Translating My Duterte Stories

By: TweetNewscaster

Bakit isinasalin ng may-akda ang maraming kuwento kay Duterte?

Bago ko sagutin ang tanong na iyan, bigyan ko naman kayo ng ideya tungkol sa aking pagsasalin.

Isinaalang-alang ko kung paano maiintindihan ng sinumang babasa nito ang kuwento ng malasakit niya.

Kaya mapapansin mo na meron akong mga tinanggal na parirala (phrases).

Hindi ko kasi isinalin iyon dahil hindi naman iyon mahalaga.

Ginamit ko ang aking kaunting nalalaman sa wikang Bisaya para maisalin ang mga pahayag sa naturang wika sa wikang Tagalog.

Kung medyo mali ang aking pagkakasalin mula sa wikang Bisaya, pakisabi sa akin.

Ibabahagi ko ang aking kuwento para malaman ninyo kung bakit isinasalin ng may-akda ang mga kuwento ng malasakit ni Duterte.


Narito ang aking sariling “kuwento” kung bakit ako pumanig sa kanya.

Kilala ko si Mayor Duterte noong 2013. Ang unang pagkakilala ko sa kanya, siya ay mamamatay-tao, bastos sa mga babae, komunista, at walang galang sa kapwa. Lahat ng mga ito ay nababasa ko sa Facebook. Akalain mo iyon, hindi pa nga siya tumatakbo noon, binabatikos na siya dahil dito? Kaya ayaw ko sa kanya.

Habang tinitingnan ko ang mga komento sa naging mga pagbatikos kay Duterte, napansin ko dati na talagang masigasig ang pagtatanggol ng mga netizens, lalo na ng mga Dabawenyo, sa kanya. Sa halip na matakot ako sa kanilang mga “pagbabanta”, humanga ako sa kanilang tapang. Bakit kaya ganitong katindi kung ipagtanggol siya ng mga taong ito?

Naisip ko kasi na kahit na anong gawin ng isang pulitiko, hindi iyon papansinin at pahahalagahan ng mga taong pinagsisilbihan niya. Kaya may mga epal.

Unang Quarter ng 2015. Usap-usapan noon si Mayor Duterte sa Filipino Vines at sa Gandang Gabi Vice. Kahit na hindi ko siya gusto noong una, hindi ako nagdalawang-isip na panoorin ang mga ito. At nagulat ako sa aking napanood.

Inaasahan ko na siya pa rin ang tao na nakilala ko na barumbado at walanghiya. Inaasahan ko na papatay siya nang basta-basta, pero nabigo ako sa aking inaasahan. Bakit kaya sa dinami-dami ng mga bintang sa kanya, nakikita ko na siya ay isang mahinahong tao, na kaya niyang makisama sa iba?

April 2015. Kahit na naging guest speaker pa si Duterte sa isang paaralan sa aming bayan, hindi pa rin ako kumbinsido sa kanya.

August/September 2015. Unti-unti na akong nagdesisyon na si Duterte na ang aking Pangulo nang marinig ko sa aking guro at aking mga kaklase ang sari-sari nilang kuwento na nabibiktima sila habang nasa Maynila.

Nabasa ko naman ang balita na nabiktima si LJ Reyes ng bukas-kotse gang.

“Hanggang ngayon ay natutula pa rin daw si LJ kapag naiisip na naging biktima siya ng basag kotse gang. Wala na raw bang safe na lugar sa ating bansa?”

Ang naturang pahayag ang nagkumbinsi sa akin na kung walang kamay na bakal na lider, walang mangyayari sa ating bayan. Ito na ang pinaghahawakan ko sa tuwing maiisip ko na gusto ko na siyang bitawan.

Magmula noon, sinubaybayan ko siya.

October 2015. Tulad ng iba, inasahan ko rin na maghahain siya ng kanyang kandidatura, pero hindi iyon nangyari. Pero nakinig pa rin ako sa mga nagkokomento sa naturang balita, at doon ko nalaman na puwede pala ang substitution. Natutuwa pa rin ako na nagawa na niyang tumakbo bilang Pangulo sa pamamagitan ng substitution. At hindi naging maganda ang mga nangyayari sa kanyang unang talumpati noong Nobyembre 30.


Nang pumutok ang isyu ng pagmumura niya diumano sa Santo Papa, bumaha ng sari-saring kuwento ng kabayanihan, katapangan, at malasakit ni Mayor Duterte.

Kaya lang, ang mga ito ay nakasulat sa wikang Ingles.

Kaya naman, naitanong ko sa aking sarili, “Paano kaya ito maiintindihan ng mga karaniwang tao?”

Paano nga naman ito maiintindihan ng mga tao na ang alam lang ay wikang Tagalog?

Dito na nagsimula ang aking hangarin na isalin ang maraming kuwento sa naturang wika.

Gusto kong isalin ito sa wikang maiintindihan nila.

Dahil gusto kong ipaintindi sa kanila ang naiibang balita tungkol kay Duterte.

Hiniling ko pa nga sa inyo na isalin ito sa iba’t ibang wika sa Pilipinas.

Sabagay, isa lang ang misyon ng site na ito: Ang maghatid ng naiibang balita, lalo na sa Alkalde ng Davao.


Gaya ng sinabi ko noong una, ibabalik ko na ang pangalan ng site na ito sa Facebook page.

Simula sa Mayo 10, babalik ito sa dating pangalan na “TweetNewscaster”.

Pero, patuloy pa ring maghahatid ng naiibang balita ang may-akda.

Tuloy pa rin ang paghahatid ng naiibang kuwento kay Duterte.

Sana ganito din ang gawin natin kahit na matapos ang araw ng halalan.

Ayoko Nang Maging Supporter Ni Duterte!

By: Russell Aguila

Ilang araw na lang, at maipapakita natin na talagang sinusuportahan natin siya sa pamamagitan ng pagboto sa kanya. Sa dami ng isyung ibinabato sa kanya, naiisip mo ba na minsan ay gusto mo nang sumuko? Kung oo, ang sanaysay na ito ang magbibigay sa iyo ng paninindigan na susuportahan natin siya hanggang sa dulo:


Ito yung pumasok sa isip ko kasi nga parang lulubog na ang bangka ni Mayor Digong noong pumasok ang “Rape Joke” Issue sa kanya.

Lahat ng media nakatutok sa kanya, lahat ng kalaban niya ay unti-unti nang naghuhukay ng libingan ng pangarap namin para kay Mayor Digong.

Kahit na anong pagtatangol mo, minsan aabot sa puntong susuko ka nalang.

Pero napaisip ako, sino ang susuportahan ko kung sakaling umalis ako sa poder ni Mayor?

Yung Presidentiable ba na maraming record ng kapalpakan?

Yung Presidentiable ba na maraming record ng corruption?

Yung Presidentiable ba na may puso ngunit sa mga bilyonaryong negosyante lang susunod?

Yung Presidentiable ba na okay na sana pero pumili pa ng ka-tandem na magnanakaw saka ayoko na rin siyang magtrabaho dahil may sakit na?

Wala akong ibang masuportahan dahil ikaw lang talaga ang may karapatan na maging susunod na Presidente!

Hindi ko alam, dahil lang ba sa maliit na issue na ito na ginagawang malaki ng mga media ay mawawala na ang lahat ng pinaghirapan namin?

Gusto kitang sisihin Mayor Duterte dahil sa pagsasalita mo ng ganoon! Dapat nag-iingat ka! Kaming mga supporters mo ang nahihirapan sa pagtatangol sa iyo!

Pero bakit ba pinagtatangol ka pa rin namin kahit ang tigas-tigas ng ulo mo, Daddy Digong?

Bakit kahit na halos buong mundo at lahat ng elitista ay kalaban namin ay hindi parin ako umaalis sa poder mo?

Ganoon na ba kita ka-idol kaya kahit sa girlfriend ko handa akong makipaghiwalay maipagtanggol ka lang?

Dahil ba sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na handang pumatay ng libo-libong rapist para lang protektahan kayong mga kababaihan?

Dahil ba sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na handang hulihin at banggain lahat ng drug lord at sindikato, kahit ang kapalit pa nito ay buhay niya?

Dahil na sa rape joke na ito ay mawawalan na ng pagkakataon ang isang gustong maging Presidente na tapusin ang kurapsyon sa gobyerno?

Mapapaiyak ka nalang minsan kapag inaalala mo na kinukutya ang sinusuportahan mo dahil sa isang video na pinutol para siraan ang isang taong may tunay na malasakit sa bayan.

Ngayon alam ko na kung bakit hindi naangat ang Pilipinas, dahil lahat ng utak natin ay kinokontrol ng media at ng mayayaman.

Ngayon talaga hindi na ako isang supporter ni Mayor Duterte, isa na akong anak niya na ipagtatangol ko parin manalo o matalo siya sa eleksyon.

Sana makarating sa iyo ito Mayor, wag nang matigas ang ulo, behave na tayo dahil nahihirapan kaming kontrolin ang mga taong sensitibo at nagmamalinis na gusto kang pabagsakin.

My Duterte Story: Jun Evasco

13012836_962373823878672_9163110751558680737_nBy: Pompee La Viña Duterte 2016

Marami pa rin ang hindi nakakaalam sa ugali at pagkatao ng kandidato at Alkalde ng Lungsod ng Davao na si Mayor Rodrigo Duterte. Sa likod ng kanyang matapang at matatag na persona na nakikita ng publiko ay isang taong may malasakit, tapat, at may prinsipyo.

Mukhang kilala ko na si Mayor Duterte bilang isang lingkod-bayan nang higit sa lahat, na naglingkod bilang chief of staff nang siya ay napili bilang vice mayor noong 1986 – tatlumpung taon na ang nakalipas. Idagdag mo pa ang isa o dalawang taon ng kanyang pagiging prosecutor na sinubukang ikulong ako noong panahon ng Martial Law dahil sumali ako sa sama-samang kilusan laban sa mga Marcos.

Nakita ko na itinataya niya ang kanyang sarili at tinatahak ang daang makipot sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa bayan. Sumusumpa ako sa Diyos – kung paanong sumumpa ako noong panahon ng aking pagpapari – na hindi niya sinamantala ang pagkakaroon ng posisyon upang payamanin ang sarili o ang kanyang pamilya. Bawat sentimo ng pera ng mga tao sa Lungsod ng Davao ay nagagamit nang maayos, at bawat yaman ay naipapamahagi at nagagamit nang tama.

Isang bagay na ayaw niya ay ang mga taong paulit-ulit na lumalabag sa batas at mga kriminal. Galit siya sa kanila.

Galit siya, lalo na sa mga tao na nagtatangi, nagsasamantala, at nananakit sa mga mahihinang sektor ng ating lipunan: mga Lumad, mga minorya, mga may kapansanan, mga taong iba ang piniling kasarian, at lalo na ang mga kababaihan.

Kahit madalas magsalita sa pagiging babaero niya, meron siyang malambot na puso sa mga babaeng sinasaktan, ginagahasa, at pinapatay. Ipapabilang ko pa sa iyo ang maraming kaso ng panggagahasa na personal niyang inasikaso nang may matinding sigasig.

Ang pagkakilala sa kanya bilang isang probinsyano, na walang-pakundangan at biglaan ang pag-uugali ay maaring makainsulto sa mga taong tinuruan kung paano dapat kumilos at magsalita ang ating mga pambansang lider. Maaring bastos, magaspang, at nakakadiri ang pagtingin sa kanya. Iyan ay dahil gusto ng mga coño na igiit ang kanilang makitid na patakaran sa ating lahat. Si Duterte ay hindi coño at siguradong kakaiba siya. Pero sa paningin ng Diyos, siya ay pinakatapat at pinakasimpleng lider na nakatrabaho ko.

Nagbibigay siya ng inspirasyon sa mga taong nakakilala sa kanya nang lubos.

Dahil diyan, hindi ko siya ipagpapalit sa kahit sino sa bansang ito. Hinihikayat ko ang mga sumusuporta at naniniwala sa kanya na kumapit pa sa kabila ng mga bagong pagsubok na hinaharap niya at hinaharap natin. Manalig tayo sa tao na napatunayang ilalagay niya ang kapakanan ng bayan bago ang sarili, kahit pa malagay sa alanganin ang kanyang buhay. Sa loob ng tatlong linggo, magdedesisyon tayo kung karapat-dapat bang suklian ang katapatan ni Mayor Duterte. Hinihikayat ko kayo na suportahan siya, iboto siya, at bantayan ang mga boto. Ang boto para sa kanya ay boto para sa kinabukasan at sa kinabukasan ng inyong mga anak at ng ating susunod na henerasyon.

(Sa larawan makikita si Mayor Jun Evasco na ipinakita ang kanyang buhay bilang bilanggo sa ilalim ng Martial Law. Ang tagausig ng kaso laban sa kanya noon ay si Rody Duterte. Si Mayor Evasco ang campaign manager ni Duterte ngayong 2016.)


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Lansones

817804427_2_1000x700By: Joy Barredo

Ang insidenteng ito ay isa sa mga paborito ko sa lahat ng narinig ko tungkol kay Duterte bilang alkalde ng Lungsod ng Davao.

Upang bigyan ko kayong lahat ng ideya tungkol sa insidenteng ito, ang mga ruta ng jeep sa Lungsod ng Davao ay lubhang naiiba sa ibang lungsod kung saan maari kang sumakay sa isa at halos nalibot mo na ang buong lugar. Sa Lungsod ng Davao, saklaw lamang ng partikular na ruta ang parte ng lungsod. Sa insidenteng ito, pag-uusapan natin ang tungkol sa ruta mula sa Mintal papuntang Downtown. Ito ay umaabot sa 14.5 kilometro kung one way, 29 kilometro kung balikan.

Merong pasahero sa loob ng jeep na bumabagtas sa rutang Mintal-Downtown na kumakain ng lansones. Habang umaandar ang jeep, itinatapon ng pasahero ang balat ng kanyang kinaing lansones sa labas ng sasakyan. Ginagawa niya ito mula sa Barangay Mintal hanggang sa Barangay Ulas. Ang distansya ay mga 9 na kilometro.

Saka hinarangan ang jeep ng isang lalaking naka-motorsiklo sa pangunahing intersection ng Barangay Ulas. Siya ay si Mayor Duterte. Tinanong niya ang mga pasahero kung sino ang kumain ng lansones at itinapon ang balat nito sa kalye. Dahil walang kumakain, nagkusa ang lalaking gumawa ng bagay na iyon na lumabas ng jeep at humingi ng tawad kay Mayor Duterte.

Ngayon, sigurado ako na maraming lungsod sa Pilipinas ang nagbabawal ng pagkakalat sa kalsada. Sa Lungsod ng Davao, mas sineseryoso namin ito. Ang parusa sa pasaherong iyon ay masasabing isa sa mga dahilan kung bakit.

Hinarap lang ni Mayor Duterte ang pasahero at sinabing, “Pulutin mo ang lahat ng balat na iyong tinapon.”

Walang pag-aalinlangang ginawa ng pasahero ang sinabi ni Mayor. At naglakad siya hanggang sa Barangay Mintal. Nilakad niya ang buong siyam na kilometro, habang sinusundan ni Mayor Duterte na naka-motorsiklo.


Translated by: TweetNewscaster

Plataporma ni Duterte

Text message from: DU30

Sa artikulong ito, ating ibubuod kung ano ba ang maaring asahan kapag nanalo si Duterte bilang Pangulo ng ating bansa.


Isa

Kailangan ng ating bayan si Duterte bilang instrumento ng totoo at makabuluhang pagbabago.

Ang kanyang pinakapangunahing plataporma ay umiikot sa: Kapanatagan, Kaayusan, at Kapayapaan sa ating Lipunan (Security, Order, and Peace).

Sa madaling salita, ito ay pagbawas sa krimen, katiwalian, at iligal na droga.


Tatlo

Sa badyet ng bayan, bukod sa pagpapanatili ng kapayaapaan, tatlo ang nais unahin ni Duterte, ayon sa kanyang sinabi sa isang forum sa UP Los Baños:

  1. Kalusugan
  2. Agrikultura
  3. Edukasyon

Lima

Sa mga programa at plataporma na nais ipatupad ni Duterte sa ating bayan, lima ang kanyang layunin:

  1. Kaligtasan at kapanatagan ng ating pamilya laban sa krimen at pag-aabuso sa droga.
  2. Magkaroon ng matalinong pagpili at oportunidad para sa mga sumusunod sa batas.
  3. Para sa pantay-pantay at matatag na pamumuhunan upang umunlad at lumago ang mga negosyo.
  4. Para sa aktibo at matatag na pagtugon sa mga emergencies at sakuna.
  5. Paunlarin ang imprastraktura, komunikasyon, at edukasyon.

Sampu

(Courtesy of PTV.)

Sa ilalim ng pamamahala ni Duterte, ihahain niya ang mga naturang adyenda:

  1. Ipagpatuloy at panatilihin ang kasalukuyang patakaran sa pambansang ekonomiya, kasama na ang mga patakarang piskal, pananalapi, at pangkalakalan.
  2. Magsagawa ng pagbabago sa pagbubuwis at paraan ng pangongolekta nito, na nakasandal ang mga buwis sa implasyon. Ang pagbabago sa pagbubuwis ay ihahain sa Kongreso sa Oktubre 2016.
  3. Palakasin ang kompetisyon at pabilisin ang pagnenegosyo. Ang ganitong programa ay ibabase sa mga lokal na lungsod na nagtagumpay sa pang-aakit sa mga negosyante (halimbawa, sa Davao), at paluwagin ang mga paghihigpit ng Saligang Batas sa pagmamay-ari ng mga dayuhan (sa mga korporasyon), maliban sa pagmamay-ari ng lupa, upang akitin ang pamumuhunan ng mga dayuhan.
  4. Pabilisin ang taunang paggastos sa imprastraktura hanggang limang porsiyento ng kabuuang produkto ng bansa (GDP), kung saan may mahalagang gampanin ang pagtutulungan ng pribadong sektor at gobyerno (Public-Private Partnerships).
  5. Itaguyod ang pagpapaunlad sa kanayunan, kasama ang agrikultura at turismo sa kanayunan.
  6. Seguruhin ang pagmamay-ari sa lupa upang makahikayat ng pamumuhunan, at tugunan ang mga sagabal sa pamamahala at pagpapatitulo ng lupa.
  7. Mamuhunan sa pagpapaunlad ng yamang-tao, lalo sa larangan ng kalusugan at edukasyon, at bigyan ng tamang kakayahan at kasanayan upang matugunan ang demand ng mga negosyo at pribadong sektor (sa kanilang kakayahan).
  8. Itaguyod ang agham, teknolohiya, at sining upang iangat ang pagkamalikhain na magdudulot ng kaunlaran para sa lahat.
  9. Palakasin ang programang nagpoprotekta sa lipunan, kasama ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan, upang maprotektahan ang mga mahihirap sa kawalan ng katatagan at krisis sa ekonomiya.
  10. Palakasin ang pagpapatupad ng RH Law upang magkaroon ng matalinong pagpili, lalo na ng mga mahihirap na mag-asawa, ng paraan ng pagpaplano ng pamilya.

My Duterte Story: Nawawala si Michael

12998691_10154109430257354_2149235225835003585_nBy: Meg Ladao-Bama

#‎MyDuterteStory

Dahil dalawang linggo na lamang bago sumapit ang halalan, parami na nang parami ang mga artikulo tungkol kay Duterte na kinukuwestiyon ang kanyang kakayahan. Ako ay totoong sumusuporta kay Duterte hindi lang dahil ako’y isang Dabawenya o dahil uminom ako ng “Kool-Aid” na juice tulad ng sinasabi ng maraming tao. Sinusuportahan ko siya dahil nasaksihan ko kung anong klaseng tao siya at nasaksihan ko rin ang totoong pagkatao ng taong ito sa likod ng ilaw at camera na kinahuhumalingan ng maraming pulitiko. Sa likod ng isang rebelde na matapang at masama ang bunganga ay isang tapat, mapagkumbaba, at mapagmalasakit na tao. Kailangan natin ang isang ama sa ating bayan na didisiplina at sasanayin tayo, hindi ang isang mayaman na ilulubog ang ating bayan sa walang kuwenta at makasariling paggastos. Ito ang aking kuwento:

Noong Enero 9, 2015, nakatanggap ako ng text na ang anak ng isa sa aking mga pinakamalapit na kaibigan ay dinukot. Tumigil ang tibok ng aking puso. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sabi sa text, “Nawawala si Michael” (hindi tunay na pangalan – para sa kaligtasan ng pamilya). “Dinala ng yaya sa convenience store at hindi na sila bumalik.” Umalis siya nang alas-7 ng umaga. Sa puntong ito, lahat kami ay napapraning at iniisip namin kung papaano nangyari ang lahat ng ito at kung paano namin mahahanap si Michael. Ang mas malala pa ay ang sunod na text na natanggap namin sa isang yaya. Siya at si Michael ay dinukot ng tatlong lalaki na may patalim at isinakay sa isang van. Wala siyang kaalam-alam kung sino sila at kung saan sila pupunta. Naghinagpis na ang aking kaibigan. Hindi sapat ang sabihing umiyak siya. Kung makakakita ka ng isang magulang na nawalan ng anak, iyon ang nangyari sa kanya. Ito ay halu-halong galit, pagkalito, pagkadismaya, at hinagpis. Iyan ang klase ng galit na magtutulak sa isa na patayin ang sinuman.

Nang maramdaman namin na parang wala na kaming pag-asa, kinausap namin ang isa sa mga staff ni Mayor Duterte. Dumating si Mayor at agad isinaayos ang pagsagip sa kanila. Hindi lang siya basta nag-uutos. Nandoon siya talaga. Gabing-gabi na pero dumating siya. Walang media. Walang kumukuha ng litrato. Walang anumang kapalit. Humanga ako kung gaano kaayos ang Davao force. Para akong nanood ng pag-iimbestiga ng krimen sa TV. Nalaman nila kung nasaan siya dahil sa mga serye ng text ng yaya na naipadala niya at sa tulong ng makabagong tracking system at ng mga CCTV cameras sa Davao. Nalaman na nila kung nasaan sila. Ito ang nakatulong sa kanila para makipagtulungan sa pulisya ng Cotabato. Hinarangan nila ang daan at nagpadala ng puwersa ng pulisya upang suyurin ang lugar. Hindi makakalimutan ng kaibigan ko ang eksakstong sinabi ni Duterte: “Magdasal ka lang, pero narito kami upang tulungan ka at ililigtas namin ang iyong anak bago sumikat ang araw.”

Noong Enero 10, 2015, 5:45 am, natagpuan ang bata. Natagpuan siya bago lumipas ang 24 oras, bago sumikat ang araw gaya ng ipinangako ni Duterte. Natagpuan siya sa terminal ng Cotabato – marumi, gutom at natatakot. Saka lang namin nalaman na hindi siya dinukot ng tatlong lalaki. Planado ng yaya ang lahat ng ito. Ipagbibili niya ang mga bato ng lalaki sa Zamboanga. Meron nang bibili sa kanya at papatayin na nila ang bata pagkatapos nilang kuhanin ang mga bato. Ang batang lalaki ay apat na taong gulang noong mga panahong iyon. Hindi namin malilimutan ang araw na iyon, at salamat kay Duterte, ligtas na ang bata. Nilihim ng kaibigan ko ang naturang kuwento kaya iyon ang dahilan kung bakit itinago ang mga pangalan. Pero dahil sa mga tsismis tungkol sa pagkatao ni Duterte, nagdesisyon kami na ibahagi ang kuwentong ito. TOTOO ang kuwentong ito. Gusto kong malaman ng lahat na meron siyang isang salita. Kailangan ng ating bansa ang isang lider. Pagod na ang ating bansa sa mga luma at tiwaling pulitiko na hindi tinutupad ang kanilang mga pangako. Hindi ko sinasabing perpekto si Duterte. Sang-ayon ako na hindi niya taglay nang lubos ang moralidad, pero ano ang maiisip mo sa ginagawa ng ibang kandidato? Sana bumoto tayo nang tama. Kailangan natin ng pagbabago. Si Duterte ang kasagutan.

#‎PHVOTEDUTERTE

#‎stillvotingDuterte

#‎DuCayforthewin

“Ngunit huwag kang masiraan ng loob at gagantimpalaan ka pagkatapos.” (2 Kronika 15:7, MBB)


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Nicaragdao

Commercial-Lot-within-China-Town-along-F-Bangoy-St-Agdao-Dav_2
Ang Barangay Agdao sa kasalukuyan. Hindi maiisip ng sinuman na ito’y dating pugad ng mga krimeng nangyayari noon bago maupo si Mayor Duterte.

By: Jo Barredo

…Ito ang kuwento na ang mga taga-Lungsod ng Davao lamang na ipinanganak at namuhay sa Lungsod noong panahon ni Marcos ang makakaintindi nito. Ito ang kuwento ng Nicaragdao.

Nabanggit ko noon na ang Lungsod ng Davao noon ay lugar ng patayan. Ito ay inihayag at kilala bilang “no man’s land” (dapat walang tao ang naroon). Bakit? Simple lang. Lahat ng mga rebeldeng grupo ay nandito: Ang NPA at MNLF (bago humiwalay ang MILF) na target ang mga taong nasa militar. Target naman ng mga Ilaga, ang grupong vigilante, ang mga Muslim. Nilabanan ng DDS (hindi ang mga DDS na kilala natin ngayon) ang Sparrow Unit ng NPA. Pinapaslang ang mga taong nasa militar sa loob ng lungsod. At ang barangay na pinakamatinding nagdurusa ay ang Nicaragdao.

Noong mga panahong iyon, walang araw na hindi nakakatagpo ng patay na katawan sa Nicaragdao. Malaya at walang-takot na kumakatok ang mga rebelde sa mga pintuan ng mga sibilyan, pumapasok sa bahay, at malayang gawin ang anumang gusto nila. Walang mga jeepney at lalong walang mga taxi na nangahas na pasukin ang lugar na iyon, at kung hindi, mahohold-up o mapapatay ang drayber. Hindi inakala ng mga tao sa barangay na iyon na darating ang araw na ang lahat ng ito ay magbabago. Kailan iyon? Ito ang araw na unang naging Alkalde si Duterte noong 1988. (Noon ay isang taong gulang pa lang ako.)

Ngayon, maaring isipin ng marami, lalo na ng mga Dabawenyo, kung nasaan ang barangay na ito? Tulad ng sinabi ko, hindi ko pa naririnig ang ganitong pangalan, hanggang nag-message sa akin si Ma’am Joanna tungkol dito. Nang nagbago ang lugar para sa ikabubuti, ganoon din ang pangalan. Kilala na ito ngayon bilang Barangay Agdao at isa ito sa pinakaabalang lugar sa lungsod. Mayroon itong isa sa pinakamalaking palengke at narito ang isa sa dalawang fly-over sa Lungsod ng Davao.

Lagi akong dumadaan sa lugar na ito sa tuwing magpoproseso ako ng mga dokumento sa opisina ng PRC. At kada buwan ay nagbabayad ako buwan-buwan (para sa lugar na aking binili sa Samal) sa isang opisina sa Agdao. At hindi ko naranasan ang anumang gulo dito, kahit isa lang. Iyan ang magic ni Mayor Duterte.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Strangest Breakfast

13062328_10153694181403931_3884617606790400212_nBy: Fonzi Avila Marquez

Kakaiba ang agahang iyon sa akin.

Brownout sa aming bahay at tinatamad akong magluto kaya tumungo ako sa Balbacua malapit sa Bangkal sa Davao para kumain. Napansin ko ang isang kotse ng pulisya na nakahimpil malapit sa lugar na iyon, kaya naramdaman ko na ligtas ako habang kumakain. Napansin ko na may mga kasama ang mga pulis: dalawang babae na hindi lampas ng 25 taong gulang, isang middle-aged na lalaki, at isang batambatang lalaki. Abala ako sa aking ginagawa, at napansin ko na tumayo ang isang pulis at nagbayad sa kanilang agahan. Mukhang lumabas siya upang kumain kasama ang kanyang pamilya ng isang masaganang agahan bago magtrabaho. Palagay ko’y hindi, dahil ang paggamit ng kotse ng pulisya para sa bagay na iyan ay nangangahulugan na ginamit ang sasakyan para sa pansariling paggamit. Iyan ay kakaiba sa Lungsod ng Davao.

Nang tumayo ako para magbayad ng aking agahan, nabanggit ng kahera na nakita niya ang mga posas na inilalagay sa dalawang babae at sa isang lalaki nang sila’y umalis. Tinanong ko kung bakit, at sinabi niya na ang dalawang babae at ang isang lalaki ay nahuli ilang oras lamang dahil sa pag-iingat at pagtutulak ng droga. Parang ipinadama ng mga pulis na pinakakain muna sila bago tumuloy sa presinto.

Hindi ko alam kung ano ang iisipin ko sa sitwasyong iyan. Hindi ko pa rin alam. Alam ko lang na mali ang anumang iniisip ng ibang tao laban sa tatak ng katarungan sa Lungsod ng Davao. Siyempre, paiba-iba si Mayor Rody. Pero mas lalo nang paiba-iba ang reyalidad. Alam kong mukhang mahirap maging si Rody, kasi kilala ko siya bilang isang mabuting tao. Kung aalisin niya ang kanyang pagkatao [na madalas makita sa media], hindi matatakot sa kanya (o hindi siya irerespeto) ng kanyang mga kasama o maging ng mga kriminal. Alam kong hindi kapani-paniwalang isipin ito, pero hindi mo talaga maitatago ito sa mga pagkakataong nahuhuli natin ang mga tao nang hindi nila inaasahan. Ang sukatan ng isang tao ay kung ginagawa niya ang mga bagay sa sarili nitong panahon, at hindi kung kailan siya’y nasa camera o nasa entablado. Mukhang makikita ko ang #TapangatMalasakit sa totoong buhay. Hindi ko ito makakalimutan.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Rape Victim

Via: Bruce V. Rivera

May isa na nagpadala ng sulat na ito.

Magandang hapon, Atty. Ako ay isang ordinaryong estudyante at isang biktima ng panggagahasa sa Lungsod ng Davao. Sa kabila nito, gusto kong ipagtanggol si Mayor Rody Duterte tungkol sa isyu ng kanyang rape joke. Pakibahagi ng mensaheng ito sa ating mga kababayan. Ito ay personal sa akin, kaya nakikiusap ako sa inyo na panatilihing lihim ang aking pagkakakilanlan. Tulungan ninyo ako, Attorney. Gusto ko pong bumawi kay Mayor sa tulong na nagawa niya sa akin.

Noong 2014, ako ay ginahasa sa Lungsod ng Davao. Dumiretso ako at ang aking ina sa NBI. Inasikaso naman po nila ako agad. Marami nang araw ang lumipas, nagtuluy-tuloy lang po ang imbestigasyon pero wala pa ring lead. Ilang linggo na ang lumipas, wala pa rin kasi hindi daw po taga-Davao ang mga suspek at mukhang may-kaya po talaga sila. Lumipas ang ilang buwan, wala pa rin. Natakot ako. Galit ako. Sobrang galit ako sa sistema ng katarungan sa Pilipinas. Nakakabaliw.

Nagalit po ako kay Duterte kaya pumunta ako sa city hall nang hindi alam ng aking mga magulang. Sinugod ko si Duterte. Galit ako. Umiiyak ako. Nang pag-upo ko sa harapan niya, sinabi ko kaagad na ginahasa ako. Nilabas ko ang galit ko sa kanya hanggang sa naiyak ako sa galit. Lumuhod siya sa harapan ko at sinabi, “Ipaglalaban kita.”

Tiningnan ko siya. Nakita ko ang pagkaseryoso sa kanyang mga mata. Nakita ko ang kanyang katapatan. Itinuloy niya ang kanyang sinabi, “Gagawin ko ang lahat. Itataya ko ang aking buhay mahanap lang ang mga gagong gumawa niyan sa iyo.” Nang mga oras na iyon, natagpuan ko ang isang ama sa kanya. Sobra akong umiyak, at sa pagkakataong ito, hindi na galit ang nararamdaman ko kundi pag-asa. Siyanga pala, ang aking ama ay isang OFW. Wala siya nang nangyari sa akin ang lahat ng ito. Sa buong panahon, nangungulila lang pala ako. Ito lang pala ang hinahanap ko. Ang katiyakan [mula sa] isang ama. Ang proteksyon ng isang ama. Higit pa sa pagiging Alkalde, siya ang aming ama. Binigyan ako ni Duterte ng pag-asa. Hindi niya po kami pinabayaan. Hindi pa din po nahuhuli ang mga bumaboy sa akin, pero mas kampante na po ako dahil alam kong may lalaban para sa akin.

Kaya ang payo ko po sa lahat, lalo na sa mga babaeng katulad ko na naging biktima ng panggagahasa, huwag po tayo magpadala sa isang biro, dahil kung may totoong biro po dito, ito po yung mga pulitiko na akala mo ipagtatanggol ka, pero yun pala ay gagamitin ka lang nila para makakuha ng boto. Hindi po ganoon si Duterte. Ipinaglaban na niya ako. Ipaglalaban niya rin kayo.


Translated by: TweetNewscaster