Love Advice No. 66

Sa pagkakataong ito, matapos nating bigyan ng payo ang e-mail sender tungkol sa kanyang problema, humingi ulit siya ng payo sa may-akda at nilinaw niya ang ilang pangyayari sa kanilang relasyon. Sige, simulan na natin siyang bigyan ng payo!


From e-mail:

Good day po. Follow-up ko lang po. Nalaman ko lang ngayon na yung boy niya na pinalit sa akin ay may asawa na at may tatlong anak, at kasal sila. Halos kalahati pa ng edad nila.

At yung showy po na tinutukoy ko po, yung minu-minuto po. Lagi naman po kaming nagde-date. Araw-araw, kasama ko siya. Hatid-sundo ko pa po lagi siya. Nang naaksidente ko ang motor, sa bahay na nila ako nakatira. Tapos, nang time na iyon, doon niya po ako pinagloloko, kasi hindi ko na po siya maihatid at maisundo.

Naaawa po ako sa kanya, kasi ginagawa lang siyang parausan ng lalaki. Dinadala siya sa mga matatamis na salita at pambobola ng lalaki. Tinanggap ko po siya ulit, kasi ayaw kong mapunta siya doon. Kaso po, ako lang naman po ang nag-eeffort. Ramdam ko na parang mahal niya pa yung lalaki. Natatakot ako, kasi baka makipagkita na naman siya doon.

Ano po ang gagawin ko? Nababaliw ako sa kaiisip. Pero sabi naman niya, ako daw ang mahal na mahal niya, kaso di naman niya pinapakita. Di naman siya gumagawa ng paraan para bumalik ang tiwala ko sa kanya. Tapos, ganoon pa rin ang ugali niya. Parang wala siyang ginawang pagkakamali. Natatakot akong pakawalan siya, kasi alam kong makikipagkita na naman siya sa lalaki. Pati magulang niya, di niya po sinusunod.

Ano po ang gagawin ko? Ayaw kong mapunta siya doon. Gusto kong mapunta naman siya sa iba – yung karapat-dapat sa kanya, yung walang asawa.

Ano po ang gagawin ko? Salamat po and God bless.

My Advice:

Humingi ka ng tulong sa mga magulang niya, kamag-anak niya, at pati na sa asawa ng lalaking iyan (kung maari).

Bakit ko ito nasabi? Kung mag-isa ka sa labang ito, mahihirapan ka na kumbinsihin siyang balikan ka. Pero kung nasa panig mo na silang lahat, siguradong titiklop ang babaeng iyan. At mukhang titiklop siya papunta sa iyo dahil na rin sa ugali niya.

Hold on

May sinabi ka dati sa akin: “Dumating ang time na may nakilala siyang iba. Sa maikling panahon at na-in love na daw siya.”

Magkakatuluyan na ba ang dalawa? Base sa sabi mo, malapit na. Pero meron kang panghahawakan.

Unang-una, tunay ang pag-ibig mo sa kanya. Kahit na nakagawa ka ng kalokohan, nagpakumbaba ka at humingi ng tawad. Nakikita ko din na talagang mahal mo siya. Kahit na kung tutuusin eh puwede mo na siyang pakawalan (kasi masaya na siya sa piling ng iba), sinisikap mo pa rin na mapabuti ang buhay niya. Gagawin mo ang lahat para mapasaiyo siya, gaya ng sinabi mo na “tinanggap ko po siya ulit.” Ayaw mo siyang mapunta sa iba na sa bandang huli ay sasaktan at paiiyakin lang siya.

Isa pa, hindi posible na magkaroon ng tunay na pag-ibig agad-agad. Bukod kasi sa patunay na anim na taon na kayong nagsasama noon, na tingin ko eh pahirapan ka makuha lang siya (kung ganoon), hindi talaga tunay ang pag-ibig ng lalaking iyan sa ex mo. Hilaw pa ang kanilang puso para sa isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Sa madaling salita, nilalaro lang niya ang katawan, pagkatao, at damdamin ng ex mo.

Ibig sabihin lang nito, hindi tunay ang pag-ibig nila sa isa’t isa, gaya ng ipinagyayabang ng ex mo.

Give an example

Lalayo muna tayo nang kaunti, dahil may naalala ako. Halos relate ang sitwasyon mo sa sitwasyon ng isang taong kilala namin.

Nagsasama ang dalawa. Pareho silang may mga anak sa kani-kanilang mga asawa. Pero sige, tuloy pa rin ang kanilang relasyon. Ang palagay namin, walang ginawang hakbang ang kani-kanilang mga asawa. Pati nga sa ilang mga taong kilala nila, na alam na sila na ngang dalawa, ay walang magawa para pigilan ang ganitong relasyon. (Kung hindi magreklamo ang isang naagrabyadong asawa, palagay ko eh hindi sila kikilos.)

Hindi namin alam kung gaano na katagal silang nagsasama. Naging maganda ang samahan nilang dalawa hanggang sa nag-iba ng ugali ang babae. Naging bungangera siya, at dahil dito eh napikon ang lalaki at bigla-bigla na lang naglaho ang pag-ibig sa kanya. Nang mawala ang feelings, naghanap na siya ng ibang babae.

Lesson learned: Kung tunay ang pag-ibig nila sa isa’t isa, dapat mag-isip-isip ang babae kung pagsasalitaan nang ganoon-ganoon na lang ang kinakasama niya, lalo pa’t nasa mataas na katungkulan ang lalaki. At kung tunay ang pag-ibig sa isa’t isa, dapat sa ganoong katinding problema (na hindi naman ganoong kalala), dapat nagsikap ang lalaki na sawayin ang babae at ipaintindi sa kanya na iyon ay hindi wastong asal, sa halip na basta-basta iwanan ang babae.

Sa kasalukuyan, naghihirap na ang babae, samantalang business as usual pa rin sa side ng lalaki. Sa pagkakaalam namin, sa ngayon, hindi pa rin sila nakikipagbalikan sa kani-kanilang mga asawa.

Kinukuwento ko lang ang bagay na ito para makita mo rin kung ano ang puwedeng mangyari kapag nagkatuluyan na ang dalawa, lalo’t halos magkatulad ang experience nila sa experience mo.

Iresponsableng pag-uugali

Sa kasong ito, ipinapakita niya na wala siyang isang salita. Sabi niya na mahal ka daw niya, pero iba ang ipinakitang ugali sa iyo.

Kung ganito ang ugali niya, sabihin mo sa kanya na panindigan niya ang kanyang sinabi. Kasi dapat lang na panindigan niya ang binigay niyang mga kondisyon sa iyo, lalo pa’t kung susundin mo iyon. Kung handa ka na tuparin mo ang kondisyon niya, dapat niyang panindigan ang sinabi niya sa iyo. Kung pupuwede lang sana, pilitin mo na tuparin niya iyon.

Convince her always

Ang first step na gawin mo ay kumbinsihin siya na bumalik sa iyo. Maaring mahirap ito para sa iyo, pero ilalahad ko ang mga bagay para mapaniwala siya sa iyo. Bahala ka na kung meron kang gustong idagdag sa mga nabanggit. Sabihin mo sa kanya ang mga ito:

  1. Inaamin ko na nagkamali nga ako sa iyo. Inaamin ko na nagkulang ako sa iyo, pero wag ka naman sanang magtampo. Sana maintindihan mo rin na hindi sa lahat ng oras eh ihahatid at susunduin kita araw-araw dahil (sabihin mo sa kanya ang mga dahilan).
  2. Hindi komo nakita mo na ang lalaking iyan, eh maiinlove ka na doon agad-agad. Walang ganoon. Nahuhumaling lang siya sa iyo. Bakit? Binobola ka ng lalaking iyan, para gawin kang parausan.
  3. Please lang, makinig ka naman, kahit hindi sa akin, kundi sa mga magulang mo. Kahit na alam namin na may sarili ka nang pag-iisip, dapat mong malaman na sila pa rin ang magulang mo. Alam naman nila kung ano ang makakabuti para sa iyo.
  4. Mag-isip-isip ka nga. Maaring may puso ka nga para sa kanya, pero gamitin mo din ang utak mo kahit paminsan-minsan. Isipin mo rin na kung sige-sige ka pa rin sa relasyong iyan. Paano ang mga bata? Paano ang asawa niya? Masasaktan sila, hindi ba? Naiisip mo ba kung gaano katindi ang galit na maari nilang ibigay hindi lang sa kanilang ama, kundi mas lalo na sa iyo?
  5. Muli, ginagawa kang parausan ng lalaking iyan. Sige nga, isipin mo rin kung merong nangyari sa iyo. Sino ang nasisira? Pamilya niya, hindi ba? Ang mas malala pa, nasisira pati na rin ang sarili mo. Bakit? Binigay mo ang sarili mo sa isang lalaki na hindi ka naman talaga mahal. Kung ganoon ang ginawa mo, lalo pa’t hindi pa kayo kasal, magsisisi ka. At ano’ng mangyayari sa lalaking iyan? Gagalawin ka ulit niya, hindi dahil sa pag-ibig niya sa iyo, kundi sa pagnanasa niya sa iyo.
  6. At hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo? Magtira ka naman ng kaunting dignidad. Magtira ka ng kahit kaunting kahihiyan sa sarili mo. Isipin mo rin na marami silang mga kakilala. Isipin mo rin na pagchichismisan at pagchichismisan ka rin ng kahit sino. Ano ang gusto mong pakilala sa maraming tao – na ikaw ay isang malandi, at na sumisira sa pamilya niya?
  7. Mapapahiya din pati ang mga magulang mo. Iyan din sana ang naisip mo bago ka pumasok sa desisyon na iyan.

Nais ko lang ding idagdag na kumbinsihin mo siya sa pagbanggit mo sa mga katangian mo na wala sa kanya. Ano ba ang katangian mo? Wala kang asawa, mabait, masipag, matulungin, may matinding respeto sa mga babae. Ikaw ang makakasagot niyan.

Gawin din ito lagi-lagi, lalo pa’t madali tayong makalimot sa mga pangaral sa atin ng kapwa. Sa ganitong paraan unti-unting matatanto ng ex mo na matindi ang mali na kanyang ginawa. Sa ganitong paraan mauuntog siya sa katotohanan. At kung sakali, baka magpasalamat siya sa iyo dahil niligtas mo siya sa matinding kapahamakan na maari niyang sapitin.

Seek extreme measures

Pero kung hindi tatalab sa kanya ang mga pangaral mo, at sige-sige pa rin siya sa kalokohan niya, tatanungin naman kita: Ka-close mo ba ang mga magulang niya? Kung oo, magiging madali na para sa iyo na gawin ang bagay na ito:

Ipaliwanag o ipaalala sa mga magulang niya kung ano ang nangyayari sa babaeng iyan. Isama mo na rin pati mga kaibigan at kaanak niya. Kung ka-close mo din sila, mas mabuti.

Kung possible na makokontak ang asawa ng lalaking iyan, kumbinsihin mo na sumama sa kanya. Mas makakabuti din ito dahil parang ibibigay mo na ang “ebidensya” sa harap niya.

Alamin mo muna kung kailan sila magtatagpo. Saka kayo magkasundo sa kung ano ang plano na gagawin ninyong lahat. Magsama din kayo ng mga pulis o sundalo, kung maaari. Sa araw na magtatagpo sila, dapat sama-sama kayo na pupunta doon upang harapin sila.

Kapag nahuli niyo na sila sa akto, that’s the point na kailangan mong paaminin ang babae sa harap ng marami na ikaw lang ang mahal niya. No choice na lang ang babae kundi aminin niya iyon at panindigan niya iyon. Kasi, marami ang sasaksi sa inyong relasyon noon. Dahil sa ganitong proseso, tingnan natin kung paiiralin niya ang katigasan ng kanyang ulo.

Ito naman ang pinakagrabeng bagay na maari mong gawin: Kung wala pa rin silang kadala-dala, maari kang magpatulong sa isang abugado (o sa Public Attorney’s Office) tungkol sa kaso na maari mong isampa sa lalaking iyan.

Muli, gusto ko lang ipaalala na kailangan mo munang hingin ang tulong ng mga magulang at kamag-anak niya, pati na ng asawa ng lalaking iyan para gabayan ka sa kung ano ang dapat mong gawin upang ma-solve ang problema mo.

Desperado ka nga ba?

Maaring sabihin ng iba na napakadesperado mo (at na gusto mo na siyang mabawi). Maaring sabihin ng iba na “Kung mahal mo siya, dapat hayaan mo siyang lumigaya sa piling ng iba.” Pero hindi na ito applicable sa kasong ito, lalo pa’t ang layunin ng Love Advice sa site na ito ay magkaroon ng hustisya para sa iyo at sa pamilya ng lalaking iyan na maapektuhan ng kanilang kalokohan. Hindi rin puwede ang ganitong katuwiran dahil ang mas lalong kawawa ay ang babae. Lalong masasayang ang kanyang pag-ibig at ang kanyang luha.

Salamat ulit sa pagtitiwala. Dahil dito eh magkakaroon tayo ng relasyon sa isa’t isa. 😀 Gayunman, ang mga sinabi ko sa sulat na ito ay mga payo lamang. Sana nakatulong ulit ako sa iyo, at alam na alam kong matindi ang pinagdadaanan mo ngayon. Maraming salamat ulit. 😀

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s