Love Advice No. 80

Gusto kong pag-usapan natin ang isa sa mga kasabihan na may kinalaman sa pag-ibig. Kasi naman, talagang viral na ang ganoong kasabihan sa kahit saang love booths, love pages, love groups, at maging sa ilang mga love advisers.

Ang nakapagtataka, sa tinagal-tagal na tumatakbo ang Love Advice sa site na ito, hanggang sa naging CPA ako, wala pa akong nakikita na nagtatanong nang ganito sa Search Box.

Kailangang pag-usapan ang ganitong quote kasi may posibilidad na mali ang pagkakaintindi para sa mga naghahanap ng love advice. Totoo iyon. Gaya ng makikita natin sa artikulong ito:


Pag-usapan natin ang kasabihang ito:

Huwag hanapin ang pag-ibig. Kusa itong darating sa iyo.

My Advice:

Tingnan mo muna kung ito ay nababagay sa sitwasyon mo.

Sa artikulong ito, ating talakayin kung dapat nga ba itong sundin. Ipapaliwanag din natin kung ano ang pagkukulang ng naturang kasabihan, at kung bakit hindi ito masyadong tugma sa sitwasyon natin ngayon pagdating sa pag-ibig.

Ang kasabihang ito ay nanggaling sa isang awit nina Sam Milby at Say Alonzo na “Magmahal Muli”:


General Tips

Meron lang akong kinopya sa naging advice ko dati, pero iteterno ko ito kasi related ito sa pinag-uusapan natin ngayon.

Hahanapin mo ba ang pag-ibig? O ito’y darating lang sa iyo? Kung ikaw ay lalaki, ito ang general tips:

  1. Kapag ikaw ay masyadong chickboy, kapag ikaw ay nililigawan na ng mga babae (at di ka pa nanliligaw) o kapag ikaw ay pang-“That’s My Bae” ng EB, darating lang siya sa iyo. Pero kung ikaw ay pangit (sa kanilang paningin), o kung hindi ka pa nilalapitan ng mga babae, habang maaga pa ay hanapin mo na ang pag-ibig.
  2. Kapag ikaw naman ay mayaman, walang problema. Darating lang siya sa iyo. Pero kapag ikaw naman ay mahirap, habang maaga pa ay hanapin mo na ang pag-ibig. Kasi sa ngayon, dahil unti-unti nang nagiging materyoso ang lipunan, hindi talaga maiiwasan na tanungin ka kung may pera ka o wala.
  3. Kung mahilig ka naman sa sales talk, kung ikaw ay magaling sa pagsasalita, at/o kung ikaw ay laging usap-usapan sa inyong barangay o sa isang bayan, darating lang siya sa iyo. Pero kung hindi naman, hanapin mo na siya.
  4. Kung ikaw naman ay isang artista, walang problema. Darating lang siya sa iyo. Pero kung ikaw naman ay hindi artista, habang maaga pa ay hanapin mo na ang pag-ibig.
  5. Kung ikaw naman ay yung tipong kaya mong pasagutin ang mga babae sa isang pitik lang, darating lang siya sa iyo. Pero kung ikaw ay laging binabasted ng mga babae, habang maaga pa ay hanapin mo na ang pag-ibig.
  6. Kung marunong kang mangharana, darating lang siya. Pero kung hindi, o kung sintunado ka, aba’y maghanap ka na ng pag-ibig. (Sabagay, kahit sintunado man ay nakakatagpo rin ng kanilang kaparis.)
  7. Kung mahilig ka sa basketball, darating lang ang true love mo. Kung hindi, hanapin mo na siya. Sa totoo lang, pinagkakaguluhan na ang basketball sa mga kanto. At pinagkakaguluhan din ang mga naglalaro nito.

At kung ikaw naman ay babae, ito naman ang general tips:

  1. Kapag ikaw ay sobrang ganda, o kapag ikaw ay isang diyosa, darating lang siya sa iyo. Lalo na kung mas maganda ka kaysa kay Liza Soberano. Pero kung losyang ka, o kung hindi ka naman masyadong maganda, habang maaga pa lang ay hanapin mo na si Mr. Right.
  2. Kung ikaw ay ligawin ng mga lalaki, darating lang siya sa iyo. Pero kung sa tanang buhay mo ay hindi ka pa nililigawan ng mga lalaki, aba’y hanapin mo na si Mr. Right.
  3. Kung ikaw naman ay isang artista, walang problema, lalo pag talagang sikat ka na. Darating lang si Mr. Right. Pero kung ikaw naman ay hindi artista, habang maaga pa ay hanapin mo na ang pag-ibig.
  4. Kung ikaw naman yung tipong madaling pasagutin, darating lang siya sa iyo. Obviously. Pero kung lagi mong binabasted ang mga lalaki, kumuha ka na ngayon.

Additional Tips

Ito lang din ang nais kong idagdag:

  1. Kung lagi kang focused sa career mo, at wala ka pa ring kapartner, aba’y hanapin mo na ang pag-ibig.
  2. Kung successful ka sa career na pinili mo, hanapin mo na rin siya. Huwag mo nang pag-aksayahan ang oras na hintayin siya, kasi “naubos” na rin ang oras mo sa pagbuo mo ng career kung nasaan ka na ngayon.
  3. Kung kakaunti pa lang ang miyembro sa inyong relihiyon, walang problema. At walang problema din kung sinusunod ng inyong relihiyon ang nasusulat sa 2 Corinto 6:14-15 (MBB):

[14] Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya’y ang liwanag at ang kadiliman? [15] Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya?

Darating lang ang tao na para sa iyo. Bakit? Karamihan kasi sa mga miyembro ng relihiyon o sekta ang nagsasabi ng ganito:

“Di bale nang mahirap ang mapapangasawa/magiging syota mo. Basta karelihiyon mo siya, okay lang.”

Ang kanilang ikinakatuwiran dito ay dapat maghanap sila ng tao na katulad din nila kung magmahal sa Panginoong Diyos. Kapag nasunod din ang naturang aral, mas kakaunti ang magiging alitan nilang magsyota/mag-asawa at mas lalo pa nilang mapapalalim ang kanilang relasyon dahil sa isang bagay: Pareho nilang mahal ang Diyos.

Sa ibang relihiyon o fellowship groups, napansin ko rin na (kadalasan) ang mga babae ay inuuna ang pagsisilbi sa Diyos kaysa paghahanap ng seryosong relasyon (kahit na kung tutuusin ay puwede na sila sa ganyang bagay). Kapag ganito rin ang napapansin mo sa inyong kongregasyon, maghanap ka na ng pag-ibig.

  1. (Para sa mga babae: ) Kung ikaw ay nag-aaral, darating lang siya para sa iyo. Huwag mo munang hanapin ang pag-ibig. Makinig din sa magulang. Pero kung nakatapos ka na ng pag-aaral, aba’y hanapin mo na ang true love mo.
  2. Kung ikaw ay may trabaho, madali lang iyan. Darating lang siya sa iyo. Pero kung wala ka pa ring trabaho, isabay mo na sa paghahanap ng trabaho ang paghahanap sa true love mo.
  3. Kung nakapasa ka na sa alinmang board exams o sa bar exam, darating din siya sa iyo. Lalo na kung ikaw ay topnotcher. Pero kung hindi ka pa pasado, o palagi kang bumabagsak, maghanap ka na ng boyfriend/girlfriend. (Oo, kung hindi ka pa pasado o palagi kang bumabagsak, alam ko at feel ko kung ano ang pinagdadaanan ninyo ngayon.)

Time is of the essence

Sa desisyon kung hahanapin mo ang pag-ibig, o kung ito’y darating sa iyo, kailangan mo ding ikonsidera ang oras. Mahalaga ito, dahil talagang mabilis na tumatakbo ang oras.

Kung sa ngayon eh maraming bagay ang nagagawa ng isang tao sa loob lamang ng isang araw, paano pa kaya pagdating sa pag-ibig? Upang maintindihan mo ito, subukan ang experiment na ito: Maghintay ka sa loob ng isang taon, at doon mo malalaman na ang kakilala mo ay may syota na o nagpakasal na. At that time ay puwede kang maghintay kung may magmamahal ba sa iyo sa loob ng isang taon.

Hindi dapat sayangin ang oras sa paghihintay sa taong mahal mo, lalo na kung base sa pagkatao mo eh walang darating na tao para sa iyo. Possible na masayang ang oras sa kakahintay na iyan, pero sa bandang huli ay wala namang napapala.

Related to Love Advice – Hanapin

Sa ilang taon na nagbibigay ako ng love advice, merong mga sitwasyon o pagkakataon kung kailan puwede ang ganitong katuwiran. Meron ding pagkakataon na hindi ito dapat sundin.

Kailangan bang hanapin ang pag-ibig? Sa ilang pagkakataon, ang sagot ay oo.

  • Sa isang love advice na hinawakan ko (Love Advice No. 50), nararamdaman ko na hinahanap niya ang pag-ibig galing sa lalaking iniwan niya. Ito ang sinabi ko sa kanya, “Ngayon, kung gusto mo naman ng lovelife, eh di maghanap ka!”

Kung inisip pa lang niya sa simula na maglie-low muna sila (dahil kasalanan din ng magulang), meron na sana siyang babalikan pagdating ng araw. Darating lang ang lalaki. Pero dahil hiniwalayan niya agad ang lalaki at sinaktan pa niya ito, naghanap na si guy ng babaeng magpapasaya sa kanya. Kung nararamdaman pa rin ng babaeng iyan na kailangan niya ng guy na magmamahal sa kanya, huwag na siyang umasa na may darating pa lalo kung hindi niya binabago ang ugali niyang iyon. Maghanap na lang siya.

Sinabi ko pa sa kanya, “Panindigan mo, sa iyo na siya. Pero kung hindi, magdusa ka!” Dapat sana pinanindigan niya ang pag-ibig niya sa lalaking iyan. Para pagdating ng araw, darating lang siya at magiging happy na ulit ang kanilang love story. Pero hindi eh. Ngayon, magdurusa na siya sa paghahanap sa bago niyang boyfriend, lalo pa’t nag-break na sila noon nang walang closure.

Sa kasong ito, wala nang second chance. No choice na lang si gal kundi hanapin ang pag-ibig. Kasi hindi niya ito ipinaglaban.

  • Halos ganyan din ang sinabi ko sa isang guy sa Love Advice No. 49. Ngayong alam na niya ang halaga kung kailan wala na si gal sa tabi niya, kailangan na niyang maghanap ng pag-ibig. Ang problema kasi, hiniwalayan niya ang babae kung kailan “almost perfect” na ang kanilang relasyon. Tapos, wala siyang ginawa para makabawi sa lahat ng pagkakamaling nagawa niya dati.

Importanteng aral ito para sa kanya: Hindi darating sa kanya ang pag-ibig dahil marami na siyang sinayang na oras – kung kailan may pagkakataon pa siyang humingi ng tawad sa nagawa niyang kasalanan noon. Okay na sana kung nagsorry siya agad. Darating lang ang pag-ibig sa kanya. Pero sinayang niya iyon.

Huli na nang malaman niya na nagkapamilya na ang ex niya. So, kung gusto niyang magkaroon ng isang babaeng tulad ng ex niya, no choice na lang siya kundi hanapin ang pag-ibig. Anong magagawa niya kung meron nang iba ang ex niya? Hindi naman puwedeng agawin ang babae papunta sa kanya, for obvious reason.

  • Nagtanong naman ang isang lalaki sa Love Advice No. 6 kung bakit hindi niya mapigil ang puso na maghanap ng iba.

Una sa lahat, hindi siya makuntento. Kahit na kung tutuusin ay masuwerte talaga siya – na habang ang ibang lalaki ay nagpapakahirap para makakuha ng kani-kanilang syota, siya naman itong nanliligaw sa ibang babae kahit meron na talaga.

Darating ang panahon na hahanapin niya ito, lalo na kung hindi niya babaguhin ang ugali para itigil ang paghahanap ng iba kahit na may syota na. Darating din ang panahon na hahanapin niya ito kung palagi niyang binabalewala ang mga bagay na mayroon siya ngayon.

  • Sa Love Advice No. 48 naman, tinanong ako kung ano ang gagawin kapag nagkabalikan sila ng kanyang girlfriend, tapos kinabukasan ay gusto siyang hiwalayan.

Sa kasong ito, kailangan na niyang maghanap ng pag-ibig. Wala siyang aasahan kapag hinintay niya na dumating ulit ang kanyang girlfriend. Baka bukas makalawa ay i-break din siya ulit ng babaeng iyan. Diyan pa lang ay “walang forever” sa relationship nila.

Related to Love Advice – Darating

Samantala, darating din ba ang pag-ibig sa iyo? Sa ilang pagkakataon, ang sagot ay oo.

  • Sa Love Advice No. 31, naghanap si gal ng pag-ibig, pero mali ang kanyang napili. Nasaktan siya dahil niloloko lang siya ng lalaki, na siyang dapat magpaliwanag na hindi na dapat umasa si gal na magiging magsyota na sila. Ang masama pa, napunta ang lalaki sa isang malandi.

At dahil dito, okay na ang quote na iyan. Darating na lang kay gal ang taong nakalaan para sa kanya. Bakit?

  1. Babae siya. May itsura siya, kahit na medyo chubby.
  2. Nakatapos na siya ng pag-aaral. Nakapag-take na siya ng board exam para sa Pharmacists. At nakapagtayo na din siya ng sarili niyang drugstore.
  3. Marami pa siyang time para makadiscover ng tao na magmamahal sa kanya.
  4. Wala din siyang kasalanan sa mga nangyari sa kanilang “relationship”, lalo pa’t pinagtitripan siya ng lalaking minahal niya.
  5. Basta tuluy-tuloy lang ang kanyang pagiging aktibo sa group chat nila, malay natin eh baka makahanap siya ng lalaking para sa kanya.

Sa sitwasyong ito, masasabi natin na darating din ang time na merong magpapatibok ulit ng kanyang puso. Kung hindi pa niya hahanapin ang pag-ibig, okay lang din.

May sinabi ako sa kanya dati na “Gusto mo bang maghanap ng magiging boyfriend mo? Go ahead.” Ang punto ko dito ay puwede na siyang maghanap kung gugustuhin niya. Dahil kung tutuusin, puwede niya itong gawin kahit pagbawalan pa rin siya ng kanyang mga magulang.

  • Ipinapakita ng Love Advice No. 68 ang paghanga ng isang babae sa inaakala niyang boyfriend. Iyan ay nangyari noong high school, nang sabunutan siya ng babae dahil pakiramdam niya ay inagawan siya ng lalaki.

Dahil mga bata pa sila, lalo na sa stage nila kung saan nagsisimula ang pakikipagrelasyon, kailangan niya munang maghintay ng lalaki na para sa kanya. Kailangan niyang unahin ang pag-aaral. Bakit? Marami silang puwedeng madiscover, at mas marami silang oras para makilala ang isa’t isa. Isa pa, ito na rin ang pagkakataon para sa dalaga na matutunan ang tamang asal pagdating sa pakikipagrelasyon.

  • Sa Love Advice No. 23, kailangan niyang maghintay. Bukod sa kanilang kalagayan bilang estudyante ng high school, umasa siya sa lalaki nang hindi man lang kinumpirma kung nagugustuhan din siya ng lalaki. Mahalaga ang bagay na ito para hindi siya pabigla-bigla sa pagpaparamdam ng kanyang feelings sa lalaking iyon. At mahalaga din ito para hindi siya masaktan nang todo-todo.
  • Sa Love Advice No. 20, sinabi ko talaga kay Sharmaine na darating lang sa kanya ang lalaki na para sa kanya. Hindi na niya kailangang hanapin ang pag-ibig. Bakit? Hindi siya mauubusan ng mga lalaki na seryoso at igagalang siya bilang isang babae. Dahil mas marami ang mga lalaki kaysa sa mga babae sa ating bansa. Tapos, stick to one pa tayo.

Kung ang ating puso ay tatlo, tulad ng pick-up lines noon ni Senador Miriam Santiago, doon na lang siya kabahan.

  • Sinabi ko naman kay Chelsea sa Love Advice No. 36 na maghintay ng lalaking para sa kanya.

Sa kasong ito, may nanligaw na sa kanya pero niloko siya. Siyempre, wala namang kasalanan si Chelsea kung bakit iniwan siya ni John. Kung meron mang mga kaibigan na makakaalam sa ganitong klase ng relasyon, ipagtsitismisan nila si Rhica at hindi si Chelsea. Doon na puwedeng maghintay ng special someone ang dalaga kung gugustuhin niya, lalo pa’t walang atraso si Chelsea na maaring gamitin laban sa kanya.

  • Sa isang love problem na ginawa ng may-akda (Love Advice No. 16), pinayuhan nito ang magkasintahan na maghintay. Hintayin lang nilang dumating ang pag-ibig. Bukod sa established na silang dalawa, kailangan nila itong gawin lalo pa’t determinado din naman ang magulang ng dalaga na maghiwalay silang dalawa.
  • Sinasabi sa Love Advice No. 9 kung paano nag-suffer ang dalaga nang hiwalayan siya dahil sa prank na ginawa niya. Sa kasong ito, wala namang masama kung susubukan niya ang kanyang boyfriend. At kung mangyari ang break-up sa kanila dahil sa ginawa ng babae, at least alam na niya ang totoong ugali ng kanyang boyfriend. Darating na lang sa kanya ang taong mahal niya.

Hanapin ang pag-ibig

Meron tayong kasabihan na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Sa madaling salita, kailangang hanapin pa rin ang pag-ibig.

Dahil ang pag-ibig, pinagsisikapan din.

Hindi puwede ang katuwiran na “Huwag hanapin ang pag-ibig.” Para mo na ring sinabi kay Juan Tamad na humiga na lang sa ilalim ng puno at hintaying dumating si Mariang Masipag.

Hindi rin maaari ang ganitong katuwiran dahil parang sinasabi natin na maghintay lang sila at dadating din ang taong para sa kanila. Pinagsisikapan din ang paghahanap ng pag-ibig para dumating ang taong magpapatibok ng kanilang puso.

Sa panliligaw pa lang (sa parte ng mga lalaki), iyon na ang point na kung saan hahanapin mo ang pag-ibig. Hahanapin mo ang lahat ng katangian niya na magugustuhan mo habang nanliligaw ka, at doon saka ka pa lang magdedesisyon kung siya na ba talaga ang hinahanap mo, o maghahanap ka pa ng iba.

Meron pang isang matibay na dahilan kung bakit dapat hanapin ang pag-ibig.

Iyan ang sinabi ni Andrew E. sa kanyang kanta:

“Kung gusto mong lumigaya ang iyong buhay,
Humanap ka ng pangit at ibigin mong tunay…”

Sa tingin mo ba, sasabihin sa iyo ni Andrew E. na “Darating ang pangit at ibigin mong tunay”? Hindi naman, di ba? Siyempre pa, ang gusto niya ay lumigaya ka pagdating sa lovelife, pero ang payo niya sa iyo ay hanapin mo rin siya.

Darating sa iyo

Sabi nila, darating daw ang pag-ibig.

Tanong ko sa kanila: Ano ang mga signs para malaman ko na dumarating na siya?

Dapat sagutin nila ang tanong na ito.

Bakit? Sa totoo lang, sila itong sabi nang sabi na darating lang ang taong mahal mo, pero minsan hindi maipaliwanag kung ano ang mga senyales na dumarating na siya. Kahit na sasabihin ng iba na hindi mo namamalayan na dumarating siya sa iyo, mas mabuti na alam ng mga tao ang mga senyales na ito para mapaghandaan nila. Para hindi na sila masaktan nang bigla-bigla sakaling hindi tanggapin ang pag-ibig na alay nila sa kanilang (dapat sana’y) minamahal.

Final Words

Muli, sa tanong kung hahanapin mo ba ang pag-ibig o ito’y darating lang sa iyo, nakadepende na iyan sa iyong pagkatao.

Maaring sa ibang tao ay okay lang para sa kanila na dumating na lang sa kanila ang pag-ibig. Pero sa ibang tao ay kinakailangan nilang magsikap para makuha ang pag-ibig.

Ito lang ang masasabi ko sa mga kapwa ko love advisers: Bago sabihin ang ganitong payo sa kanila, alamin muna ang totoong nangyari sa kanila. Tingnan sa kanilang pagkatao kung kailangan nilang maghanap ng pag-ibig, o kung maghihintay na lang sila sa tabi-tabi.

Maraming salamat sa pagbabasa ng artikulong ito. Talagang napakasensitibo ng artikulong ito, pero kailangang pag-usapan dahil hindi applicable ang naturang quote sa lahat, at minsan ay hindi na makatarungan ang ganitong pahayag. Sana may natutunan kayo sa artikulong ito, para gabayan kayo sa anumang desisyon na gagawin ninyo pagdating sa pag-ibig.