Duterte Serye: Awit ng Davao

By: Jo Barredo

Ang seryeng ito ay iba sa lahat dahil hindi ito direktang nakatuon kay Mayor Duterte kundi sa kung ano ang Lungsod ng Davao. Lilinawin ko lang, ang pinakamagandang argumento na maari nating ibato laban sa mga naninira kay Duterte ay ang mga natamong karangalan ni Mayor Duterte at ng LGU ng Lungsod ng Davao upang [ilagay] ang Lungsod ng Davao sa kinatatayuan nito ngayon.

Nagdesisyon akong isulat ang artikulong ito nang marinig ko ang awiting iyan nong isang gabi sa isang local scouting encampment sa distrito ng paaralang pinaglilingkuran ko. Wala itong epekto sa akin noon pero ikinukuwento ng awiting ito kung anong klaseng lungsod ang Davao. At ipinakikita nito kung paano ito pinamahalaan [nang maayos] sa kabila ng pagiging isang lungsod na may halu-halong kultura. Nasasabik na akong sumulat tungkol dito, pero habang isinusulat ko ito, hindi ko mahanap ang angkop na mga salita upang sabihin kung ano ang aking nararamdaman. Mas mabuti ngayong magbanggit ng ilang linya at makinig dito:

“Halina’t sumama, tayo ay iisa
Tulad ng bahaghari, tayo ay pinag-isa
Sari-saring kulay, di nagkakahiwalay
Tungo sa maunlad at payapang buhay”

“Dito sa lupain ng sari-saring lahi
Sa pamumuhay tayo ay magkabahagi
At sa mga mata ng Dakilang Ama
Tayong lahat ay iisa…”

Siyanga pala, ang awiting ito ay maaring magsilbing buod ng lahat ng nilalaman ng Duterte Serye:


Translated by: TweetNewscaster

Duterte: Happy to be called Mayor

By: Monching Lumantas

Nagpatawag ng presscon si Duterte ng hapong ito sa Matina Enclaves sa Lungsod ng Davao. Ginulat niya ang mga nakikinig sa kanyang mga bagong patalastas:

“Magiging masaya ako kung tatawagin lang ninyo ako na Mayor. Ako ay isang lingkod-bayan lamang.”

Sa mga tiwaling tauhan ng pulis at militar: “Mag-resign o magretiro na. Ayaw kong ipabatid ang inyong pangalan sa publiko. Sa mga may kaso, lumayas kayo!”

“Dapat may curfew sa mga menor de edad. Hindi dapat arestuhin ng mga pulis ang menor de edad, sa halip ay arestuhin ang kanilang mga magulang.”

Sa susunod na Hepe ng PNP: “Tatlo ang pagpipilian: Apolinario, Dela Rosa at Aspera.”

“Makukuha ni Atty. Art Tugade ang DOTC. Magaling siya.”

“Huwag hihingi ng endorsement galing sa mga senador, kongresista, gobernador, o sa kahit sino.”

Kay Senator Alan Peter Cayetano:

“Maari niyang piliin na maging miyembro na lang ng Senado, kung saan igagalang ko ang kanyang pasya. Ikaw pa rin ang aking Pangalawang Pangulo.”

(Mga larawan sa kagandahang-loob ni Richard Reyes.)


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Pugoy Part 2 (Metrodiscom)

By: Jo Barredo

Kung hindi mo pa nababasa ang unang bahagi ng kuwentong ito, inirerekomenda ko na puntahan mo muna iyon bago basahin ito. Kung hindi, maaring hindi mo maintindihan kung ano ang nangyayari.

Ilang araw matapos ibalik ang mga hostage takers, kasama ang kanilang lider na si Felipe Pugoy, sa Davao Penal Colony (Dapecol) dahil sa pagsisikap ng Davao City Police at ni Mayor Duterte, sinubukan nila ulit na makatakas. Sa oras na ito, sinamantala nila ang pag-aaral ng Bibliya na ginanap para sa kanila upang makakuha ng bihag. Ito ang ikalawang bunga ng utos ni Pangulong Cory Aquino.

Ayon sa balita, nagsimula ang insidenteng ito nang nilinlang at nahigitan nila ang lakas ng mga guwardiya ng kulungan na nagbabantay sa kanila habang nag-aaral ng Bibliya. Saka sila nakapunta sa barracks at nakakuha ng mga armas. Sa madaling salita, mas mapanganib sila kaysa noong una nang sinubukan nilang kumuha ng mga bihag.

Nang malaman ito ni Mayor Duterte, sinubukan niyang makipagnegosasyon ulit. Pero ayaw nang sumuko ng mga preso. Ito ay maaring dahil nalinlang sila noon ni Mayor Duterte. Ang kailangan na ngayon ng mga kriminal ay ibigay ang kanilang hinihiling.

Nagtagal ang insidente nang tatlong araw… at sa panahong iyon napatay na ang mga bihag. Napuno na ang pasensya ni Mayor Duterte. Inutusan niya ang kanyang mga tauhan na sugurin at patayin ang mga hostage takers. Nakisali na rin mismo si Mayor Duterte sa pagsugod [sa kanila].

May barilan. Sinabi ni Mayor Duterte sa “Gikan sa Masa, Para sa Masa” na ito na lang ang maaring pagpilian. Papatayin na ng mga hostage takers ang mga natitirang bihag.

Nang matapos na ang barilan, naging malinaw na ang resulta. Dalawampu’t isa ang patay, kasama na rito ang labing-anim na preso at limang bihag. Ang mga limang bihag na pinatay ay sinasabing binaril ng mga nakakulong bago ang pagbihag, kasama na rito ang isang siyam na taong gulang na bata at ang dayuhang misyonaryo na nagsagawa ng pag-aaral sa Bibliya. Sampung bihag ang nasagip at ligtas. Pero, ito ay isa ding madugong katapusan.

PS:

Habang isinusulat ko ang seryeng ito, may natanto lang ako. Paano kung hindi pinigilan ni Pangulong Cory Aquino si Mayor Duterte sa kanyang unang plano na gamitin ang mga snipers upang patayin ang mga hostage takers sa unang insidente? Ganoon din kaya ang magiging resulta? Palagay ko hindi. Naniniwala ako na kung ginawa iyon ni Mayor Duterte sa simula pa lang, walang inosenteng buhay ang masasayang. Pero sa ngayon, hanggang “paano kung” na lang ito. Hindi na maibabalik pa kung ano ang nangyari noon.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Pugoy Part 1 (Dapecol)

By: Jo Barredo

…Nangyari ito noong 1989. Dalawang taong gulang pa lang ako kaya ang mga pangyayari na ikukuwento ko sa iyo ay base sa sinabi sa akin ng nanay ko at sa aking nasaliksik. Idinagdag ko rin ang impormasyon na ibinahagi mismo ni Mayor Duterte sa kanyang programang Gikan sa Masa, Para sa Masa noong isang buwan.

Sa totoo lamang, dalawa ang mahalagang insidente [na ang una ay sa Dapecol sa Panabo at ang ikalawa ay sa Metrodiscom sa Lungsod ng Davao]. Upang maging malinaw ang kuwentong ito, hahatiin ko ito sa dalawang bahagi.

Nagsimula ang kuwentong ito sa tangkang pagtakas sa Davao City Penal Colony (Dapecol) noong 1989. Sinimulan ng grupo ng mga preso, na pinamunuan ni Felipe Pugoy, ang isang riot upang makatakas sa kulungan. Nang sila’y pinigilang makatakas, saka sila kumuha ng kanilang mga bihag, pangunahin na ang mga bumibisita sa ibang nakakulong. Nagdemanda sila ng isang trak bilang kapalit ng pagpapalaya sa mga bihag.

Sa panahong ito, ipinaalam ng Davao City Police [ang naturang insidente] kay Mayor Duterte. Ang unang naisip niya ay gamitin ang mga snipers para patayin agad ang mga bumihag. Ang paniniwala niya, tatlong minuto lang ang kailangan para patayin sila at iligtas ang mga bihag. Pero hindi nangyari ang inaasahan.

Bago gawin ni Mayor Duterte ang kanyang plano, nakatanggap siya ng tawag mula sa Palasyo ng Malakanyang, ayon kay Duterte. Gusto ng dating Pangulong Cory Aquino na lutasin ito ni Mayor Duterte nang walang pagdanak ng dugo. Tandaang mabuti ang bahaging ito dahil dalawa ang resulta nito, na ikinukuwento sa atin ng media.

Kailangang baguhin ni Mayor Duterte ang kanyang plano. Kaya pinili niyang makipagnegosasayon. Nang nakausap na niya si Pugoy, nadama niya na nagsisimula nang mabaliw ang kriminal na ito. Nakita din ni Mayor Duterte na natatakot ang mga bihag. Kasama na dito ang isang apat na taong gulang na bata (na hindi ako sigurado sa gulang na iyon). Saka inalay ni Mayor Duterte ang sarili bilang kapalit [sa pagpapalaya] ng mga bihag. Ito ang unang malaking hakbang na isang tuwirang bunga ng utos ni [Pangulong Cory Aquino].

Nakalaya na ang mga bihag. Pero patuloy pa rin ang negosasyon. Saka nakumbinsi ni Mayor Duterte ang grupo ni Pugoy na iwan ang kulungan at pumunta sa city hall para hintayin ang kanilang hiling.

Ang hindi alam ng mga bumihag, mayroon nang grupo si Mayor Duterte na naghihintay sa City Hall. At nang makapasok sila, nadaig sila ng lakas at saka pinosasan ng mga pulis.

Tagumpay ang bahagi ng kuwentong ito. Naibalik na ang mga bumihag sa kulungan at nailigtas ang mga binihag. Pero sa kasamaang palad, merong nangyari pagkaraan ng ilang araw.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Ben Tambling

By: Jo Barredo

Sa seryeng ito, babalik tayo sa 1998 at 2002. Maaring alam ito ng ilan, pero hindi talaga naglingkod si Mayor Duterte sa loob ng 22 taon nang tuluy-tuloy bilang Alkalde ng Lungsod ng Davao. Naniniwala akong alam ng lahat na naging Vice Mayor siya sa kanyang anak [na si Inday Sara] noong 2009. Pero nagsilbi din siya bilang kongresista sa unang distrito ng Lungsod ng Davao noong 1998.

…Sa ngayon, ituon natin [dito] kung bakit pinagsilbihan nang matagal na panahon ni Mayor Duterte ang Lungsod ng Davao.

Noong 1998, matapos ang kanyang ikatlong termino, nagdesisyon si Duterte na magretiro sa pulitika. Iyon ang dahilan kung bakit naging isang sorpresa ang pagtakbo niya bilang kongresista noon. Ipinasa niya ang sulo ng pamumuno sa Lungsod ng Davao sa kanyang Bise Alkalde na si Ben de Guzman.

Nangampanya si Mayor Duterte para kay De Guzman. At naging mahirap ang labanan sa halalan nang nakuha ng karibal nila na partido ni Nograles ang momentum dahil hindi nila kalaban si Duterte sa pulitika noong mga panahong iyon.

Pero sa tulong ni Mayor Duterte, nanalo si De Guzman. At iyon ang naging simula ng kuwento ni Ben Tambling (tulad ng taguri sa kanya ngayon ng mga Dabawenyo).

Ibinigay ni Mayor Duterte ang kanyang buong tiwala kay De Guzman. Inaasahan din ng lahat ng mga taga-Davao na itutuloy niya kung ano ang nasimulan ni Mayor dahil nailagay na ang Davao sa isa sa mga pinakamainam na lugar na tirhan sa Asya (livable place in Asia) noong mga panahong iyon. Saka lumabas na nagkamali kaming lahat ng akala kay De Guzman.

Matapos maupo nang ilang buwan, tuluyang nahinto ang anumang sinimulan ni Mayor Duterte. Nagsimulang gumala ulit ang mga kriminal sa lungsod. Meron ding katiwalian sa mga multong empleyado (ghost employees). At ang pinakamalaking dagok sa ekonomiya ng Lungsod ng Davao ay ang utang nito upang pondohan ang Artica Sports Complex sa Buhangin, Lungsod ng Davao.

Naiwala ng Davao ang ranking nito bilang isa sa mga pinakamainam na tirhang lungsod noong 1999, isang taon matapos umalis sa puwesto si Mayor Duterte. At nagkasira-sira na ang lahat.

Noong 2002, nagsawa na ang mga tao sa Lungsod ng Davao sa kung ano ang nangyayari sa paligid at nagsimulang kalampagin si Mayor na tumakbo ulit bilang Alkalde. Tumakbo nga siya at dito nagalit si De Guzman.

Ginamit ni De Guzman ang lahat ng meron siya upang manalo sa halalang iyon.

Dumating ang araw ng eleksyon, at halata na ang pamimili ng boto. Pero binoto pa rin ng mga tao sa Lungsod ng Davao si Mayor Duterte kahit na hindi siya gumastos ng anumang pondo para mamili ng boto. Abot-abot na ang tagumpay. May ilang kuwento na nagwala si De Guzman sa kanyang mansyon matapos ihayag ang resulta, na tinatapon ang anumang bagay na mahawakan niya.

Nang bumalik si Duterte bilang alkalde noong taon ding iyon, saka lamang nabatid ng mga tao sa Lungsod ng Davao kung ano ang nangyari. Baon ngayon sa utang ang lungsod dahil sa pangungutang sa bangko. Ang mas malala pa, hindi na magagamit ang sports complex dahil nakatayo ito sa tabi ng bangin na may active fault line na tumatagos sa ilalim nito. Hindi pa kasama dito [ang ulat na] lahat ng mga materyales na ginamit ay walang kalidad (substandard).

Ang pagbalik ni Mayor Duterte ay nangangahulugang kailangang magsimula ulit sa wala. Iyon ang dahilan kung bakit hindi tamang sabihin na inabot siya ng 22 taon para paunlarin ang Lungsod ng Davao sa kinalalagyan nito ngayon. Sinimulan niya ulit ang trabaho noon pang 2002.

Magmula noon, kontento na ang mga tao sa Lungsod ng Davao. Duda na kami sa paglalagay ng isa pang apelyido bilang pinuno ng lungsod. Iyon ang dahilan kung bakit hindi lang basta political dynasty ang mga Duterte. Ang mga tao sa Lungsod ng Davao ang naglagay sa kanila [sa mga posisyong iyan]. Hindi kami basta-basta nagtitiwala sa kahit sino. Ang tatlong taon na walang isang Duterte bilang lider ay sobra nang paghihirap para sa amin. Tatlong taon ng katiwalian na nagpahirap sa buong lungsod. Siguradong natuto na kami at hindi na namin iyon uulitin. Iyon din ang iniisip ni Mayor Duterte nang hilingin niya sa lahat na suportahan si Inday Sara noong 2009.


Translated by: TweetNewscaster


Featured Image Credit: Ben De Guzman

Duterte Serye: Extrajudicial Killings

By: Jo Barredo

Susubukan kong sagutin ang isyu ng tinatawag na extrajudicial killings sa Lungsod ng Davao. Ito ay isang alamat na ikinalat at naging sikat anupa’t naniniwala maging ang CHR (na mukhang inutil sa pagsasagawa ng imbestigasyon) ay naniniwala na totoo ito. Narito ang mga punto kung bakit ko nasabi ito:

  1. Ang Davao Death Squad ay itinatag ng mga Alsa Masa noon pang dekada 80 upang labanan ang Sparrow Unit ng NPA sa Lungsod ng Davao. Pansinin na hindi pa alkalde noong mga panahong iyon si Duterte.
  2. Nang maging alkalde si Duterte noong 1988, ang unang hakbang na ginawa niya ay palakasin ang puwersa ng pulisya upang maging sandata laban sa mga armadong kaguluhan sa pagitan ng DDS at Sparrow Unit. At dahil ang DCPO (Davao City Police Office) ay mas handa na ngayon at inaalagaan na nito ang mga mamamayan, nawala ang layunin ng Sparrow Unit na magsagawa ng pagpaslang sa mga pinaghihinalaang kriminal. At dahil hindi na gumagana ang Sparrow Unit, ang tinatawag na DDS ay hindi na rin kailangan.
  3. Kapag sinabi ko na magaganda ang mga gamit ng DCPO, ibig sabihin nito ay [mayroon silang] mas magagandang baril, mas magandang sistema ng komunikasyon, mas magandang transportasyon, [at] mas magandang suweldo. At dahil naibibigay nang maayos ang kanilang ga pangangailanga, ang mga tauhan ng DCPO ay hindi basta-basta natutukso sa suhol.
  4. Ngayon, tungkol naman sa tinatawag na bersiyon ni Duterte ng DDS, wala ang grupong ito. Hindi na kailangan ang mga vigilante kung sapat ang puwersa ng pulisya upang pigilin ang karamihan sa mga krimen.
  5. Hindi isang kathang-isip lang ang mga kriminal na namamatay sa lungsod. Pero gusto kong bigyang-diin na legal ang paraan ng kanilang pagkamatay. Gaya ng sinabi ni Duterte, kapag gumawa ka ng krimen sa lungsod at aarestuhin ka ng pulis, mas makakabuti sa taumbayan kung manlalaban ka. Ito ang magbibigay ng dahilan sa mga pulis na lumaban din at patayin ka. Ang mga utos ni Duterte ay hindi patayin ang sinuman na nakaluhod o nakatali.
  6. Sa pag-unlad ng command center ng lungsod (kasama na ang mga CCTV sa lungsod), mas nagiging mabilis na para sa mga pulis na hulihin ang sinumang gagawa ng krimen. At sa mabilis na pagresponde ng DCPO (na wala pang 15 minuto), naaaresto ang mga kriminal na nagtulak sa kanila na manlaban at saka dito ipinatutupad ang utos na shoot to kill.
  7. Sa paggiit ng CHR na kasama ang mga menor de edad sa mga napapatay, kung gagawa ka ng sarili mong imbestigasyon, malalaman mo na ang mga menor de edad na ito ay hindi napatay ng mga alagad ng batas kundi ng kapwa menor de edad. Ito ang natitirang problema ng DCPO na hindi nila magawang lutasin dahil nakatali ang kanilang kamay. Bakit? Tingnan ang Juvenile Justice and Protection Law ng dating (walang-kuwentang) Senador Pangilinan na nagpoprotekta sa mga menor na ito [na gumawa ng krimen]. Maging ang mga pulis ay hindi pinapayagan na galawin sila. Paano kaya nila mapipigilan ang mga menor de edad na ito kung ganoon ang kaso? Iyan din ang dahilan kung bakit sinabi ni Duterte na dapat ibasura agad ang batas na ito.

Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Jollibee Bolton

By: Jo Barredo

Ito ay tungkol sa aking personal na karanasan kasama si Mayor Duterte. At ito ang aking ikalawang pagkakataong  makita siya nang malapitan. Espesyal ito dahil (mukhang) nakakausap ko siya.

Nasa kolehiyo ako noon, ikatlong taon na at nag-aaral sa UP Mindanao campus. At bilang estudyante ng UP, masuwerte ako na magkaroon ng walong oras na tulog sa gabi lalo na tuwing “linggo ng impiyerno” (examination week). Nangyari ang kuwentong ito matapos tapusin ko at ng aking mga ka-blockmates sa pag-dissect ng kuwento gamit ang Sigmund Freud’s Psychoanalytic Theory.

Matapos ang mahabang oras ng pagtatrabaho, nagpasya kaming maghanap ng makakain. Ala-una na ng madaling-araw. Nasa Mintal kami, at hindi kilala ang lugar na iyon sa pagkakaroon ng mga negosyo na bukas 24 oras. Kaya nagdesisyon kaming lima na pumunta sa Downtown para maghanap ng pagkain.

…Bumaba kami sa Quirino Avenue mula sa sinasakyan naming jeep. At ang Jollibee sa Bolton branch lamang ang alam namin na lugar kung saan siguradong may makakain. Ang naturang fast food branch ay limang bloke lamang ang layo sa amin. Inabot kami ng 30 minuto para makapunta doon. At nang makarating kami sa lugar na iyon, agad kaming umorder ng aming pagkain.

Matapos ang labinlimang minuto o higit pa, napansin ko na dalawa sa aking mga ka-blockmates na malapit sa pintuan noong mga panahong iyon ay hindi napigilang tumingin sa labas. nang tanungin ko sila kung ano ang nangyari, sinabi nila na nasa labas si Mayor Duterte. Alas-dos na ng umaga noon. Nang lumingon ako, nakita ko si Mayor na papunta sa store at dumiresto sa counter. Nag-order siya ng isang hot chocolate. Saka siya umupo sa isang mesa sa tabi namin.

Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin at inabot kami ng limang minuto bago namin siya nabati ng magandang umaga. Saka siya tumingin sa amin at nagtanong:

“Umaga na. Saang lugar kayo nag-gimik?”

Isa sa amin ang sumagot, “Hindi kami gumimik, Mayor. Galing kami [doon] para gumawa ng aming project.”

Saka ngumiti ang Mayor at malumanay na tumugon:

“Mabuti at hindi kayo umiinom. Mag-aral kayo nang mabuti.”

Tinanong namin ang mga store attendants kung suki si Mayor dito at sinagot nila na laging pumupunta siya sa branch na ito dalawa o tatlong beses sa isang linggo nang mga alas-dos o alas-tres ng madaling araw. Sinabi nila na ito ang lugar kung saan kumakain o umiinom lagi si Mayor pagkatapos niyang magmasid sa lungsod at bago umuwi.

Hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Ito ang unang pagkakataon na wala akong masabing anuman sa kabila ng pagiging pinaka-masalitang tao sa aming grupo. Ang karisma lang ni Duterte ang nagpanganga sa akin at nakakalula ang kanyang aura. Iyan ang pakiramdam ng pagkakaroon ng isang lider na mas matindi ang malasakit sa kanyang mga kababayan kaysa sa kanyang sarili.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Firecracker Ban

By: Jo Barredo

Naniniwala akong alam ng lahat na ipinatutupad ng Lungsod ng Davao ang pagbabawal sa pagpapaputok tuwing Pasko, Bagong Taon, at kahit pa sa Bagong Taon ng mga Intsik. Kasama sa naturang pagbabawal ang lahat, kahit pa ang mga maliliit na paputok (watusi) na mabibili sa 15 piso bawat kahon o maging boga. Alam din ng marami ang katotohanan na magmula nang ipatupad ang pagbabawal sa pagpapaputok, naitala ng Lungsod ng Davao na walang insidente ng pinsala o pagkasawi dito. Pero ang hindi alam ng marami, merong taon na halos naiwala ng Lungsod ng Davao ang zero casualty record.

Narinig ko ang istoryang ito mula sa aking kaibigan na personal na nakasaksi nito. Siya ay isang intern nurse noong mga panahong iyon sa Davao Medical Center (ngayo’y SPMC). Kahit na ipinatutupad ang firecracker ban, naka-high alert pa rin ang mga ospital sa Lungsod ng Davao tuwing Pasko at Bagong taon upang pagsilbihan ang mga pasyente na maaring manggaling sa mga katabing lungsod tulad ng Panabo at Samal. Ito ay dahil sa katotohanang pinakabago ang mga pasilidad ng ospital ng Davao sa buong Mindanao. Para mapanatiling malinis ang zero casualty record, lahat ng mga nabiktima ng paputok ay tinatanong kung saan sila galing at saan sila naputukan para alamin ang kumpletong record.

Gayunman, noong bisperas ng Bagong Taon, ginulat ng isang tao ang isang staff ng SPMC. Nang tanungin kung saan siya galing, sinabi niya na siya mismo ay taga-Lungsod ng Davao. Sinabi niya rin na naputukan siya sa loob ng lungsod. Hindi niya ibinigay ang pangalan at anumang detalye kung saan talaga siya nakatira. Mabuti na lang at nagtamo lang siya ng kaunting pasa mula sa paputok na kanyang nilalaro.

Nang hiniling ng doktor sa attending nurse na ikalap nang mabuti ang mga records para maayos na makuha ang impormasyon mula sa pasyente, pabirong sinabi ng doktor:

“Patay ka kapag nalaman ni Digong iyan. Sinira mo ang [mabuting] record ng Lungsod ng Davao.”

Ayon sa aking kaibigan na nakadinig ng pag-uusap na iyan, namutla ang mukha ng lalaking iyon. para bang umalis ang buhay sa kanya. Ang ginawa lang ng lalaki ay magbigay ng isang mahinang ngiti.

Matapos bigyan ng paunang lunas at bago bigyan ng huling lunas, humingi ng permiso ang lalaki kung makakapunta siya sa comfort room. Pinayaga siya ng doktor. Pero hindi na siya bumalik.

Nang iutos ng doktor ang mga nars na hanapin ang taong iyon, hindi na siya mahanap sa ospital. Hindi nakuha sa kanya ang kompletong impormasyon kaya naitala ito bilang si John Doe na walang tirahan.

PS: Maaring isipin ng ilan na ang Pasko at Bagong Taon sa Lungsod ng Davao ay isang karaniwang gabi lang dahil sa pagbabawal sa pagpapaputok. Pero mula nang maipatupad ito, nagbigay-daan ito sa maraming street parties at sa kilala nang “Torotot Festival.” Sa madaling salita, binigyan nito ng pagkakataon [ang lahat] na magsaya pa nang hindi natatakot na mawalan ng daliri dahil dito.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Inday Sara

By: Jo Barredo

Ito ang pinakasikat na bahagi ng kuwento. Sa katunayan ito ay nakatuon kay Mayor Inday Sara Duterte.

Noon ay umaga matapos ang baha at si Inday Sara ay kasama ni Digong sa NHA Bangkal, Lungsod ng Davao upang tulungan ang mga biktima ng bagyo. Maya-maya may ibinigay na ulat sa kanila na magsisimula na ang demolisyon ng mga informal settlers sa Barangay Agdao.

Bilang Alkalde noong mga panahong iyon, hiniling ni Inday Sara sa tanggapan ng sheriff na itigil pansamantala ang demolisyon sa loob ng isang oras, o hanggang sa makapunta siya sa lugar na iyan upang tumulong sa pagpapatahimik ng mga tao. Sanay na ang mga Dabawenyo na sa tuwing may demolisyon, kusang nagsisialisan ang mga informal settlers sa mga itinakdang lugar ng LGU. Walang karahasang nagaganap.

Ang hindi alam ni Inday Sara at ni Digong, hindi pinagbigyan ng sheriff ang kanilang hiling. Natuloy pa rin ang demolisyon.

Nagbarikada ang mga residente sa lugar at nilabanan ang demolition team. Nagliparan ang mga bato. Nanlaban ang demolition team at marami ang nasugatan. Matindi ang kaguluhan doon. (Sa pagkakaalam ko,) ito na ang unang pagkakataon na mangyayari ito sa Lungsod ng Davao.

Nang dumating si Inday Sara sa lugar, nakita niya ang kaguluhan at napasugod sa kalagitnaan ng away. Dala-dala ang megaphone, sumigaw siya:

“Magsitigil ang lahat!”

At hindi kapani-paniwalang itinigil ng magkabilang panig ang away. Ibinaba ni Inday Sara ang megaphone at lumapit sa mga residente. Muli, sumigaw siya,

“Magsiupo kayong lahat!”

Walang pag-aalinlangang sumunod ang mga residente. Ang sumunod na nangyari ay alam ng maraming tao. Sumigaw sa huling pagkakataon si Inday Sara:

“Nasaan ang sheriff?”

Nang lumapit sa kanya ang sheriff, humingi siya ng demolition order. At saka sinunggaban niya ang sheriff sa kuwelyo at naglabas ng tatlong matinding suntok sa mukha.

Pinalabas ng mga pambansang media na sumigaw si Mayor nang walang dahilan at tinawag ng maraming tao sa labas ng Lungsod ng Davao si Inday Sara bilang isang malupit [na pinuno]. Inakala ng lahat na namuhay sa takot ang mga tao sa Lungsod ng Davao dahil sa naturang insidente.

Pero para sa mga tao sa Lungsod ng Davao, nakita namin ang isang lider na mas inuuna ang kapakanan ng mga tao.

Saka lang namin nalaman na si Inday Sara (bilang isang abugado) ay nagalit nang nabasa niya ang dokumentong ibinigay ng sheriff. Ito ay isang “Notice of Demolition,” na sinasabing may labinlima hanggang tatlumpung araw ang mga tao para umalis sa lugar na iyon. Hindi ito isang “Order of Demolition.”

Malungkot ang araw na iyon, lalo’t dahil nababasa at naririnig ng mga Dabawenyo ang mga negatibong komento mula sa labas ng lungsod. Pakiramdam namin ay wala kaming magawa kasi hindi namin naipagtanggol nang maayos si Inday Sara. Hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi nakakaalam ng buong kuwento.

PS: Ako ang isa sa mga nakasaksi sa insidenteng iyon. Kakagaling ko lang sa trabaho at ang aking boarding house ay malapit lang sa kalye kung saan nangyari ang demolisyon.


Translated by: TweetNewscaster