Duterte Serye: Ipakaon ang Papel!

By: Jo Barredo

Alam ng marami ang insidenteng ito nang pinakain ni Mayor Duterte ang manloloko ng isang papel. Ito ang isa sa mga insidente ni Mayor Duterte na nabandera sa balitang pambansa bago siya napabantog sa buong bansa.

…Nagsimula ito nang ipinagbili ng manloloko ang isang kapirasong lupa sa ilang “kliyente”. Inaangkin niya na may karapatan siya sa lupa dahil nakareserba ito bilang lupain ng kanilang ninuno (ancestral domain) para sa kanilang tribo.

Napakababa ng presyo ng lupa kaya marami ang nahikayat na magbayad para magkaroon ng kapiraso ng lupang iyon. Subalit, merong kaunting problema.

Ang lupa ay nasa Bangkal sa Lungsod ng Davao. Upang bigyan kayo ng ideya kung bakit ito ang problema, subukang isipin ang isang bakanteng lote sa isang urbanisadong lugar ng lungsod. Napakalayo nito sa mga barangay na itinuturing na lupain ng mga ninuno para sa iba’t ibang mga tribo ng Lumad. Sa madaling salita, hindi ito pag-aari ng mga Lumad at ang may-ari ng lupa ay may makatuwirang pag-aari sa lupaing iyan.

Dalawa ang pagkakamaling nagawa ng manloloko:

  1. Hindi niya sinuri nang mabuti kung meron bang may-ari ng lupang inaangkin niya.
  2. Ginawa niya ang naturang panloloko sa Lungsod ng Davao.

Naisampa na mga reklamo laban sa manloloko, pero iginiit niya na iyon na tama siya. Hanggang kinompronta siya ni Duterte.

Kung makakabasa ka ng balita tungkol dito, maaring alam mo ang tungkol sa manloloko at na sinasabing pinilit ni Mayor Duterte na kainin ng lalaki ang dokumentong ginagamit niya sa modus. Nagdulot ito ng gulo sa CHR.

Pero merong sariling bersiyon si Duterte ng kuwentong iyan (sa Gikan sa Masa, Para sa Masa):

“Bakit mo sila niloko?”

Galit na sinabi ni Mayor.

“Sinira mo ang reputasyon ng mga Lumad!”

“Bakit mo ginawa iyan?”

Saka sinubukan ng lalaki na sagutin ang tanong na iyan. Pero pinigil siya ni Mayor Duterte:

“Teka lang. Mabaho ang bibig mo. Heto ang bubblegum. Nguyain mo muna.”

At iyon ang eksena na kinunan ng mga camera. Kung papel o bubblegum man, ang manloloko at si Mayor Duterte lang ang nakakaalam. Kahit paano, nabigyan ng tubig ang manloloko matapos ang insidenteng iyon. Pero wala nang maniniwala sa kanya sa Lungsod ng Davao. Huli kong nabalitaan na naipakulong na siya.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Pasko sa Lungsod ng Davao

By: Jo Barredo

Merong tradisyon sa Lungsod ng Davao tuwing Pasko. At iyon ay bigyan ng kalinga ang mg Lumad na bababa mula sa kabundukang bahagi ng lungsod at hihingi ng “aginaldo” sa mga tao mula sa mga mababang lugar.

Ako ay 28 taong gulang ngayon at sa pagkakaalam ko, tuwing Pasko, nagbibigay ang aking pamilya ng anuman sa mga Lumad sa abot ng kanilang kakayahan. Naniniwala ako na ganito din ang ginagawa ng marami sa mga tao sa mga mababang lugar ng lungsod.

Noong isang taon, nagbigay ng espesipikong utos si Mayor Duterte:

“Kapag [gustong] pumunta ang mga Lumad sa mall, payagan ninyo.”

“Karapatan nila iyan. Huwag kalimutan na meron tayong ordinansa laban sa diskriminasyon.”

At palagay ko, ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit napakabukod-tangi ang Lungsod ng Davao at may totoong pagkakaisa anuman ang lahi, kultura, o pananampalataya.

Ang nagtulak sa akin para isulat ang seryeng ito ay ang lumabas sa lokal na balita noong isang linggo sa biometrics registration sa isang satellit site ng COMELEC dito sa Lungsod ng Davao. Sa balita, merong mga Lumad na nagpapa-update ng kanilang biometrics. Totoong bihirang mangyari ito kahit pa sa Lungsod ng Davao.

Nang tanungin sila ng media kung bakit sila nagparehistro, tumugon ang kanilang lider:

“Nagparehistro kami para kahit papaano, mapasaya namin si Mayor.”

Nararapat ding banggitin na naglakbay sila ng mahigit dalawang oras para makapunta sa satellite registration site. Ito’y isang oras ng pagsakay at isang oras ng paglalakad.

Nakakataba ng puso na gagamitin ng mga Lumad ang kanilang karapatang bumoto upang ipakita ang kanilang katapatan at suporta sa Alkalde ng Lungsod ng Davao.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Okay sa Davao

Via: DDS – Metro Manila Chapter

Isang kuwento kay Duterte.

Tinanong siya ni Boom: Okay ba talaga kayo diyan sa Davao? Ito ang tugon na kanyang natanggap. Mahaba ito para i-screenshot. Mas madaling i-copy paste. Hindi ko ilalagay ang pangalan dahil hindi ako humingi ng permiso pero ang aming mga kaibigan sa Facebook ang makapagpapatunay diyan. Tumagos talaga sa akin ito.

Isang Dabawenya sa Lungsod ng Davao at kay Rody:

“Bilang Dabawenyo, masasabi ko na oo, maganda ang kalidad ng buhay dito, pagdating sa kalapitan sa mga kaginhawaan sa kabayanan habang may diwa ng pagkakaisa. Best of both worlds, kumbaga. Nakatira na ako dati sa Maynila at Cebu…

Sinubukan kong gamitin nang ilang beses ang 911. Dumating ang rescue team nang wala pang sampung minuto. Astig eh. Pinatay nila ang ahas sa loob ng bahay namin, at naisalba ang aleng nakaladkad ng motor sa highway.

Nang maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo at alak, isa ako sa mga nabad-trip kasi nagyoyosi ako at mahilig lumabas. Hindi na puwedeng magyosi kahit saan namin gusto? Dapat sa mga itinakdang lugar lang puwedeng manigarilyo? Kailangan nang umorder nang sandamakmak bago pumatak ang alas-dos ng umaga? Bad trip. Nagreklamo na kami noon pa parang mga batang nilimitahan ang oras ng pag-DoTA. Habang tumatagal, naisip namin na hindi naman iyon gaanong kasama. Ayos lang rin naman pala. Nabawasan ang bisyo ko. Ayos! Eh kahit naman si Mayor Rody, mahilig lumbas at mag-videoke, pero hindi nagreklamo sa sarili niyang batas, eh.

Alam kong nasa Davao na ako kapag nagbabayad ako sa taxi, at sinusuklian ako nang sakto. May sukli kahit dalawang piso. Hindi uso ang palko dito. Naikuwento rin ng kapitbahay namin: Madaling araw umuwing naka-taxi. Nagtataka siya na bakit hindi pa rin umaalis ang taxi habang nag-aantay siyang pagbuksan ng gate sa bahay nila. Nagtanong siya kay manong drayber. Utos daw ni Mayor sa lahat ng taxi operators na huwag umalis hanggat hindi nakakapasok ng bahay ang mga pasahero nilang babae, lalo na’t nag-iisa at dis-oras ng gabi.

Totoo lahat ng kuwento. Malaya kaming naglalakad nang madaling araw na walang takot ma-holdap at gaguhin ng kung sino diyan. Hindi kailangang ipuwesto sa harap ang backpack na baka laslasin. Isa kasi sa mga ugali ni Mayor ang magmanman nang hindi nagpapahalata sa gabi hanggang madaling araw. Naka-jacket at baseball cap. Pawis na pawis, pucha, balot na balot eh. Naglalakad mag-isa sa lungsod. May nakabuntot na ilang tao lang. Nagbabantay. Sinisigurado ang seguridad ng mga tao. Nagmamaneho rin siya ng taxi, lalo na nung may pangyayaring may hinoldap at pinatay na drayber. Nag-aabang na matsiyambahan ang mga sira-ulo.

Galit na galit siya sa droga at rapist. Minsan, narinig ko syang magkuwento. Sa dami ng krimen, may isa siyang hindi malimutan. Sanggol na iilang buwan pa lang. Ginahasa. Wasak ang kalahating katawan. Sino ang hindi mapapamura? Sino ang hindi magagalit na ganyan ang nagagawa ng droga sa utak ng tao? Pakiramdam ko, minsan dinadaan na lang ni Mayor sa pagmumura lahat kesa naman umiyak sya. Di na kailangan sigurong paramihin ang ganitong insidente bago magdesisyon na linisin ang lungsod. Sapat na ito na dahilan. Ito lang ang kailangang dahilan. Wala nang maraming drama.

Ang dami pang ginagawa ni Mayor para sa mga tao na hindi ko pa sana malalaman kung hindi siya tumakbo  sa pagka-presidente. Hindi dahil sa diskonektado ako. Hindi kasi mahilig si Mayor magpa-media. Di nya trip ang magpasikat. Titindig balahibo niya. Kung hindi dahil sa rape joke, hindi ko malalaman na may Balay Dangupan pala kami dito na takbuhan ng mga babaeng biktima ng pisikal at sekswal na pang-aabuso. Hindi ko malalaman na nagpabihag siya para makawala ang mga inosente. Ayos lang sa kanya magpalaslas ng lalamunan para sa ibang tao? Ang kulit rin.

Hindi ko nga din alam na iyakin pala si Mayor, lalo na pag dinadalaw niya ang mga batang may cancer na ginawa niyang personal na proyektong tulungan. Oo, personal. Kasi kung ano ang hindi kayang gampanan na tulong pinansyal ng gobyerno, ginagawan niya ng paraan. Nilalakad niya para kumuha ng tulong galing sa pribadong sektor. Gumagalaw siya na tahimik lang. Kaya nga, kung lalabas man sya sa TV, puro pagmumura ang maririnig mo na mensahe niya sa mga salot, kase iyon lang ang ibino-broadcast nya.

Ang dami ko pang puwedeng sabihin. Nakakalula.

Mabuting tao si Digong. Handa siyang mamatay para sa Pilipinas. Ngayon lang ako nakaramdam na puwede pa palang mauso ang maalab at totoong pagmamahal sa bayan. Kaya siya inilalaban ng mga tao dahil alam namin kung anong klaseng tao sya.

Balik tayo sa tanong mong napakasimple.

Oo, dude. Maayos ang buhay dito sa Davao dahil kay Rody Duterte.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Power of Speech

By: Si Duterte ang Reseta Ko

Tinanong ako ng aking kaibigan kung bakit dapat maging Pangulo si Duterte. Narito ang aking sagot:

Maraming dahilan kung bakit siya nga, pero pinili ko siya kasi naniniwala ako sa talata na “kung mapagkakatiwalaan ka sa maliit na bagay, mapagkakatiwalaan ka rin sa malalaking bagay.” (Lucas 16:10) Ang mga maliliit na bagay ay pagbabawal sa paggamit ng paputok, pagbabawal sa paninigarilyo, paglilimita sa tulin ng mga sasakyan, Central 911, at paglaban sa krimen sa Davao. Ang mga malalaking bagay ay pambansang katiwalian, krimen, at kawalan ng disiplina.

Isang bagay na nagustuhan ko kay Duterte ay nagagamit niya ang [kapangyarihan ng] media nang lubos. Ang lingguhang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa telebisyon ay isang mabuting paraan ng pagdidisiplina sa mga tao at pagbibigay ng takot sa mga kriminal sa pagsasalita lang niya sa TV. Alam kong itutuloy niya ito sa buong bansa. Kailangang turuan at alalayan ang mga Pilipino. Sa kanyang katangi-tangi pero makapangyarihang mga talumpati, naiintindihan siya ng mga tao at nagbabago sila. Makapangyarihan ang pagsasalita at ginagamit niya ito upang matamo ang kanyang layunin.

Tingnan mo si P-Noy. Nakikita mo ba na nagsasalita siya sa taumbayan araw-araw o linggo-linggo para sumunod ang mga tao sa batas? Hindi. Sinayang niya ang maraming pagkakataon. Paano naman si GMA, Erap, Ramos, at Cory? Hindi nila ginagamit ang kanilang boses upang baguhin ang pag-iisip ng mga Pilipino. Nagawa na iyan ni Duterte sa Davao, kaya nakikinig at sumusunod sa kanya ang mga tao dahil binibigyan sila ng inspirasyon at itinatama sila. Nakatulong din kahit paano ang kanyang pagpapatawa! Kailangan ng mga Pilipino ang masalitang lider tulad niya, na para bang misyonaryo ng disiplina at pagmamahal sa bayan.

Isa pa, naniniwala pa rin ako na posible ang kapayaan sa mga kapatid nating Muslim. Tulad sa Dubai [o sa United Arab Emirates], lahat sila’y mga Muslim pero mapayapa at maunlad ang kanilang bayan. Sana ganito din ang Mindanao at ang pag-asa namin ay nasa taong ito kasi nakikinig sila sa kanya, dahil naiintindihan niyang mabuti [ang sitwasyon nila].


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Song Artist

By: Gail Blanco-Viduya

Nakatagpo ko si Mayor Duterte noong 2005, nang magkaroon ako ng pagkakataong irecord ang isang awitin para sa Mindanao na nilikha ni Sammy Asuncion. (Ginawa ko ang lahat para mahanap ang CD na iyon pero hindi ko na matandaan kung saan ko iyon inilagay at hindi ko rin matandaan ang pamagat ng awiting iyan. Malamang si Kuya Sammy o si Bayang ang makatulong sa akin dito. Hehe.) Nag-aalangan akong tanggapin ang pagkakataong iyon nang malaman ko na gusto akong pakantahin ni Mayor Duterte ng awiting iyon, live sa kanyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” dahil hindi pa ako nakakapunta sa Davao at talagang natatakot ako na pumunta doon dahil ang pagkaunawa ko sa Davao noon ay isang lugar ito kung saan maaring maglaban anumang oras ang mga rebelde at sundalo. Pasensiya kung nagmumukhang katawa-tawa pero ito ang naisip ko noon tungkol sa Davao.

Sa patuloy na pamimilit ni Bayang Barrios, bumigay din ako sa wakas. Maaga akong dumating noong umaga kung saan binati ako ni Ma’m Peng Aliño, isa sa mga pinagkatiwalaang tao/kaibigan sa media ni Mayor. Nakapaggala ako kahit paano sa Davao dahil nakatakda akong makipagkita kay Mayor sa gabi. Dinala ako ni Ma’m Png sa isang kainan na tanaw ang magandang Lungsod ng Davao (hindi ko matandaan kung ito ba ay Jack’s Ridge o may iba pa), NCCC Mall (na aking paborito kasi mura ang Guess doon, palaging sale. Hehe), Marco Polo, Davao City Hall, at iba pa.

Gabi na. Sinabihan ako na gusto akong makita ni Mayor Duterte sa kanyang paboritong tambayan, “After Dark”, isang maliit na KTV bar kung saan pinatutugtog ng isang pianista ang kanyang mga paboritong kanta at minsan kung nasa mood siya, kumakanta siya ng isa o dalawa. Ipinakilala ko ang aking sarili at ipinaliwanag na alam ko kung paano magsalita ng Bisaya dahil galing talaga ako sa Cebu. Marami siyang tinanong sa akin. Sinabi ko sa kanya na ito na ang una kong pagbisita sa Davao at nagustuhan ko ang pomelo at mangosteen. Saka niya tinanong sa akin kung alam ko ba ang awiting “Ikaw,” na kanyang paboritong kanta. Masuwerte na lang at inawit ko iyon, salamat sa maaga kong pagkababad sa mga lokal na patimpalak kung saan doon ko natutunan ang awiting iyon. gusto kong sabihin, taliwas sa kung paano nakikita ng tao si Mayor bilang “babaero daw”, o mahilig sa babae, talagang nagulat ako kung gaano siya maginoo [sa akin].

Kinabukasan, gumising ako nang maaga dahil ang kanyang programa ay pang-umaga. (Ang larawan sa ibabang kaliwa ay kinunan noong araw na umawit ako sa kanyang programa.) Nang matapos akong umawit, napakinggan ko siya na nagsalita sa buong panahon ng programa na siyang nagpahanga sa akin. Gumaganap siya bilang totoong ama na pinagsasabihan ang mga bata. Ginagamit niya ang kanyang programa sa telebisyon bilang kasangkapan para maihatid ang kanyang mensahe sa lahat.

Natanto ko na iba siya sa iba pang mga alkalde o pulitiko na aking nakatagpo. Bigla kong naintindihan ang kapayapaang nararamdaman ko paglabas ng eroplano gayong sobra akong takot na pumunta doon sa labas. Ang naramdaman kong takot ay napalitan ng kaligtasan. Alam kong ako’y nasa mabuting kamay. Matapos ang programa, nilapitan ko si Mayor at nagpasalamat sa kanya para sa pagkakataong makaawit sa kanyang programa at kasiyahang makatagpo siya sa personal.

Nakatakda ang aking paglipad papuntang Maynila sa gabi kaya sinabi niya na hindi na siya sasama sa akin kasi may kasal at burol pa siyang pupuntahan. Maya-maya ay inutusan niya si Ma’m Peng na samahan ako dahil marami pa akong bakanteng oras. Sa isip-isip ko, wow, close na kami ni Mayor. Masaya at kontento ako sa paghihintay kay Ma’m Peng na samahan ako kung saan pa niya ako dadalhin. Sa aking pagkagulat, inutusan pala siya ni Mayor na libutin ako ulit, sa pagkakataong ito, sakay sa chopper para makita ang buong Lungsod ng Davao. Wow! As in, wow! Iyan ang pagkakataon na maramdaman ko na espesyal ako [gayong] ordinaryong mang-aawit lang naman ako at nagsisikap na magkaroon ng pangalan para sa sarili ko. Parang ginawa niya ang kanyang makakaya upang ipakita sa akin kung gaano kaganda ang kanyang minamahal na Davao (at siyempre, mas maganda na ngayon.) Matapos ang nakakaaliw na pagsakay sa chopper kasama si Ma’m Peng, doon ko na napatunayan na maganda nga pala talaga ang Davao anupa’t sinabi ko sa sarili ko na parang gusto ko na ding tumira dito. Panahon na para bumalik ako sa Maynila. Hindi ko mapigilang magpasalamat kay Ma’m Png, Bong Go, at siyempre kay Mayor Duterte sa ipinakita nilang pagkamagiliw sa akin.

Noong 2007, naimbitahan akong kumanta ulit sa oath taking niya sa Davao. Iyan ang huling pagkakataon na nakita ko siya hanggang nitong Enero ng taong ito nang magsimula ang kanyang kampanya sa mga lalawigan. (Ang larawan sa kanan, pang-itaas na bahagi ay kinuha sa isang kampanya niya sa Cebu noong Enero 7, 2016.)

Para sa akin, si Mayor Duterte ay isang talentadong pulitiko sa diwa na nagawa niyang baguhin ang Davao upang maging isang mapayapang lungsod at makuha ang TIWALA AT RESPETO ng mga mamamayan nito.

Ang larawan sa ibabang kanan ay kinuha noong Mayo 7, 2016 (larawan sa kabutihang-loob ni Trixie Dauz) sa Miting de Avance ng Duterte Cayetano Team sa Luneta kung saan tinatayang 1.3 milyong mga tagasuporta ang nagtipon-tipon na nagbigay-daan sa pagiging makasaysayan ng kaganapang ito. sino ang mag-aakala na ang pinakasimpleng Alkalde mula sa Mindanao, kahit na may “masamang bibig” pero may mabuting kalooban, ang bumihag sa puso ng milyong Pilipino sa buong bansa?

Dati, naisip ko, paano kaya kung tumakbo si Mayor bilang Presidente? Noong Sabado ng gabi, hindi ako makapaniwala na ang aking mga inaasahan noon ay nasaksihan ng aking mga mata. Mas naging emosyonal ako sa panonood nang natanto ko na nakatayo ako sa entablado kasama ang tao na magiging susunod na Pangulo ng ating bansa.

Sa pagtatapos ng aking kuwento, gusto kong magpasalamat sa butihing Alkalde sa pagtugon sa tawag ng taumbayan na tumakbo siya sa kabila ng mga problema sa makinarya, batuhan ng putik, at mga maitim na propaganda na tiniis niya sa buong panahon ng kampanya.


Translated by: TweetNewscaster