Kaya Ko Bang Maging CPA? (Inspirational Message)

Dedicated ang artikulong ito sa lahat ng kukuha ng CPA Board Exam ngayong October 2018, pati na rin sa mga susunod pa.

Good luck and God bless sa lahat ng kukuha ng board exam ngayong Oktubre!

Alam ko na pagdadaanan ninyo ang hirap para dito, at nararamdaman ko kung gaano kayo kinakabahan. Pero wag panghinaan ng loob, at huwag padaig sa anumang negatibong sitwasyon na haharapin ninyo. Gamitin ninyo ang pagkakataong ito para mapaangat ang buhay mo at buhay ng pamilya mo.

Bilang dagdag na pampatibay-loob sa mga October 2018 CPA Board examinees, at sa mga susunod pa, share ko sa inyo ang inspirational message galing kay Sir Gor, isang reviewer mula sa ReSA.

Bakit si Sir Gor pa? Tulad ng binanggit ko na, malaki din ang naging epekto ng mensahe niya sa aming mga examinees noong October 2017 board exam. Isa siya sa mga paborito kong reviewers, dahil sa kanyang dedikasyon sa pagtuturo – na makikita sa positibong reaksyon sa kanya – at sa kanyang abilidad na mag-inspire ng mga reviewees tulad ko noon.

Sa bawat expression ni Sir Gor ay meron akong isiningit na random thoughts. Sana makatulong ang message ni Sir Gor sa inyo tulad ng ginawa sa amin noon. At sana makatulong din ang aking dagdag na mensahe para magsumikap pa sa inyong hangarin na maipasa ang board exam.

“Dear CPA Board Examinees:

“DATI, gusto mong bumalik sa nakaraan upang ayusin ang lahat ng pagkakamaling iyong nagawa sa panahong akala mo iyon ang tama.”

Dito ko biglang naalala kung ano ang nagawa kong mali. May 2017. Isa sa naging pagkakamali ko ay ang paghahanap ng trabaho na magbibigay ng mataas na suweldo. Uso din kasi noong mga panahong iyon ang papalit-palit ng trabaho dahil di pa rin sapat ang minimum rate na ibinigay.

Sa paghahanap ng mas mataas na suweldo, umabot sa punto na naghahanap ako ng trabaho sa Maynila, gayong kulang naman ang oportunidad doon. At dahil pinilit kong hanapin iyon, napilitan na akong umuwi ng probinsya at doon na magtrabaho, hanggang ngayon. Na kung tutuusin ay mas mababa ang suweldo kaysa sa una kong trabaho at sa Maynila.

Isa pang pagkakamali ko: April 2017. Naging komportable ako dahil wala namang binabanggit sa akin si Jea na may iniinda siyang sakit. Noong mga panahong iniinda niya ang sakit na cancer, ako naman ay masaya sa ikalawa kong trabaho sa Cavite. Hindi ko na namalayan ang oras, hanggang noong July ay nalaman ko lang na namatay siya.

Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, mag-iingat na ako sa paghahanap ng trabaho. Magiging patient pa rin ako, lalo pa’t hindi naman dumarating iyon nang basta-basta sa akin. Makakapag-ipon pa ako ng salapi.

Isa pa, aalamin ko ang lagay ni Jea para kung sakaling may problema siya, madadalaw ko siya at kahit paano ay may maiaabot na tulong sa kanya.

Kung maibabalik ko lang, hindi na sana ako nahihirapan sa byahe. Magiging madali na sana para sa akin ang bumiyahe papuntang Maynila para sa review at board exam. Hindi ko na poproblemahin pa ang kawalan ng oras at kawalan ng pera. Hindi pa ako sana maiistress pa sa pagkuha ng board exam.

“DATI, gusto mo na laging mag-isa at sabihin sa mundo na ayaw mo na, dahil napapagod ka na at ihinto na ang laban na iyong nasimulan.”

Sa tindi ng pinagdadaanan ng maraming examinees na tulad ko, darating at darating talaga sa point na napapaisip ako na sumuko na lang.

Paano ka bang hindi mapapagod? Isipin ang sobrang tindi ng pagod ng pagdadala ng handouts. Ang pag-retain ng kaalaman. Ang kakulangan ng oras sa review. Ang paglalakad sa LRT. Ang pagbuno sa mahabang biyahe – sa bus, sa LRT, sa jeep, sa tricycle. Sa siksikang tren. Sa pagmamadali dahil kaunting saglit lang ay aalis na ang sasakyan bago ako makaapak ng terminal.

Dagdag pa ang kakulangan sa pera. Sa totoo lang ay nakakapagod din ang mag-alala sa pera. Dahil dito ay napilitan akong magtrabaho, kahit sa totoo lamang ay mahirap pagsabayin ang trabaho at pag-aaral.

“DATI, gusto mo na lang manahimik para hindi nila marinig ang sinisigaw ng iyong damdamin na hindi ka pa handa at sumusuko ka na.”

Hindi pa ako handa sa loob ko dahil matindi ang kahinaan ko. Hindi pa ako handa, dahil kulang ako sa maraming bagay na hawak ng ibang reviewees na walang iniindang anumang problema.

Sa tindi ng pinagdaanan ko sa ReSA at sa October 2017 board exam, tinanggap ko na ang lahat ng maaring sapitin sa akin dahil dito. Tinanggap ko na ito nang hindi na ako nag-iingay. Kasalanan ko din naman na naging mayabang ako at matigas ang ulo, at laging mabunganga.

Nang isinampal sa akin ng Reyalidad ang consequences ng pagiging mayabang ko, doon ko narealize na kailangan kong manahimik kahit na anong hirap ang pagdaanan ko. Kahit na gusto kong sabihin na ako’y sumusuko na.

“DATI, gusto mo na maging manhid na lang upang hindi na maramdaman ang lahat ng takot at sakit dahil sa sobrang bigat ng iyong dinadala.”

Sa linggu-linggong pagbiyahe ko sa bus, lagi kong tinatanaw ang mga negosyo at mga restaurants na nakakumpol sa mga gasolinahan: NorthPark, Cafe France, Starbucks, at iba pa. Tuwing tinitingnan ko ang mga iyon, natatakot ako na bumagsak sa board exam. Baka kasi hindi ko maibigay sa sarili ko at sa mga taong malapit sa akin ang buhay na hinahangad ko.

Kung paulit-ulit na lang ang sakit na nararamdaman ko noong October 2017 board exam, mas mabuti na lang na maging manhid ako. Dahil pakiramdam ko na kahit kailan, hindi ko mararanasan ang luho na magpapagaan sa akin habang ako’y nag-rereview pa.

Mas mabuti kung ako’y magiging manhid. Para hindi ko na isipin pa ang mga bagay na magpapatindi ng hirap sa pagpasa ng board exam. Kasi naman:

  • Takot ako na mawalan ulit ng trabaho. Naging mahirap para sa akin na makahanap ng trabaho, dahil na rin sa kakulangan ng oportunidad. Kaya nang nakuha ko ulit iyon after three months, takot na akong umalis sa trabaho.
  • Takot ako na bumagsak sa board exam, at masayang ang lahat ng effort nila para sa akin. Takot ako na harapin ang lahat ng tao kung sakaling bumagsak pa ako ulit, na gumastos pa sakaling bumagsak ulit. Ano kaya ang sasabihin nila sa akin kapag nalamang dalawang beses akong bumagsak? Nakakahiya, kaya mas mabuti pang maging manhid na lang para di ko maramdaman iyon.
  • Ilang beses na rin akong nilagnat at nagkaroon ng sipon. (Gustuhin ko mang bumili ng mas matapang na Efficascent oil, para mas mapagaan ang pakiramdam, ay hindi ko magawa dahil kulang ang pera.)

“At DATI, gusto mo na huwag na lang magising para hindi mo na makita ang mga bagay na humahadlang sa pagtupad ng iyong pangarap dahil unti-unti ka nang nawawalan ng pag-asa.”

Tanong: Anong mga bagay na hadlang sa pagtupad ng pangarap na maging CPA?

  • Kawalan ng pera.
  • Kawalan ng oras.
  • Kawalan ng maayos na sistema sa bansa. Aminin natin, ang sistema mismo ang dahilan kung bakit mahirap magkaroon ng oportunidad sa trabaho. Dahil kakaunti ang mga kompanyang nagbibigay ng mataas na suweldo, at madalas ay nasa Maynila pa, paano kaya magkakaroon ng maraming trabaho lalo na sa mga probinsya? Paano kaya matutulungan ang mga accountants na magkaroon ng trabaho kung kakaunti ang mga kompanya kumpara sa dami ng mga aplikante?

Sana panaginip na ang lahat ng iyon. Dahil sa totoo lamang ay hindi ko pinangarap ang ganitong klaseng buhay.

“Pero lahat ng iyon ay nakalipas na. Kaya nga siya tinawag na ‘DATI’. Isang araw bago ka humarap sa tunay na laban, lahat ng ‘Dati’ ay dapat kalimutan na at ibaon na sa nakaraan upang masilayan mo naman kung ano ang ‘Bukas.’”

Kahit na ito’y nakalipas na, ang mga karanasan at aral na napulot ko dito ay dadalhin ko na hanggang sa araw na mamatay ako. Kahit sabihin ni Sir Gor na kailangan kong ibaon ang lahat ng ito sa limot, nakatatak na ito lahat sa puso at isip ko. Bakit? Gustuhin ko mang balikan ang nakaraan at itama iyon, wala na. Tapos na eh.

Ang ginawa ko noong October 2017 Board Exam, sa halip na ibaon sa limot, ay ginamit ko ito upang harapin ang bukas.

Ang magagawa ko na lang ngayon bilang isang CPA ay isulong ang mga programang magbibigay ginhawa at benepisyo sa maraming accounting graduates at CPAs na dumadaan sa ganoon ding sitwasyon. Sana dumating na tayo sa punto na maraming accountancy graduates at CPAs ay magkaroon ng maraming oportunidad, magandang suweldo, at trabaho sa buong bansa.

“BUKAS, sisimulan mo na ang pagbilang ng mga araw dahil nalalapit na ang pagkabit ng tatlong letra (CPA) sa iyong pangalan.”

Ilang araw na lang. Handa ka man o hindi, dapat ka nang magbilang. Isipin mo kung gaano kaganda sa pandinig ang mabigkas ang tatlong letrang iyan. Bibihira ang mga taong binibigyan nito, at kung ikaw man ay mapili, isa itong malaking pribilehiyo para sa iyo.

“BUKAS, lahat ng sipag, tiyaga, at sakripisyo na ginawa mo ang magiging baon mo sa pagsagot sa iyong pagsusulit gaano man ito kahirap.”

Kung ikaw man ay nasa isang sitwasyon na tulad ng sa akin, gamitin ang lahat ng natutunan mo di lang sa review – kundi pati na rin sa tunay na buhay – para harapin ang pinakamahirap na pagsusulit. Gamitin mo ang lahat ng meron ka para maipasa lang ito.

Malapit ka na sa dulo, ang life-changing chapter ng buhay mo. Kaya, kaunti pang sipag at tiyaga na lang ang kailangan para maipasa ito.

“BUKAS, lahat ng pangamba at takot ay mapapalitan na ng positibong pananaw dahil hindi ka matitinag sa pagtupad ng iyong pangarap.”

Ang lahat ng mga pangamba at takot na naranasan ko noon ang nagtulak sa akin na magsumikap pa. Dito ko narealize na dapat ituon ko ang sarili sa positibong pananaw. Ito na ang isa sa mga pinanghahawakan ko sa buong panahon ng first review ko sa Laguna at second review sa ReSA. Dito ko na rin nakikita kung ano ang magiging lagay ko bilang isang CPA sa hinaharap.

“BUKAS, maiisip mo na maraming taong nagmamahal at sumusuporta sa iyo at hindi ka iniwan sa kabila ng lahat ng iyong pagkakadapa.”

Marami na rin ang tumutulong sa akin sa pag-abot ng pangarap na maging isang CPA. Yung iba nga lang ay hindi ko kilala o hindi ko na matandaan ang pangalan. Malaking tulong din ang suporta sa akin ng mga magulang at ng aking paaralan para ituloy ang laban. Isama na rin pati mga reviewers, mga kapwa ko reviewees, at ang mga dati kong kasama sa trabaho.

Kahit na sa panahon na nahihirapan ako, meron silang baong pagbati sa akin, o inalalayan ako sa mga bagay na kailangan ko tulad ng pera, pagkain, at leave para umattend sa review.

Sa ganitong kaso, kailangan nating magpasalamat sa lahat ng mga taong tumutulong sa atin kahit sa simpleng bagay lang.

“At BUKAS, kahit anong mangyari, sasabihin mo sa sarili mo na PUSO lang. TIWALA sa sarili at matinding PANANALIG sa MAYKAPAL ang magsisilbing daan para mangyari ang dating inaakala mong imposible ay magiging posible na – ang maging CERTIFIED PUBLIC ACCOUNTANT.”

Gamitin ang puso at isip para gabayan ka sa anumang bagay na gusto mong marating.

Wala sa isip ko talaga na makapasa sa board exam. Pero sa sitwasyon na naranasan ko, naging open-minded ako at sinubukang maging bukas-palad sa lahat ng mga taong kailangan ng tulong ko.

Kinailangan kong magtiwala kung gusto kong magampanan nang maayos ang tungkulin. Sa ReSA ko natutunan na magtiwala – sa sarili, sa mga reviewers, at sa mga kapwa ko reviewees. Iyon na rin ang turning point ko para umasa sa Panginoon – na maibigay ang hiling ko na maging isang CPA.

At hindi ako binigo ng Diyos. Kasama na ako sa 2,843 board passers nitong May 2018. And the rest is history.

“Advance Congratulations sa inyo!!!
Patuloy na nagmamahal,
Gor Macariola
Professor, Reviewer, at Clown ng buhay niyo.”

Maraming salamat sa pagbabasa ng artikulong ito. Sana maging inspirasyon ang mensahe ni Sir Gor, at sana nainspire ko kayo para maabot ang pangarap na maging CPA. So, kita-kits na lang tayo sa PICC? Sana. Hopefully, magkita tayo at tatawagin natin ang isa’t isa bilang “fellow CPAs.”


DAGDAG TIPS: Para sa mas mabilis na pagrereview ngayong Board Exam, three subjects na lang ang kailangang aralin: (1) Financial Accounting (FAR/AUD); (2) Advanced Accounting (AFAR/MAS); at (3) Law (RFBT/TAX). Ito ang strategy na ginawa ko sa board exam, dahil ang mga kino-combine na tig-dalawang subject ay related naman sa isa’t isa.

ISA PA: Habang nalalapit ang board exam ninyo, dapat mag-relax muna at mag-enjoy sa kung anong ginagawa natin ngayon. Tulad ko, na nakikinig ng Gregorian Chants, kay Jaime Rivera, o kay Yohan Hwang. O naglalaro ng GTA Vice City.

Ito ay panahon kung saan pahapyaw na lang nating pag-aaralan ang mga subjects na iyon. Pasadahan na lang ang mga bagay na napag-aralan ninyo sa review o self-review.

Huwag ma-stress sa dami ng preweek lecture handouts (ng ibang review schools) na ibinibigay sa inyo. Ang mga ito ay maari lang pag-aralan kung may time pa kayo. Magtiwala lang sa sarili, sa review center, sa reviewers, at sa Panginoon. Sa kaso ko, binabasa ko na lang ang mga ito dahil wala na talagang oras para pag-aralan iyon.


Featured Image Credit: Ang oathtaking ceremonies para sa mga tulad ko na May 2018 passers. Photo from May 2018 CPA Passers Group FB page.

One thought on “Kaya Ko Bang Maging CPA? (Inspirational Message)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s