Memoirs: Remembering Jea

Dear Jea:

Habang tinitingnan ko ang picture mo noong bata, napapaisip ako. Noong mga bata pa tayo, pinipilit nating matuto sa mga simpleng bagay, at hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa atin pagdating ng araw. Paano kaya kung ikaw pa rin ay buhay hanggang ngayon? Paano kung iba ang sitwasyon natin? Paano kaya tayo ngayon kung pareho tayong pasado sa exam?

Natatandaan ko ang mga panahong nagrereview pa tayo. Bumaba ako para tumaya sa lotto, dahil malaki nga ang jackpot noon. Doon mo na rin ako nahuli, pero tumaya ka pa rin sa ibang laro. Ako pa nga ang naging cheerleader mo sa pagtaya, kahit hindi ka pinalad. Natawa pa nga ako sa expressions mo pag natatalo ka sa ScratchIt.

Marami pa tayong pinagsamahan noon. Sabi mo pa nga, hindi ka muna kumuha ng board exam dahil kailangan mo pa ng dagdag review. After a few months, hindi namin agad nalaman na nagkasakit ka na. Kaya sobrang sakit nang huli kong malaman na wala ka na.

Ikaw na ang isa sa mga inspirasyon ko noong CPA Board Exam. Ipinangako ko sa sarili, na pag nakapasa ako, dadalaw ako bilang pasasalamat. That’s the least na magagawa ko para sa iyo.

Nito lang Sabado de Gloria, tinulungan ako ng mga kaibigan mo sa pag-locate sa iyong puntod. Laking pasalamat dahil sobrang bait nila sa akin, at pinaliwanag sa akin nang maayos kung nasaan iyon. Ang layo pala sa kabayanan, pero sulit din dahil tahimik, at nakakapagmuni-muni pa ako.

Nang makita ko nang malapitan ang puntod, hindi ko naiwasang umiyak. Ang bilis kasi talaga ng panahon. Mahigit dalawang taon na pala tayong di nagkita nang personal. Doon ko na ulit ibinuhos ang lahat ng galit, sakit, at frustrations na nararamdaman ko maipasa lang ang exam. Ito yung mga panahon na wala akong nagawa kundi tanggapin ang lahat ng sitwasyon.

Umiihip ang hangin, at sumasabay na ang mga halaman. Binalikan ko ang mga moments kasama ka. Maikli lang ang oras para dalawin ka. Time to go. Pero kahit paano, magaan na ang pakiramdam ko.

It has been two years since you’re gone. Masakit para sa akin ang nangyari, pero isa lang ang sigurado: Buhay ka pa rin. Sinabi mo rin iyan sa akin. Totoo iyan, kasi ikaw ang kaibigan ko, at mananatili ka sa aking puso habambuhay.

Salamat sa lahat. Kahit na maikli lang ang oras na pinagsamahan natin, binago mo ang buhay ko, at buhay ng mga taong nagmamahal sa iyo.