na sa 1/3 – 2/3 rule ng lungsod sa mga itinakdang lugar sa mga kalye. Sa kabutihang palad, hindi na ginamit ang malaking kaldero.

PS: Ang 1/3 – 2/3 rule ay ipinatupad upang okupahan ng mga nagtitinda ang 1/3 na daanan para maipagpatuloy nila ang kanilang negosyo habang binibigyan ng sapat na puwang para makadaan ang mga tao.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Menor de Edad

By: Jo Barredo

Nabanggit ko noon na hindi ko pinalalampas ang isang serye ng “Gikan sa Masa, Para Sa Masa,” ang lingguhang palabas sa telebisyon ni Mayor Duterte para sa mga tao sa Lungsod ng Davao. At dahil dito, napansin ko ang isang problema na gustong lutasin ni Mayor pero hindi niya ito magawa dahil sa Pambansang Pamahalaan. Ang problemang ito ay ang dumadaming mga batang nasasadlak sa krimen hindi lang sa naturang lungsod kundi pati na rin sa buong Pilipinas. Ito ay dahil sa Juvenile Justice Code of the Philippines.

Madalas sabihin ni Mayor Duterte:

“Tuwing maglilibot ako tuwing gabi, nakikita ko ang mga kabataan na nagsisimula ng gulo.”

“Sila’y pinagsasabihan ko at sila’y aalis, pero alam ko na pag aalis ako, babalik sila.”

“Ganoon din ang problema sa mga pulis, hindi nila magagalaw ang mga iyan kasi bawal, child abuse daw iyon. At minsan nasasaktan ang mga pulis dahil ang mga batang gumagawa ng krimen ay nagdadala ng mga sandata.”

“At iyan ay dahil sa batas na iyan na inakda ni Pangilinan, ginagawang kriminal ang mga kabataan.”

“Hindi natin sila madisiplina nang maayos. Maari natin silang ipadala sa DSWD, pero matapos lang ang ilang oras, nakakalabas sila. Malinaw na hindi pinag-isipan nang maayos ang batas na iyan.”

“Kung ako masusunod, ibababa ko sa labindalawa, kung hindi man sa labintatlo, ang edad na puwedeng ikulong ang isang tao. Kung magkasala ang bababa sa gulang na iyan, dapat malaman kung alam ba niya ang ginagawa niya o hindi pa.”

“Masyado nang matanda ang 18 taong gulang. Labintatlong gulang man ay nanggagahasa na rin ngayon.”

Sa tuwing naririnig ko na binabanggit ni Duterte ang mga linyang ito nang paulit-ulit kung may naiulat na menor de edad na nasangkot sa krimen, natanto ko na tama siya. Dapat makatulong ang batas na iyan para madisiplina ang mga tao. Hindi ito inakda para hindi parusahan ang mga menor de edad kahit na nakagawa na sila ng karumal-dumal na krimen. At ito ang pinakadahilan ko kung bakit hindi ko iboboto si Pangilinan.


Translated by: TweetNewscaster