Duterte Serye: Jollibee Bolton

By: Jo Barredo

Ito ay tungkol sa aking personal na karanasan kasama si Mayor Duterte. At ito ang aking ikalawang pagkakataong  makita siya nang malapitan. Espesyal ito dahil (mukhang) nakakausap ko siya.

Nasa kolehiyo ako noon, ikatlong taon na at nag-aaral sa UP Mindanao campus. At bilang estudyante ng UP, masuwerte ako na magkaroon ng walong oras na tulog sa gabi lalo na tuwing “linggo ng impiyerno” (examination week). Nangyari ang kuwentong ito matapos tapusin ko at ng aking mga ka-blockmates sa pag-dissect ng kuwento gamit ang Sigmund Freud’s Psychoanalytic Theory.

Matapos ang mahabang oras ng pagtatrabaho, nagpasya kaming maghanap ng makakain. Ala-una na ng madaling-araw. Nasa Mintal kami, at hindi kilala ang lugar na iyon sa pagkakaroon ng mga negosyo na bukas 24 oras. Kaya nagdesisyon kaming lima na pumunta sa Downtown para maghanap ng pagkain.

…Bumaba kami sa Quirino Avenue mula sa sinasakyan naming jeep. At ang Jollibee sa Bolton branch lamang ang alam namin na lugar kung saan siguradong may makakain. Ang naturang fast food branch ay limang bloke lamang ang layo sa amin. Inabot kami ng 30 minuto para makapunta doon. At nang makarating kami sa lugar na iyon, agad kaming umorder ng aming pagkain.

Matapos ang labinlimang minuto o higit pa, napansin ko na dalawa sa aking mga ka-blockmates na malapit sa pintuan noong mga panahong iyon ay hindi napigilang tumingin sa labas. nang tanungin ko sila kung ano ang nangyari, sinabi nila na nasa labas si Mayor Duterte. Alas-dos na ng umaga noon. Nang lumingon ako, nakita ko si Mayor na papunta sa store at dumiresto sa counter. Nag-order siya ng isang hot chocolate. Saka siya umupo sa isang mesa sa tabi namin.

Hindi namin alam kung ano ang gagawin namin at inabot kami ng limang minuto bago namin siya nabati ng magandang umaga. Saka siya tumingin sa amin at nagtanong:

“Umaga na. Saang lugar kayo nag-gimik?”

Isa sa amin ang sumagot, “Hindi kami gumimik, Mayor. Galing kami [doon] para gumawa ng aming project.”

Saka ngumiti ang Mayor at malumanay na tumugon:

“Mabuti at hindi kayo umiinom. Mag-aral kayo nang mabuti.”

Tinanong namin ang mga store attendants kung suki si Mayor dito at sinagot nila na laging pumupunta siya sa branch na ito dalawa o tatlong beses sa isang linggo nang mga alas-dos o alas-tres ng madaling araw. Sinabi nila na ito ang lugar kung saan kumakain o umiinom lagi si Mayor pagkatapos niyang magmasid sa lungsod at bago umuwi.

Hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Ito ang unang pagkakataon na wala akong masabing anuman sa kabila ng pagiging pinaka-masalitang tao sa aming grupo. Ang karisma lang ni Duterte ang nagpanganga sa akin at nakakalula ang kanyang aura. Iyan ang pakiramdam ng pagkakaroon ng isang lider na mas matindi ang malasakit sa kanyang mga kababayan kaysa sa kanyang sarili.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Firecracker Ban

By: Jo Barredo

Naniniwala akong alam ng lahat na ipinatutupad ng Lungsod ng Davao ang pagbabawal sa pagpapaputok tuwing Pasko, Bagong Taon, at kahit pa sa Bagong Taon ng mga Intsik. Kasama sa naturang pagbabawal ang lahat, kahit pa ang mga maliliit na paputok (watusi) na mabibili sa 15 piso bawat kahon o maging boga. Alam din ng marami ang katotohanan na magmula nang ipatupad ang pagbabawal sa pagpapaputok, naitala ng Lungsod ng Davao na walang insidente ng pinsala o pagkasawi dito. Pero ang hindi alam ng marami, merong taon na halos naiwala ng Lungsod ng Davao ang zero casualty record.

Narinig ko ang istoryang ito mula sa aking kaibigan na personal na nakasaksi nito. Siya ay isang intern nurse noong mga panahong iyon sa Davao Medical Center (ngayo’y SPMC). Kahit na ipinatutupad ang firecracker ban, naka-high alert pa rin ang mga ospital sa Lungsod ng Davao tuwing Pasko at Bagong taon upang pagsilbihan ang mga pasyente na maaring manggaling sa mga katabing lungsod tulad ng Panabo at Samal. Ito ay dahil sa katotohanang pinakabago ang mga pasilidad ng ospital ng Davao sa buong Mindanao. Para mapanatiling malinis ang zero casualty record, lahat ng mga nabiktima ng paputok ay tinatanong kung saan sila galing at saan sila naputukan para alamin ang kumpletong record.

Gayunman, noong bisperas ng Bagong Taon, ginulat ng isang tao ang isang staff ng SPMC. Nang tanungin kung saan siya galing, sinabi niya na siya mismo ay taga-Lungsod ng Davao. Sinabi niya rin na naputukan siya sa loob ng lungsod. Hindi niya ibinigay ang pangalan at anumang detalye kung saan talaga siya nakatira. Mabuti na lang at nagtamo lang siya ng kaunting pasa mula sa paputok na kanyang nilalaro.

Nang hiniling ng doktor sa attending nurse na ikalap nang mabuti ang mga records para maayos na makuha ang impormasyon mula sa pasyente, pabirong sinabi ng doktor:

“Patay ka kapag nalaman ni Digong iyan. Sinira mo ang [mabuting] record ng Lungsod ng Davao.”

Ayon sa aking kaibigan na nakadinig ng pag-uusap na iyan, namutla ang mukha ng lalaking iyon. para bang umalis ang buhay sa kanya. Ang ginawa lang ng lalaki ay magbigay ng isang mahinang ngiti.

Matapos bigyan ng paunang lunas at bago bigyan ng huling lunas, humingi ng permiso ang lalaki kung makakapunta siya sa comfort room. Pinayaga siya ng doktor. Pero hindi na siya bumalik.

Nang iutos ng doktor ang mga nars na hanapin ang taong iyon, hindi na siya mahanap sa ospital. Hindi nakuha sa kanya ang kompletong impormasyon kaya naitala ito bilang si John Doe na walang tirahan.

PS: Maaring isipin ng ilan na ang Pasko at Bagong Taon sa Lungsod ng Davao ay isang karaniwang gabi lang dahil sa pagbabawal sa pagpapaputok. Pero mula nang maipatupad ito, nagbigay-daan ito sa maraming street parties at sa kilala nang “Torotot Festival.” Sa madaling salita, binigyan nito ng pagkakataon [ang lahat] na magsaya pa nang hindi natatakot na mawalan ng daliri dahil dito.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Inday Sara

By: Jo Barredo

Ito ang pinakasikat na bahagi ng kuwento. Sa katunayan ito ay nakatuon kay Mayor Inday Sara Duterte.

Noon ay umaga matapos ang baha at si Inday Sara ay kasama ni Digong sa NHA Bangkal, Lungsod ng Davao upang tulungan ang mga biktima ng bagyo. Maya-maya may ibinigay na ulat sa kanila na magsisimula na ang demolisyon ng mga informal settlers sa Barangay Agdao.

Bilang Alkalde noong mga panahong iyon, hiniling ni Inday Sara sa tanggapan ng sheriff na itigil pansamantala ang demolisyon sa loob ng isang oras, o hanggang sa makapunta siya sa lugar na iyan upang tumulong sa pagpapatahimik ng mga tao. Sanay na ang mga Dabawenyo na sa tuwing may demolisyon, kusang nagsisialisan ang mga informal settlers sa mga itinakdang lugar ng LGU. Walang karahasang nagaganap.

Ang hindi alam ni Inday Sara at ni Digong, hindi pinagbigyan ng sheriff ang kanilang hiling. Natuloy pa rin ang demolisyon.

Nagbarikada ang mga residente sa lugar at nilabanan ang demolition team. Nagliparan ang mga bato. Nanlaban ang demolition team at marami ang nasugatan. Matindi ang kaguluhan doon. (Sa pagkakaalam ko,) ito na ang unang pagkakataon na mangyayari ito sa Lungsod ng Davao.

Nang dumating si Inday Sara sa lugar, nakita niya ang kaguluhan at napasugod sa kalagitnaan ng away. Dala-dala ang megaphone, sumigaw siya:

“Magsitigil ang lahat!”

At hindi kapani-paniwalang itinigil ng magkabilang panig ang away. Ibinaba ni Inday Sara ang megaphone at lumapit sa mga residente. Muli, sumigaw siya,

“Magsiupo kayong lahat!”

Walang pag-aalinlangang sumunod ang mga residente. Ang sumunod na nangyari ay alam ng maraming tao. Sumigaw sa huling pagkakataon si Inday Sara:

“Nasaan ang sheriff?”

Nang lumapit sa kanya ang sheriff, humingi siya ng demolition order. At saka sinunggaban niya ang sheriff sa kuwelyo at naglabas ng tatlong matinding suntok sa mukha.

Pinalabas ng mga pambansang media na sumigaw si Mayor nang walang dahilan at tinawag ng maraming tao sa labas ng Lungsod ng Davao si Inday Sara bilang isang malupit [na pinuno]. Inakala ng lahat na namuhay sa takot ang mga tao sa Lungsod ng Davao dahil sa naturang insidente.

Pero para sa mga tao sa Lungsod ng Davao, nakita namin ang isang lider na mas inuuna ang kapakanan ng mga tao.

Saka lang namin nalaman na si Inday Sara (bilang isang abugado) ay nagalit nang nabasa niya ang dokumentong ibinigay ng sheriff. Ito ay isang “Notice of Demolition,” na sinasabing may labinlima hanggang tatlumpung araw ang mga tao para umalis sa lugar na iyon. Hindi ito isang “Order of Demolition.”

Malungkot ang araw na iyon, lalo’t dahil nababasa at naririnig ng mga Dabawenyo ang mga negatibong komento mula sa labas ng lungsod. Pakiramdam namin ay wala kaming magawa kasi hindi namin naipagtanggol nang maayos si Inday Sara. Hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi nakakaalam ng buong kuwento.

PS: Ako ang isa sa mga nakasaksi sa insidenteng iyon. Kakagaling ko lang sa trabaho at ang aking boarding house ay malapit lang sa kalye kung saan nangyari ang demolisyon.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Baha

By: Jo Barredo

Laging kilala si Mayor Duterte bilang isang siga. Pero merong mga panahon na nakikita siya na lumuluha. Ang maaring alam ng marami kung pag-uusapan ang pag-iyak ni Duterte ay noong tinulungan niya ang mga biktima ng bagyong Yolanda. Subalit, ang hindi alam ng maraming hindi Dabawenyo, merong isang insidente na pinipigilan niyang umiyak sa isang panayam. Ito ay ang araw ng matinding baha sa Lungsod ng Davao.

Ang kuwentong ito ay maaring hatiin sa dalawang bahagi dahil maaring alam ng maraming tao ang naiibang kuwento nito. Ang kuwentong ito ay nakatuon mismo kay Mayor Duterte na tumutulong sa pagsagip at nagbibigay ng relief goods sa mga apektadong pamilya.

Iyon ay gabi ng napakatinding ulan noong 2010 (o 2011). Hindi ko malilimutan ang gabing iyon dahil ito ang panahon na talagang lumangoy ako sa tubig baha para magtrabaho (dahil noon ako ay isang call center agent). Kumalat ang balita na marami sa mga lugar sa tabing ilog sa buogn Lungsod ng Davao ay matinding naapektuhan ng baha at ang buong LGU ng Lungsod ng Davao kasama ang Central 911 ay nagmamadali para tulungan ang mga biktima. Kasama na dito si noo’y Vice Mayor Digong.

Kinabukasan ng umaga, nang nag-log out na ako sa trabaho, nakita ko ang panayam sa kanya sa lobby ng opisina namin. Mukhang pagod na siya pero siksikan ang mga taga-media sa kanya. Nakalimutan ko kung ano ang tanong pero hindi ko makakalimutan ang sinabi niya habang pinipigil niya ang pagluha:

“Putang ina, wala akong nagawa. Hindi ang ulan o baha ang may sala.”

“Ang problema ay kahirapan. Wala akong nagawa, nangamatay sila dahil mahirap sila.”

“Wala akong magawa. Putang ina. Kung meron lang akong pera, ililipat ko silang lahat.”

Tinukoy niya ang mga informal settlers na nakatira sa tabing ilog.

Ito ang unang pagkakataon na makita kong lumuluha ang aming Mayor. At talagang naramdaman ko na dismayado siya sa sarili na hindi napigilan ang insidenteng iyon.

Matapos ang ilang linggo, nabalitaan ko na bumili ang LGU ng Lungsod ng Davao ng malawak na lupain sa Barangay Los Amigos. Ginawa itong isang malaking relocation area para sa mga informal settler na kailangang ilipat. Meron itong sariling pabahay, tubig, at kuryente. Isa lang ang kondisyon para sa mga taong ililipat at mabibigyan ng pabahay ay huwag ipagbili kung ano man ang kanilang natanggap mula sa LGU ng Lungsod ng Davao.

Tuwing pupunta ako sa Downtown at dadaan sa relocation site na ito, totoong namangha ako kung ano ang hitsura nito. Hindi ito parang low cost housing kundi mukha itong isang Class B subdivision. Ngayon, ang lugar na ito ay meron nang sariling covered court/basketball court. At sa tapat ng kalye ay isa pang malawak na lupain na ginagawang phase two ng relocation site.

Ang kuwentong ito ay hindi napabalita sa mga pambansang media. Mas lalo silang nakatutok sa bahagi ng kuwentong ito pero hindi sinasabi ang buong kuwento nito. Alam ito ng lahat bilang “Tatlong suntok sa mukha ng sheriff.”


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: MNLF visits Davao City

By: Jo Barredo

…Nangyari ito maraming taon na ang nakalipas. Hindi ko ito nasaksihan nang personal, pero ibinahagi ng kapwa ko guro ang kuwentong ito sa akin nang nag-uusap kami tungkol kay Mayor Duterte.

Siya ay isang estudyanteng guro nang mga panahong hiniling ng MNLF na makapasok sa lungsod upang ipagdiwang ang taon ng kanilang pagkakatatag. Kung ang Lungsod ng Davao ay tulad ng iba pang mga lungsod sa Mindanao, malamang na maglalaban ang mga sundalo ng AFP at MNLF. Pero hindi ito nangyari.

Pinayagan ni Duterte ang daan-daang mga sundalo ng MNLF na makapasok sa lungsod. Pinahintulutan pa niyang ipagamit sa kanila ang Rizal Park (ang liwasang ginamit din ng mga sumali sa Duterte caravan). Isa lamang ang kondisyon: Lahat ng kanilang mga sandata ay dapat isuko pansamantala sa Toril Checkpoint.

Kung hindi si Mayor Duterte [mismo] ang magbibigay ng ganitong kondisyon, sigurado ako na hindi papayag ang MNLF. Pero noong mga panahong iyon, mahigpit ang utos ni Mayor Duterte at magalang na tinanggap ng MNLF ang kondisyon.

Saka nawili ang contingent ng MNLF sa pamamalagi sa lungsod at walang naiulat na kahit isang insidente ng karahasan noong mga panahong iyon. Matapos ang kanilang programa, kusa at mapayapa silang umalis sa lungsod. Naibalik na rin ang kanilang mga sandata gaya ng ipinangako ni Mayor.

Magmula noon, merong mga sundalo sa MNLF at kamakailan sa MILF na sumasali sa taunang parada ng Kadayawan (Araw ng Dabaw) tuwing Marso. Ipinakita lang nito kung gaano katindi ang kanilang respeto at kung paano nila pinahahalagahan kung paano sila tinatrato ni Mayor Duterte, bilang kaibigan at kanilang kaparis.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Ipakaon ang Papel!

By: Jo Barredo

Alam ng marami ang insidenteng ito nang pinakain ni Mayor Duterte ang manloloko ng isang papel. Ito ang isa sa mga insidente ni Mayor Duterte na nabandera sa balitang pambansa bago siya napabantog sa buong bansa.

…Nagsimula ito nang ipinagbili ng manloloko ang isang kapirasong lupa sa ilang “kliyente”. Inaangkin niya na may karapatan siya sa lupa dahil nakareserba ito bilang lupain ng kanilang ninuno (ancestral domain) para sa kanilang tribo.

Napakababa ng presyo ng lupa kaya marami ang nahikayat na magbayad para magkaroon ng kapiraso ng lupang iyon. Subalit, merong kaunting problema.

Ang lupa ay nasa Bangkal sa Lungsod ng Davao. Upang bigyan kayo ng ideya kung bakit ito ang problema, subukang isipin ang isang bakanteng lote sa isang urbanisadong lugar ng lungsod. Napakalayo nito sa mga barangay na itinuturing na lupain ng mga ninuno para sa iba’t ibang mga tribo ng Lumad. Sa madaling salita, hindi ito pag-aari ng mga Lumad at ang may-ari ng lupa ay may makatuwirang pag-aari sa lupaing iyan.

Dalawa ang pagkakamaling nagawa ng manloloko:

  1. Hindi niya sinuri nang mabuti kung meron bang may-ari ng lupang inaangkin niya.
  2. Ginawa niya ang naturang panloloko sa Lungsod ng Davao.

Naisampa na mga reklamo laban sa manloloko, pero iginiit niya na iyon na tama siya. Hanggang kinompronta siya ni Duterte.

Kung makakabasa ka ng balita tungkol dito, maaring alam mo ang tungkol sa manloloko at na sinasabing pinilit ni Mayor Duterte na kainin ng lalaki ang dokumentong ginagamit niya sa modus. Nagdulot ito ng gulo sa CHR.

Pero merong sariling bersiyon si Duterte ng kuwentong iyan (sa Gikan sa Masa, Para sa Masa):

“Bakit mo sila niloko?”

Galit na sinabi ni Mayor.

“Sinira mo ang reputasyon ng mga Lumad!”

“Bakit mo ginawa iyan?”

Saka sinubukan ng lalaki na sagutin ang tanong na iyan. Pero pinigil siya ni Mayor Duterte:

“Teka lang. Mabaho ang bibig mo. Heto ang bubblegum. Nguyain mo muna.”

At iyon ang eksena na kinunan ng mga camera. Kung papel o bubblegum man, ang manloloko at si Mayor Duterte lang ang nakakaalam. Kahit paano, nabigyan ng tubig ang manloloko matapos ang insidenteng iyon. Pero wala nang maniniwala sa kanya sa Lungsod ng Davao. Huli kong nabalitaan na naipakulong na siya.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Pasko sa Lungsod ng Davao

By: Jo Barredo

Merong tradisyon sa Lungsod ng Davao tuwing Pasko. At iyon ay bigyan ng kalinga ang mg Lumad na bababa mula sa kabundukang bahagi ng lungsod at hihingi ng “aginaldo” sa mga tao mula sa mga mababang lugar.

Ako ay 28 taong gulang ngayon at sa pagkakaalam ko, tuwing Pasko, nagbibigay ang aking pamilya ng anuman sa mga Lumad sa abot ng kanilang kakayahan. Naniniwala ako na ganito din ang ginagawa ng marami sa mga tao sa mga mababang lugar ng lungsod.

Noong isang taon, nagbigay ng espesipikong utos si Mayor Duterte:

“Kapag [gustong] pumunta ang mga Lumad sa mall, payagan ninyo.”

“Karapatan nila iyan. Huwag kalimutan na meron tayong ordinansa laban sa diskriminasyon.”

At palagay ko, ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit napakabukod-tangi ang Lungsod ng Davao at may totoong pagkakaisa anuman ang lahi, kultura, o pananampalataya.

Ang nagtulak sa akin para isulat ang seryeng ito ay ang lumabas sa lokal na balita noong isang linggo sa biometrics registration sa isang satellit site ng COMELEC dito sa Lungsod ng Davao. Sa balita, merong mga Lumad na nagpapa-update ng kanilang biometrics. Totoong bihirang mangyari ito kahit pa sa Lungsod ng Davao.

Nang tanungin sila ng media kung bakit sila nagparehistro, tumugon ang kanilang lider:

“Nagparehistro kami para kahit papaano, mapasaya namin si Mayor.”

Nararapat ding banggitin na naglakbay sila ng mahigit dalawang oras para makapunta sa satellite registration site. Ito’y isang oras ng pagsakay at isang oras ng paglalakad.

Nakakataba ng puso na gagamitin ng mga Lumad ang kanilang karapatang bumoto upang ipakita ang kanilang katapatan at suporta sa Alkalde ng Lungsod ng Davao.


Translated by: TweetNewscaster

My Duterte Story: Okay sa Davao

Via: DDS – Metro Manila Chapter

Isang kuwento kay Duterte.

Tinanong siya ni Boom: Okay ba talaga kayo diyan sa Davao? Ito ang tugon na kanyang natanggap. Mahaba ito para i-screenshot. Mas madaling i-copy paste. Hindi ko ilalagay ang pangalan dahil hindi ako humingi ng permiso pero ang aming mga kaibigan sa Facebook ang makapagpapatunay diyan. Tumagos talaga sa akin ito.

Isang Dabawenya sa Lungsod ng Davao at kay Rody:

“Bilang Dabawenyo, masasabi ko na oo, maganda ang kalidad ng buhay dito, pagdating sa kalapitan sa mga kaginhawaan sa kabayanan habang may diwa ng pagkakaisa. Best of both worlds, kumbaga. Nakatira na ako dati sa Maynila at Cebu…

Sinubukan kong gamitin nang ilang beses ang 911. Dumating ang rescue team nang wala pang sampung minuto. Astig eh. Pinatay nila ang ahas sa loob ng bahay namin, at naisalba ang aleng nakaladkad ng motor sa highway.

Nang maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo at alak, isa ako sa mga nabad-trip kasi nagyoyosi ako at mahilig lumabas. Hindi na puwedeng magyosi kahit saan namin gusto? Dapat sa mga itinakdang lugar lang puwedeng manigarilyo? Kailangan nang umorder nang sandamakmak bago pumatak ang alas-dos ng umaga? Bad trip. Nagreklamo na kami noon pa parang mga batang nilimitahan ang oras ng pag-DoTA. Habang tumatagal, naisip namin na hindi naman iyon gaanong kasama. Ayos lang rin naman pala. Nabawasan ang bisyo ko. Ayos! Eh kahit naman si Mayor Rody, mahilig lumbas at mag-videoke, pero hindi nagreklamo sa sarili niyang batas, eh.

Alam kong nasa Davao na ako kapag nagbabayad ako sa taxi, at sinusuklian ako nang sakto. May sukli kahit dalawang piso. Hindi uso ang palko dito. Naikuwento rin ng kapitbahay namin: Madaling araw umuwing naka-taxi. Nagtataka siya na bakit hindi pa rin umaalis ang taxi habang nag-aantay siyang pagbuksan ng gate sa bahay nila. Nagtanong siya kay manong drayber. Utos daw ni Mayor sa lahat ng taxi operators na huwag umalis hanggat hindi nakakapasok ng bahay ang mga pasahero nilang babae, lalo na’t nag-iisa at dis-oras ng gabi.

Totoo lahat ng kuwento. Malaya kaming naglalakad nang madaling araw na walang takot ma-holdap at gaguhin ng kung sino diyan. Hindi kailangang ipuwesto sa harap ang backpack na baka laslasin. Isa kasi sa mga ugali ni Mayor ang magmanman nang hindi nagpapahalata sa gabi hanggang madaling araw. Naka-jacket at baseball cap. Pawis na pawis, pucha, balot na balot eh. Naglalakad mag-isa sa lungsod. May nakabuntot na ilang tao lang. Nagbabantay. Sinisigurado ang seguridad ng mga tao. Nagmamaneho rin siya ng taxi, lalo na nung may pangyayaring may hinoldap at pinatay na drayber. Nag-aabang na matsiyambahan ang mga sira-ulo.

Galit na galit siya sa droga at rapist. Minsan, narinig ko syang magkuwento. Sa dami ng krimen, may isa siyang hindi malimutan. Sanggol na iilang buwan pa lang. Ginahasa. Wasak ang kalahating katawan. Sino ang hindi mapapamura? Sino ang hindi magagalit na ganyan ang nagagawa ng droga sa utak ng tao? Pakiramdam ko, minsan dinadaan na lang ni Mayor sa pagmumura lahat kesa naman umiyak sya. Di na kailangan sigurong paramihin ang ganitong insidente bago magdesisyon na linisin ang lungsod. Sapat na ito na dahilan. Ito lang ang kailangang dahilan. Wala nang maraming drama.

Ang dami pang ginagawa ni Mayor para sa mga tao na hindi ko pa sana malalaman kung hindi siya tumakbo  sa pagka-presidente. Hindi dahil sa diskonektado ako. Hindi kasi mahilig si Mayor magpa-media. Di nya trip ang magpasikat. Titindig balahibo niya. Kung hindi dahil sa rape joke, hindi ko malalaman na may Balay Dangupan pala kami dito na takbuhan ng mga babaeng biktima ng pisikal at sekswal na pang-aabuso. Hindi ko malalaman na nagpabihag siya para makawala ang mga inosente. Ayos lang sa kanya magpalaslas ng lalamunan para sa ibang tao? Ang kulit rin.

Hindi ko nga din alam na iyakin pala si Mayor, lalo na pag dinadalaw niya ang mga batang may cancer na ginawa niyang personal na proyektong tulungan. Oo, personal. Kasi kung ano ang hindi kayang gampanan na tulong pinansyal ng gobyerno, ginagawan niya ng paraan. Nilalakad niya para kumuha ng tulong galing sa pribadong sektor. Gumagalaw siya na tahimik lang. Kaya nga, kung lalabas man sya sa TV, puro pagmumura ang maririnig mo na mensahe niya sa mga salot, kase iyon lang ang ibino-broadcast nya.

Ang dami ko pang puwedeng sabihin. Nakakalula.

Mabuting tao si Digong. Handa siyang mamatay para sa Pilipinas. Ngayon lang ako nakaramdam na puwede pa palang mauso ang maalab at totoong pagmamahal sa bayan. Kaya siya inilalaban ng mga tao dahil alam namin kung anong klaseng tao sya.

Balik tayo sa tanong mong napakasimple.

Oo, dude. Maayos ang buhay dito sa Davao dahil kay Rody Duterte.


Translated by: TweetNewscaster

Duterte Serye: Power of Speech

By: Si Duterte ang Reseta Ko

Tinanong ako ng aking kaibigan kung bakit dapat maging Pangulo si Duterte. Narito ang aking sagot:

Maraming dahilan kung bakit siya nga, pero pinili ko siya kasi naniniwala ako sa talata na “kung mapagkakatiwalaan ka sa maliit na bagay, mapagkakatiwalaan ka rin sa malalaking bagay.” (Lucas 16:10) Ang mga maliliit na bagay ay pagbabawal sa paggamit ng paputok, pagbabawal sa paninigarilyo, paglilimita sa tulin ng mga sasakyan, Central 911, at paglaban sa krimen sa Davao. Ang mga malalaking bagay ay pambansang katiwalian, krimen, at kawalan ng disiplina.

Isang bagay na nagustuhan ko kay Duterte ay nagagamit niya ang [kapangyarihan ng] media nang lubos. Ang lingguhang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa telebisyon ay isang mabuting paraan ng pagdidisiplina sa mga tao at pagbibigay ng takot sa mga kriminal sa pagsasalita lang niya sa TV. Alam kong itutuloy niya ito sa buong bansa. Kailangang turuan at alalayan ang mga Pilipino. Sa kanyang katangi-tangi pero makapangyarihang mga talumpati, naiintindihan siya ng mga tao at nagbabago sila. Makapangyarihan ang pagsasalita at ginagamit niya ito upang matamo ang kanyang layunin.

Tingnan mo si P-Noy. Nakikita mo ba na nagsasalita siya sa taumbayan araw-araw o linggo-linggo para sumunod ang mga tao sa batas? Hindi. Sinayang niya ang maraming pagkakataon. Paano naman si GMA, Erap, Ramos, at Cory? Hindi nila ginagamit ang kanilang boses upang baguhin ang pag-iisip ng mga Pilipino. Nagawa na iyan ni Duterte sa Davao, kaya nakikinig at sumusunod sa kanya ang mga tao dahil binibigyan sila ng inspirasyon at itinatama sila. Nakatulong din kahit paano ang kanyang pagpapatawa! Kailangan ng mga Pilipino ang masalitang lider tulad niya, na para bang misyonaryo ng disiplina at pagmamahal sa bayan.

Isa pa, naniniwala pa rin ako na posible ang kapayaan sa mga kapatid nating Muslim. Tulad sa Dubai [o sa United Arab Emirates], lahat sila’y mga Muslim pero mapayapa at maunlad ang kanilang bayan. Sana ganito din ang Mindanao at ang pag-asa namin ay nasa taong ito kasi nakikinig sila sa kanya, dahil naiintindihan niyang mabuti [ang sitwasyon nila].


Translated by: TweetNewscaster